Pabatid Tanaw

Monday, August 12, 2013

Ano ang Trabaho Mo?




Isang mahalagang susi sa tagumpay ay pagtitiwala sa sarili. At ang sekreto nito ay upang ganap na panaligan ang sarili, ay preparasyon.

Ang trabaho ay bahagi na ng ating buhay, ito ang lumilikha kung ano ang antas ng kalagayan natin sa lipunan. Ngunit marami sa atin, pagkagising sa umaga ay halos kaladkarin ang mga paa para lamang pumasok sa trabaho. Bagama’t kinamumuhian ito ng iba, isa itong pangangailangan na hindi maiiwasan.

   Ang trabaho na ginagawa mo ngayon ang magsusulong ng iyong mga pangarap: ang makamtam mo ang iyong mga lunggati anuman ang mga ito; ito ang bumubuhay sa atin upang mabili ang ating mga kailangan, ang kandiliin ang ating mga mahal sa buhay; ang magkaroon ng tahanan; at makatulong na mabuhay nang matiwasay sa mundong ito.

   Sa halip na mabugnot at sisihin ang kinasadlakan, tanggapin ang trabaho na isang pagpapala. Kahit papaano ay may trabaho ka at hindi umaasa sa iba. Gaano man ito kaliit ay nakakabuhay din. Kaysa tahasang wala kang pinagkukunan ng iyong mga pangangailangan. Ang iyong atensiyon at pagpapahalaga lamang ang kaibahan, kung bakit nahihirapan ka na yakapin ang kasalukuyang kalagayan mo. Sapagkat wala kang katiyakan kung saan ka dadalhin ng gawain mo ngayon. Subalit kung matatangap mo na isang tuntungan ito at sinansanay ka lamang sa higit na napakalaking katungkulan na darating sa iyo, magbabago ang iyong saloobin at puspusan mong papaunlarin ang iyong sarili sa araw-araw.

   Hindi lamang may trabaho ka at tungkulin mo ito, subalit may responsibilidad ka rin sa iyong sarili na paghusayin nang higit pa ang iyong mga kakayahan, dahil ang iyong mga katangian ang kusang magpapasiya kung mananatili ka sa kalagayan mo ngayon o magpapabago nito. Ikaw ang lumilikha kung magkano ang iyong kikitain sa maghapon. Kung karaniwang sahod at nakakasapat lamang ang nais mo, ito ang ibibigay sa iyo. Ngunit kung may mga pangarap ka na makakahango sa iyong kalagayan, gagawin mo ang lahat para ito matupad.

  Kung pabaya at tinanggap mo, na ayos lamang ang mawalan ng pag-asa, makakatiyak ka sa buhay na pawang kapighatian lamang ang iyong daranasin. Dahil mapag-iiwanan ka at gagawin na lamang tuntungan at pamahiran ng mga taong binigyan mo ng permiso para gawin ito sa iyo. Walang bagay ang magaganap laban sa iyo o hindi mo gusto, kung wala kang pahintulot.
  
Ang talento at mga katangian mo ay handog sa iyo… Anuman ang iyong nagagawa at pagpapahalaga sa mga ito ay ang iyong sukli sa kalagayan mo ngayon.

Bakit hindi mo alpasan at tuluyang ilantad ang iyong mga kakayahan?


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment