Pabatid Tanaw

Saturday, August 03, 2013

Huling Araw Ko na Ngayon




Hindi pinag-uusapan kung saan ka ipinanganak, ano ang natapos mo, ang antas ng kalagayan mo sa buhay, at sa dami ng mga kakilala mo, bagkus kung ano ang ginagawa mo sa ngayon na kapaki-pakinabang at nakakatulong sa iyong kapwa.

Ito ang huling araw ko sa mundong ito. Mamayang gabi muli akong matutulog at wala akong katiyakan kung muli din akong magigising. Sa kinabukasan, sakali mang pinagpala akong gisingin muli ay mayroon na naman akong 24 na oras para magampanan ang aking takdang tungkulin. At ako'y buong pusong nagpapasalamat sa biyayang ito.
   Gagawin ko ang lahat sa abot ng aking makakaya na tuparin ang aking pagkakalitaw sa mundong ito. Nais kong ipadama ang pagmamalasakit, pagmamahal, pang-unawa at anumang kabutihan gaano man ito kaliit nang walang hinihintay na anumang kapalit.

Ito ang aking panuntunan:
   Hindi ako isang banal na palasunod sa mga panuntunan ng ibang tao o tagapagsalita ng mga alituntunin at dogma ng relihiyon. At hindi maaaring mangyari ito sa akin hanggang sa lumisan ako sa mundong ito. Pakiusap ko lamang, huwag asahan o ipatupad sa akin ang mga bagay na hindi ko malirip at pawang pantasya. Wala akong kakayahang bigyan ito ng kahulugan o ipaliwanag ang mga bagay na ito. Sapagkat higit kong binibigyan ng pansin ang aking pagkakalitaw dito sa mundo; kung sino ako , saan ako patungo, at anong misyon ang itinalaga sa akin. May kanya-kanya tayong pakete na kailangang gampanan.
   Hangga’t wala akong ganap na kaalaman tungkol sa aking sarili, mistula akong tuyong patpat na inaanod ng rumaragasang tubig. Kahit saan direksiyon ay matulin akong ipapadpad. Ayaw kong mangyari ito sa akin.
   Marami akong nararapat na gawin sa buhay kong ito. Lalo na sa kapakanan ng aking mga mahal sa buhay. Wala akong panahon sa mga bagay na walang katuturan at hindi magawang maipaliwanag nang lubusan. Ang panahong uubusin ko para dito ay ilalaan ko na lamang na maging uliran at kapaki-pakinabang sa lipunang aking ginagalawan. Tungkulin ko ang maging handa, maalam, at dumaramay kahit kaninuman. Ginagawa ko ito nang walang hinihintay na kapalit o pangako ng mga bulaang propeta na paraiso. Wala sa sistema ko ang magpaka-banal at maging maamong tupa sa mundong ito ng pakikibaka. Bawa’t araw na dumaraan, kailangan lagi akong gising at nasa tamang katuwiran. Dahil kung ako ay pabaya, madudukutan ako nang gising. Binanggit ng kaibigan naming dalawang madre, "Huwag magtiwala, at lubusang magtiwala." Sa perang dolyar ng mga Amerikano, nakasulat ang, "IN GOD WE TRUST" Pinatutunayan nito, na kapag tao ang kaharap mo, hindi ito perpekto at nagbabago ang kaisipan sa tuwina. Palatandaan na huwag matulog nang gising.
   Lagi kong binabanggit maging noong nasa elementarya pa ako, “ Hindi ako nasa eskuwela para makakuha ng mataas na grado, kundi ang may matututuhan.” Sakali mang naging mataas ang marka ko, problema na ng guro ko ito. Hindi ako nakikipag-paligsahan kahit kanino, ang kakumpetensiya ko ay ang aking sarili lamang. Pilit kong nilalagpasan anuman ang aking nagawa kahapon. Ugali ko ang tignan nang masinsinan ang landas na aking tinatahak, at tanungin ang aking sarili: Ano ba ang aking intensiyon at ginagawa ko ito? Ang landas bang ito ay may puso? Kung umaayon at nasa tamang katuwiran ito, ang landas ay patungo sa kabutihan. At kung hindi naman, ay walang saysay na magpatuloy pa ako. Dahil pawang kabiguan lamang ang aking makakamit.

Sa ganang akin, ang tanging katotohanan lamang ay maging tunay ka; sa isip, sa salita, at sa gawa: Ang maging tunay na Pilipino.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment