Pabatid Tanaw

Monday, August 12, 2013

Kilala Mo ba AKO?




                   Ang tamang bagay na gagawin at mahirap na bagay 
na gagawin ay karaniwang magkatulad.


Hindi mo ako masyadong nagugustuhan, madalas ay iniiwasan mo ako kung may pagkakataon ka, sa katunayan ay kinamumuhian mo ako, at ninanasang kailanma’y huwag nang muli pang masangkot sa akin.

  Subalit …

AKO ang tunay na dahilan kung bakit umiinog ang iyong mundo.

AKO ang patuloy na tumitiyak upang ikaw ay maging ligtas at matiwasay sa iyong tirahan.

AKO ang iyong kailangan upang ganap mong mapanglingkuran ang iyong mag-anak.

AKO ang pinagmumulan sa lahat ng uri ng iyong pananalapi, relasyon, at kinabukasan.

AKO ang humihikayat sa iyo na tahasang gumising sa umaga upang gawin mo ang iyong tungkulin.

AKO ang may pahintulot na maglaan ng panahon at huminto ka, magsaya at mag-aliw upang lalong sumigla.

AKO ang sanhi at tagalikha sa lahat ng mga imbensiyon sa buong mundo.

AKO ang pinagmumulan kung bakit patuloy na nagbabago ang iyong kapaligiran.

AKO ang pinaka-sentro sa lahat ng larangan na iyong ginagalawan at buong atensiyon.

AKO ang walang tigil na umaalalay sa iyo na magsikhay pa at gawin ang lahat sa abot ng iyong makakaya.

AKO ang tanging kadahilanan at patuloy kang umaasa ng tagumpay.

AKO ang kabubuan ng lahat ng kapasiyahan tungkol sa iyo.


   Maraming dahilan na makilala mo ako nang lubusan tulad ng mga isinasaad sa itaas. Ito ang katotohanan at nakakatiyak, maaaring hindi ako kaibig-ibig at hinahangaan ng libu-libong maraming libo na mga tao, subalit … AKO ang sukdulan at wagas na nagpapatuloy, nagpapayabong, nagpapaunlad at tumitiyak ng iyong kaligtasan para sa iyong sarili, sa iyong mag-anak; sa iyong mga mahal sa buhay, sa iyong pamayanan, at maging sa iyong bansa.



Oo, AKO ay TRABAHO.

AKO ang umiinog sa iyong pagkatao—ang paninindigan na tanggapin ang iyong mga responsibilidad sa sarili—ang simula kung saan ang iyong paggalang at pagtitiwala sa iyong sarili ay sumisibol.
 AKO ay TRABAHO.

   Kung wala AKO, at hindi ang siyang dahilan, ano sa palagay mo ang kalagayan mo ngayon?

   Limiin mo itong mabuti: Ang antas ng kalagayan mo ngayon ay AKO ang lumikha. Nakabatay ito sa iyong tiyaga at direksiyong tinutungo: Kasaganaan o Karalitaan. Kaligayahan o Kapighatian. Masipag o Tamad. Mamili ka sa alinmang narito, anumang piliin mo ay tama ka. At ito ang iyong tatahaking kapalaran. Kung nais mong mabago ang iyong kinabukasan, NGAYON pa lamang ay kumikilos na AKO.

Ano pa ang hinihintay mo?



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment