Pabatid Tanaw

Thursday, September 26, 2013

Nakakasawa na!


Ang ating mga teoriya o pangmasid sa walang hanggan ay kasinghalaga tulad ng isang sisiw na hindi pa nababasag ang talukap ng itlog upang makilatis ang anyo ng daigdig. Ang mga nakaraan ay tapos na at hindi magagawang mabalikan pang muli. At ang hinaharap ay walang katiyakang magaganap. Kung ano ngayon ang nasa ating harapan, ang siya nating pagtuunan, dahil ito ang magbabadya at kikilos kung ano ang nais na maganap bukas. Sa araw na ito ay magagawa mo na ang iyong kinabukasan, kung tahasang nais mong matupad ang iyong mga pangarap. 
   Sa paglalakbay sa buhay ang timbulan ay pananalig, ang ulirang mga pagkilos ang kanlungan, at ang kawatasan ang siyang liwanag sa araw, at ang tamang kagisingan naman ang proteksiyon sa gabi. Kung ang tao ay namumuhay nang dalisay at wagas, walang makapang-wawasak sa kanya. Anumang puwersa laban sa iyo ay walang halaga, hangga't lumalaban ka at nilalagpasan ang lahat ng anumang pagsubok na ipinupukol sa iyo.
   Hindi mahalaga kung gaano kabagal kang maglakbay sa buhay, hangga't nagpapatuloy ka at hindi kailanman humihinto at nawawalan ng pag-asa. Sa kalaunan, ay magtatagumpay ka, sapagkat ito ang nakatakda para sa iyo. Ang pinakamasaklap ay matanggap na wala ka ng magagawa sa buhay at umasa na lamang sa magaganap. Ang kawangis mo ay isang tuyong patpat na inaanod ng rumaragasang tubig at inihahampas sa mga batuhan sa anumang direksyon na mapagbalingan nito.
   Walang nagsisi sa una, kundi palaging sa huli. Papaano na kung matanda ka na at naisin mo mang baguhin ang nakagisnan at kinahibangan? ... ay wala ka nang magagawa pa kundi ang humarap sa taong nasa salamin at kilatisin ang mga nagawa nitong maiiwang pamana sa sariling pamilya, sa mga kaibigan, at sa pamayanan.

Maghinayang ka man ay huli na ang lahat, kundi ang pagsisihan kung ano ang dapat!
   
  

No comments:

Post a Comment