Pabatid Tanaw

Wednesday, August 07, 2013

Kasalukuyang Kaganapan

Katakot-takot na ang mga pagnanakaw ng mga nakaupo sa pamahalaan, at lantarang kilala natin ang mga sangkot sa pangungurakot, subalit walang balita kung sino ang mapaparusahan at mabibilanggo. May mga katiwaliang naganap at nalustay na salapi ng bayan ngunit walang may kasalanan. Gayong ipinagyayabang ang mga nakulimbat na kayamanan. Hindi na ito bago, noon pa ito. Ang ipinagkaiba lamang, ngayon ay isa na itong katangian na ipina-ngangalandakan. Institusyon na ang nakawin ang kaban ng bayan. Titulo na ito ng mga pulitiko at halal ng bayan. Sa Kongreso, mataas o mababang kapulungan man, lahat ay kasangkot dito. Kung may natitirang matino; ito ay tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan. Dahil kahit papaano ay nakikinabang din siya. Kung hindi, higit na makabayan ang magbitiw sa tungkulin at lisanin ang kapulungan nang hindi siya maparatangan ng pakikipag-sabwatan at pakikiisa.
   Kapansin-pansin ngayon na inihahalal natin ang mga magnanakaw (plunderers), mamamatay-tao, mga mandaraya (jueteng lords), smugglers, drug lords, at rapist. Pati na ang mga heneral na galing sa PMA (Phil. Military Academy) ay kasangkot din sa mga kaguluhan at nakawan. Sa katakawan ayaw nang bitiwan ang mga luklukan. Kahit na walang mga kakayahan, isinasalin sa pamilya ang kapangyarihan para panatilihin ang mga katiwalian. Nakakagulat na ito at kahindik-hindik pa. Ang nakapagtataka nga lamang, tahimik pa rin at panis ang marami sa ating mga kababayan. Ang pagsambulat ng kurapsiyon sa media (telebisyon, radyo, at mga pahayagan) ay walang kasabay na pagsambulat na reaksiyon mula sa sambayanan. Hindi tayo nanggagalaiti at nagpoprotesta. Walang demonstrasyong nagpapakita at nagpapahayag ng ubos lakas na “Tama na! Sobra na! Tigilan na!”

Sa isang lipunan, nakapangyayari lamang ang mga masasama kung wala nang natitira pang mabubuti.

 Walang pakialam, pagwawalang-bahala, walang binabago, sumusulak na galit, palihim na nanggagalaiti--at walang magawa. Mga nagdudumilat na kaganapan sa ating lipunan. Ito ang ating mga reaksiyon para labanan ang kurapsiyon at baguhin ang direksiyon ng ating pulitika at maging ng ating mga negosyanteng relihiyon.
   Naturingan tayong mga Kristiyano sa dakong ito ng mundo, subalit salaula ang ating mga halalan, pawang kabuktutan at nakawan ang naghahari sa ating lipunan. At may ngiti tayong binabanggit na malaya at may demokrasya ang Pilipinas. Hangga't mga manhid, mga salaula, at may nagnanakaw, patuloy din ang ating pagsisimba at pagiging deboto sa ating mga relihiyon. Patuloy din nating tinatanggap at ipinapahayag na mga Kristiyano tayo. Tuluyan nang nalukob tayo ng mga panandaliang aliw na nakikita sa telebisyon, kung kaya't normal at aliwan na para sa atin ang mga scams, mga karahasan, at mga nakawan. 

Kailan ba tayo magigising nang tuluyan? Hangga't hindi pa huli ... 

“Tama na! Sobra na! Tigilan na!”

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment