Pabatid Tanaw

Saturday, February 02, 2013

Magbigayan Tayo



Anumang aking ibinibigay, ay mayroon ako. Anumang ginugugol ko, ay kinita ko. At anumang itinatago ko, ay hindi sa akin at mawawala ito. 
Sa lahat ng mapagmahal na tanawing makikita sa mundo, wala nang hihigit pa sa pagkagiliw ang ipinapakita ng isang bata kapag ito’y may bagay na ibinibigay. Gaano man kaliit ang munting nakayanan niya, matinding kasiyahang naman ang mararamdaman ng nakatanggap.

Ang musmos kung nagbibigay ay buong puso at kahalintulad ng kanyang buong mundo, walang kalakip na mga pag-aalinlangan at anumang mga kundisyon. Mistulang binubuksan ang mundo sa iyo tulad ng aklat na hindi mo pa nagagawang basahin. Sapagkat kapag ang regalong ito ay masusumpungan mo mula sa sa isang inosenteng bata, pumapasok ito sa iyong puso at nananatili sa mahabang panahon.

   Walang makakatulad ang pagbibigay ng isang musmos. Sa kanyang kaliitan ay wala pang kakayahang magbigay, sapagkat hindi pa niya ganap na nauunawaan na nakapagbigay siya sa iyo nang walang kahulilip na kasiyahan.

   Kawangis nito ang kaligayahang sumasapuso ng isang ina mula sa ngiti ng kanyang sanggol. Hindi ito mapapalitan at walang katumbas na halaga.


Makapagbibigay ka kahit na walang pagmamahal,  subalit hindi mo magagawang magmahal nang wala kang ibinibigay.

Kung minsan, kinakailangan nating kumilos na tila musmos upang magawa ang mga bagay nang walang anumang pag-aalinlangan. Mayroon tayong sariling pagkukusa at hindi naghihintay ng anumang kapalit.
Huwag manatiling nakatingin at naghihintay, kumilos at magkawanggawa. Tulungan ang mga nangangailangan at mga kapuspalad. Maaaring isang matanda na nagnanais tumawid ng daan, isang ina na hinahanap ang nawawala niyang anak, o maging isang tao na nawalan na ng pag-asa. Lalong higit sa panahon ng mga kalamidad na kung saan marami sa atin ang napipinsala. Makialam at maging bahagi ng kalunasan sa mga mahahalagang bagay, na kailangang maipaalam sa kinauukulan para magawan ng kalutasan. Napakarami ang magagawa natin kung atin lamang nanaisin. Huwag na nating hintayin pa na tayo naman ang sumunod na maging biktima.
Kung may napansin kang bagay na kailangang magawa, gawin kaagad ito. Huwag nang ipagpabukas pa at patagalin. Kung may pangangailangan, ay kaagad punan - at lalong kaibig-ibig kung magagawa ito sa paraang walang nakakaalam na nagawa mo ito. 
Mula sa iyong sarili, sa iyong mga mahal sa buhay, sa mga kaibigan, at sa pamayanan, lahat ng mga ito ay magkakaugnay. Tayong lahat ay magkakabit. Iisang hangin lamang ang hiningang labas-masok sa ating mga katawan. Ang sakit ng kalingkingan ay nadarama ng buong katawan. Ang kapighatian ng isa ay kamalian natin. Kung wala tayong pakialam, bahagi tayo ng mga maling kaganapan.

Katulad ng mga tinting, walang gaanong halaga kung nag-iisa. Ito ay may kahalagahan lamang kung magkakabigkis para maging walis at magamit. Nasa pagtutulungan lamang upang magkabuklod at manatili ang pagkakaisa. At ito ay nagsisimula muna kung ikaw ay may pusong mapagbigay.

No comments:

Post a Comment