Pabatid Tanaw

Tuesday, August 06, 2013

Kailangan ang Bungisngis

Ang pagtawa ay higit na nakakalugod kaysa dangal,
Higit na makislap kaysa salapi, at higit na nagpapadalisay sa puso kaysa panalangin.

Naranasan mo na ang tumawa na may kasamang luha? Halos tumigil ang iyong paghinga at manakit ang iyong tiyan sa katatawa. Lahat tayo ay hindi nakakalimot kapag naa-alaala ang mga nakakatawang karanasan sa ating buhay. Bagama’t isa itong panglunas sa pamamanglaw, marami ang hindi magawa na maging bahagi ito ng kanilang personalidad sa mga relasyon. Laging seryoso at abala sa maraming bagay maliban sa mag-aliw at tawanan ang mga problema.
   Kung ang sabon ay para sa katawan, ang pagtawa ay para sa kaluluwa. Hindi ka mahirap kung nagagawa mong tumawa. Palantandaan ito na kaya mong harapin ang anumang problema sa buhay nang may mga ngiti sa labi. Karamihan sa atin ay mapaghinala at ikinahihiya ang pagtawa. Ayaw nilang mapagkamalang abnormal o, may keleleng sa ulo. Dahil kapag laging tumatawa ka, may turnilyong nawala daw sa kukute mo. Maling paniniwala ito at hindi lubusang nauunawaan ang dulot ng pagtawa sa ating kalusugan.
   Simula noong bata pa tayo, binugbog na sa kabibilin ng mga matatanda na huwag tumawa at maging seryoso sa buhay. Hindi tinatawanan ang mga bagay ayon sa kanila, bagkus iginagalang. Hanggang sa tuluyang maglaho ito sa ating sistema at matakot na tumawa nang mag-isa. Nahihiya tayong makipag-tawanan sa iba, at baka paghinalaan na mababaw ang ating isipan. Gayong sa kaunting pagduyan lamang ng iba, mayroon sa atin ang bumabunghalit kaagad ng tawa kahit ang patawa ay panis na.
   Ang pagtawa, ay isa sa mga regalo sa atin bilang tao. Sapagkat, bilang bungisngis, binubungi nito ang mga pagkainis at mga hinagpis na kahapis-hapis. Ang mga aso ay ipinapakita ang katuwaan sa paggalaw ng kanilang mga buntot. Ang tao naman ay sa pagtawa, upang malunasan anumang problema. Hindi natin ito maitatatwa o maililihim, dahil gaano mang pagtatago o pagsupil ang gawin mo, kusa itong aalpas kapag hinihingi ng pagkakataon. Tatawa ka at mapapaluha sa kagalakan kapag tinanggap mo ang tunay mong kalikasan. Ang tawanan ang lahat at magpatuloy na umusad nang walang pangamba.
  Kaugalian na ng mga tunay na Pilipino sa alinmang umpukan ang mga patawa. Ito ang nagpapakita sa ating tradisyon; na pagdating sa mga tawanan, wala tayong kinikilingan kundi ang masiyahan.

May patawa ka bang maikukuwento?

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment