Pabatid Tanaw

Monday, August 12, 2013

Madalas ang Kabiguan




Ang tagumpay ay kaakibat ng pagkilos. Ang matatagumpay 
na mga tao ay patuloy ang mga pagkilos. Nagkakamali at nabibigo 
sila subalit hindi umaayaw.

Sa araw na ito; kung nakahanda ka, ganap mong nauunawaan na isa na naman itong sakripisyo. At sadyang pinatutunayan na mayroon kang puhunan para sa maghapon; na gawin ang lahat sa abot nang iyong makakaya na pagbutihin pa, upang lalo kang magtagumpay.

    Matitisod at madadapa ka, magkakamali at mabibigo; ngunit nagiging balakid lamang ito kung bakit hindi mo magawang tumayo at magpatuloy pa. Ito ay kapag nagsimula ka nang manisi ng iba, sa mga pangyayari, at mga bagay… maliban sa iyong sarili. Hindi isang sagwil ang kabiguan, at katapusang pangyayari. Hindi ka basta sa isang iglap na nagkamali. Sa halip, ang iyong kabiguan ay mumunting mga kamalian sa mga paghatol at sa mga kapasiyahang iginagawad na paulit-ulit at ginagawa sa bawa’t araw.

   Alalahanin, huwag mawalang ng pag-asa, sapagkat ang mga maling hakbang o sinubukang mga pakikipagsapalaran ay siyang nagpapalinaw at nagpapalakas sa iyo na makita ang tamang daan at magpatuloy pa. Bawa’t may kabuluhang gawain, maliit o malaki man, ay mayroong mga baitang ng pagpapakahirap at pagwawagi, pagkabagot at pagtitiis, isang simula, isang pakikibaka at kaukulang tagumpay.

   Kaya lamang may natatalo at nagiging biktima; ay ang katotohanan na wala sa puso ang pagtitiyaga at determinasyon. Kusang tinatanggap ang mga pagkatalo nang walang panghihinayang at kasabikang sumubok pang muli. Madaling panghinaan ng loob at takasan ang mga nakaatang na mga responsibilidad. Umaasang kahit manawari ang mga bagay na ito ay kusang maglalaho at mababago. Nagkamali na, patuloy pa itong dinadagdagan nang ibayong kamalian, ... laging nangyayari ito, kapag tumalikod at pinabayaan ang lahat.

Ang sekreto ng tagumpay: ay kagitingan, pananalig, pagtitiis at masidhing determinasyong manalo. Ang  malagpasan ang anumang mga pagsubok at mga balakid na inihahalang sa iyong daraanan. Nagagawang matagpuan ang tamang daan at kung naliligaw man ay madaling makagawa ng paraan.

Ang malaking pagkakaiba sa pagitan ng imposibleng bagay at posibleng bagay ay nakabatay sa determinasyon ng isang tao.

May determinasyon ka ba para magtagumpay?


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment