Pabatid Tanaw

Wednesday, August 07, 2013

Tunay na Pilipino




Huwag hayaan ang iyong mga sugat na mapalitan 
ng isang pagkatao na hindi naman ikaw.

May kapighatian sa buhay, at may mga pagkatalo. Sinuman ay hindi maiiwasan ang mga ito. Subalit higit na mainam ang matalo sa ilang mga labanan ng pakikibaka para sa iyong mga pangarap, kaysa maging talunan nang wala mang kaalaman kung ano ang ipinaglalaban mo.

Upang paniwalaan mo ang sariling landas, hindi kailangang patunayan na mali ang mga pagpili ng iba.

Walang bagay dito sa mundo na nakakamit nang walang dahilan: bawa’t bagay kailangang mapag-aralan nang masinsinan at punyagi. Ang tao na nagnanasa ng karunungan ay kailangang may katulad na pagsisikhay ng isang sundalo na patungo sa digmaan: sakdal na matining, walang takot, wagas ang katapatan at buo ang pagtitiwala sa sarili. Kung susundin niya ang mga tagubiling ito nang walang alinlangan, may mga pagkatalo na kanyang mararanasan ngunit kailanman hindi siya maghihinagpis sa kanyang kapalaran. Bagkus malaya niya itong tinatahak na may pag-asang natatanaw. Ito ang kagitingan ng tunay na Pilipino.

Ang Pagkakaiba ng Tunay na Pilipino sa Karaniwang Pilipino
Pambihira ang kanyang kasalukuyan: Alam ng tunay na Pilipino kung papaano ang maghintay, sapagkat talos niya kung ano ang kanyang hinihintay. Habang naghihintay siya, wala siyang inaasahan, sa kalagayang ito, anuman ang kanyang matanggap—kahit na karampot lamang—ay isang biyaya. Ang karaniwang Pilipino ay ibayong nababalisa tungkol sa pagmamahal sa iba, o pagmamahal ng iba. Ang tunay na Pilipino ay alam ang kanyang nais—ito ang lahat sa kanyang buhay at kung saan itinutuon niya ang lahat niyang kalakasan. Ang karaniwang Pilipino ay inaaksaya ang kasalukuyan sa pagganap bilang panalo o natalo, at ito’y naaayon sa resulta kung siya ay magiging taga-usig o biktima. Marami sa kanila ang tahasang natutuhan na ang kawalan ng pag-asa. Ang tunay na Pilipino, sa kabilang dako, ay nag-aalaala lamang tungkol sa kanyang mga pagkilos, na kung saan ay inihahatid siya sa kanyang layunin na matiyaga niyang tinatalunton para sa kanyang sarili. Wala siyang kinikilingan o sinusunod na payo ng iba, kundi ang kanyang sariling paninindigan.

Sa tunay na Pilipino
   Ang intensiyon ay lantaran: Hindi ito isang kaisipan, isang bagay, o isang nasa. Ito ang lumilikha sa isang tao na magtagumpay sa kanyang mga layunin at nagtataas sa kanya mula sa kanyang kinalalagyan kahit na madalas siyang madapa. Pilit na bumabangon at lalong lumalakas na harapin anumang pagsubok na inihahalang sa kanyang daraanan. Ang intensiyon ang gumigising at nagbibigay sa kanya ng direksiyon na magpatuloy pa.
   Palagi itong huling labanan: Ang isipirito ng tunay na Pilipino ay hindi madaing at mapanisi sa anumang bagay o pangyayari, sapagkat hindi siya ipinanganak para magwagi o mabigo. Ipinanganak siya upang makibaka, at sa bawa’t labanan ay siyang huli na kanyang tatapusin dito sa mundo. Kung kaya’t ang bawa’t tunay na Pilipino ay laging nag-iiwan ng malaya niyang ispirito, at kung iniaalay niya ang kanyang kagitingan sa labanan, talos niyang ang kanyang intensiyon ay hayagan, tumatawa at nalulugod sa kanyang sarili.
Sa Karaniwang Pilipino
   Ang intensiyon ay nakakubli: Laging may pagdududa, alanganin at pabagu-bago. Madalas kaysa hindi ang huwag nang tapusin anumang nasimulan. Umaasa at palaging may hinihintay na makakatulong sa kanyang mga bagabag. Higit na pinagtutuonan ng atensiyon ang walang mga katuturan, mausisa, at mapagmatyag sa ginagawa ng iba.
   Walang pakialam sa mga kaganapan: Habang may lugaw at kapirasong bubungan, patuloy ang pagwawalang bahala. Kahit na lantaran at institusyon na ang mga korapsiyon at pangungurakot sa kaban ng bayan sa lahat ng antas ng lipunan, nananatiling umid ang mga labi, bulag ang mga mata, at bingi sa mga karaingang naghahari sa sambayanan. Tahasang tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan.

Kabilang ka ba sa mga tunay na Pilipino o karaniwang Pilipino?

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment