Pabatid Tanaw

Wednesday, August 07, 2013

Kawikaan ng Linggo



Pagpapatawad
1- Ang  mga mahihina kailanma’y hindi nagpapatawad. Ang pagpapatawad ay katangian ng mga malalakas.

2- Magpatawad ngunit huwag makalimot, kung hindi mo nais na masaktang muli. Ang pagpapatawad ay binabago ang ating pananaw. Ang pagkalimot ay hindi natutuhan ang leksiyong pinagdaanan.

3- Ang tunay na kapatawaran ay kapag nasambit mo ang; “Salamat sa naging karanasan ko sa iyo.”

4- Ang pagpapatawad ay siyang halimuyak ng sampagita na ipinalanghap sa takong ng sandalyas na lumigis dito.

5- Tandaan lamang; ang pagsugat sa damdamin ng isang tao kadalasan ay nagmumula sa hapding nadarama ng sumugat. Kung sinuman ang pangahas at walang paggalang, makakatiyak kang mayroon siyang hindi natapos na mga isyu na sumusugat tuwina sa kanyang kalooban. Nailalabas niya ito sa pagkagalit, paninisi, pamumuna, pamimintas, at pakikialam sa iba na ninanais niyang itama sa kanyang sarili. Ang huling bagay lamang na kailangan niyang maganap upang palubhain pang lalo ang mangyayari, ay magawa ka niyang tumugon din nang higit pa sa ngitngit na idinudulot niya sa iyo.
  
6- Ang mga miserableng tao ay mapaghanap ng makakaramay. Panata na nila ang maghasik ng lagim sa sinumang makaharap. Palabok ng kanilang mga pangungusap ang mga reklamo, paninisi, karaingan, pagkabugnot, pamimintas, at pagwasak ng kaligayahan ng iba. Kung may umaaligid sa iyong katulad ng mga ito, huwag nang magdalawang-isip pa, tumakbo kaagad nang mabilis at sumumpang kailanman sa tanang-buhay mo ay hindi na mauulit pang makalapit sila sa iyo.

7- Patawarin ang iyong mga kaaway, subalit huwag kalimutan ang kanilang mga pangalan.

8- Sa tanang-buhay mo, may mga taong makakagalit mo, hindi ka igagalang, at sasaktan ka pa. Nasa iyo ang kapasiyahan kung patuloy mo pa silang papayagan. Nangyayari lamang ang lahat ng mga ito dahil din sa iyong permiso at kagustuhan mo. Kung may paggalang ka sa iyong sarili, igagalang ka din nila. Kung hindi, patuloy ka nilang aabusuhin tulad ng basahan na pamahiran.

9- Mararamdaman mong nagpatawad ka na sa mga nagkasala sa iyo, kapag nagawa mong idalangin ang kanilang kaligtasan at kapayapaan.

10- Magagawa mong patawarin ang sinuman kahit na anuman. Subalit hindi mo magagawang payagan na abusuhin ka nang matagalan. Ang pagkakamali ay minsan lamang. Kapag ito’y inulit pa; hindi na ito pagkakamali, tahasan nang sinasaktan ka. At kung patuloy pa ito, isa na itong ritwal at ikakasawi mo.

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment