Pabatid Tanaw

Saturday, August 03, 2013

Panatilihin ang Integridad




Huwag nang makipagtalo pa kung papaano dapat na maging uliran ang isang tao. 
Simulan na ito ngayon sa iyong sarili.

Ano ang kahulugan ng integridad?
   Isang disiplinadong ugali na nakabatay at nagpapanatili ng moral at pagiging uliran sa buhay.

May nagbabala na kung hahanap ka rin lamang ng mga taong uupahan mo at gagawing mga kawani sa iyong negosyo, tatlong katangian ang pamantayan: integridad, talino, at kasipagan. At kung sa tatlong ito ay wala ang integridad, ang sumusunod na dalawang katangian ang siyang magpapabagsak ng iyong negosyo. Pakaisipin ito, at ito ang totoo. Kung kukuha ka ng manggagawa o empleyado nang walang integridad, ang hinahanap mo lamang at sadyang nais ay mga tanga at tamad.

10 Ugali ng Taong may Integridad
1. Hindi pumapayag na tumanggap ng mababa pa kaysa nalalaman niyang nararapat na mapasakanya; sa salapi, sa trabaho, at maging sa relasyon. Anumang uri nang pagtrato niya sa sarili, ito din ang gagawing pagtrato sa kanya ng iba. Ayon sa kanya: Kung nais mong igalang ka ng iba, igalang mo muna ang iyong sarili. Kahit sinuman ay hindi ka pahahalagahan kung pabaya ka sa iyong sarili.
 2. Namumuhay nang matiwasay at naayon sa kanyang mga personal na kahalagahan at paninindigan. Higit na mainam ang maging tunay siya sa kanyang sarili, kahit mangahulugan ito na pagtawanan siya ng iba, kaysa maging mali at balatkayo, at sisihin ang sarili kung bakit naging tanga siya sa mahabang panahon.
 3. Hindi ginagawa ang mga bagay na hindi niya makakayang aminin, sapagkat kung ikinahihiya niya ito, nakakatiyak siyang ito ay mali at nakakasama sa iba.
 4. Binibigkas ang katotohanan, kahit na pagsisimulan ito ng alitan. Higit na mainam sa kanya ang isiwalat ang totoo at malunasan ito, kaysa hayaan at mauwi sa kapahamakan ang lahat. Isang integridad ang itanim muna ang katotohanan sa kanyang sarili, at buong katapatan na ipahayag ito sa iba.
5. Hindi niya ipinagbubunyi o ipinagyayabang ang kanyang mga talento o mga kakayahan, bagkus kung papaano niya magagamit ang mga ito sa kapakinabangan. Kung hindi ito tama sa kanya, hindi niya ito ginagawa. At kung hindi naman totoo, hindi na niya ito binibigkas pa.
 6. Ang katapatan niya ay hindi isang kasinungalingan. Ito ay ang paghahayag niya ng katotohanan, pagsasabi ng totoo, pamumuhay ng tama at makatuwiran, at tunay na may pagmamahalan sa kanyang mga karelasyon.
7. Pinipili ang kanyang mga nais batay sa kanyang paniniwala at hindi mula sa sulsol at paniniwala ng iba. Ayon sa kanya, madali ang maging sunud-sunuran sa iba, dahil karamihan sa atin ay ginagawa ito. Ang tama at sadyang mainam gawin, ay ang mabuhay nang naaayon sa iyong kagustuhan.
8. Hindi mandaraya sa anumang larangan. Paliwanag niya: Unti-unting nababawasan ang iyong kumpiyansa at pagpapahalaga sa sarili kapag ikaw ay sinungaling at mapag-imbot. Kasama din dito ang pagkasira ng iyong mga relasyon at reputasyon. Ang pagtitiwala sa iyong kakayahan at abilidad na magtagumpay ay kusang mawawasak nang walang katiyakan para maibalik pa kaysa dati.
9. Hinihingi ang nais at kailangan mula sa iba. Hindi malalaman ng iba ang kanyang kahilingan hangga’t hindi niya ito ipinapahayag. Ang walang kilos at panis ay nabubulok at iniiwasan, ngunit kapag ang turnilyo ay maingay, ito ay nilalangisan.

10. Ang Kanyang Panuntunan:
Ang kaisipan ay lumilitaw sa salita;
Ang salita ay kumikilos sa gawa;
Ang gawa ay yumayabong sa ugali;
At ang ugali ang nagpapatigas sa karakter ng iyong pagkatao;
…Kaya nga bantayan ang anumang iniisip at pakaingatan ang mga paraan nito,
At hayaan na ang sumibol dito ay tigib ng pag-ibig, at marubdob na pagmamalasakit sa lahat ng may buhay.
Tulad ng ating mga anino na sumusunod sa ating katawan, anumang ating iniisip, ito ang ating magiging pagkatao. Mula sa isip, sa salita, at gawa; isang kaganapan at kaligayahan ang maging tunay na Pilipino.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment