Pabatid Tanaw

Saturday, February 02, 2013

Maglingkod Tayo


Makapagbibigay ka kahit na walang pagmamahal, subalit hindi mo magagawang magmahal nang wala kang ibinibigay.


PAGDAMAY
Nangyari ito noong matapos manalanta ang bagyong Sendong. Kumakatok sa bawa’t pinto ng magagarang bahay sa isang malaking subdibisyon ang mga madre ng isang simbahan, upang manghingi ng anumang tulong para sa mga kapuspalad na sinalanta ng bagyo.

Isang madre ang pinapasok sa sala ng may-ari ng bahay na walang paniniwala sa relihiyon. Nag-alok ito ng dalawang libong piso, kung magagawa ng madre na tumungga ng isang kopitang alak.

Nabigla ang madre sa magiging kalagayan niya, sakalimang tanggapin ang inaaalok ng lalake. Bagama’t nakasalang ang magiging reputasyon ng madre, sandali lamang ang naging pag-aalinlangan niya, dahil ang P2,000 ay katumbas ng maraming kilo ng bigas at kabusugan sa mga nagugutom.

Madaling kumuha ang lalake ng isang bote ng alak at binuhusan ang kopita. Matapos mag-antanda ng madre ay mabilis nitong tinunggga at sinaid ang laman ng kopita.

At matapos mailapag ang kopita sa lamesa, ay walang kagatul-gatol na hinamon ang may-ari ng bahay, “At ngayon, Sir, kung maaari lamang, isa pang kopita ng alak sa ganoong ding presyo!”

Nagulat ang lalake at pinaunlakan ang hamon ng madre.

At nang ilapag ng madre ang sinaid na pangalawang kopita,ay bubulong-bulong na inilabas ng lalake ang P4,000 sa kanyang pitaka.

Aral: Huwag mong subukan ang nangangailangan nang hindi ka mawalan sa iyong kabalbalan.


PAGLILINGKOD
Isang tanyag na psychiatrist ang nagbigay ng lecture tungkol sa mental health, at matapos ito ay nagsimulang sagutin ang mga katanungan ng mga nakinig.
May isang nagtanong, "Ano ang imumungkahi ninyo sa isang tao na kailangang gawin, kung ang taong ito ay nagkaroon ng matinding nerbiyos at lubhang naliligalig?"

Karamihan ay umaasa na ang isasagot ng psychiatrist ay, "Kumonsulta ng psychiatrist!" Sa kanilang pagkabigla, hindi nila inaasahan ang naging tugon nito: "Isarado mo ang iyong bahay, pumunta ka sa isang pook na tirahan ng mga iskwater nating kababayan, humanap ng sinuman na talagang nangangailangan, at gumawa ng anumang maitutulong sa taong ito."

Aral: Masusumpungan lamang ang katiwasayan ng kalooban, kung nasa paglilingkod nakatuon ang isipan.

PAGPAPAHALAGA
Kung pupunuin ng tubig ang isang timba sa pamamagitan ng patak lamang, maraming oras ang kakailanganin bago ito mapuno. Kahit na makitang halos puno na ito, kailangan pa ring dagdagan pa ng maraming patak para ito masabing puno na. At sa kalaunan, matapos mapuno ito ... sa isang patak lamang na karagdagan ay aapaw na ito. 
Ganito din ang paggawa ng kabutihan. Karamihan sa atin ay nagagawang tanggapin kahit na isang karaniwang tulong, subalit isang malaking kaabalahan ang maipakita o maipadama ang ating pagpapahalaga para dito. Napakahirap na mabigkas man lamang ang maikling kataga na, "Salamat." Mistulang may bikig ang ating lalamunan para mapakawalan ang ating pasasalamat. Gayong higit na pinagpapala ang umuusal nito kaysa ang tumatanggap, sapagkat katulad ito ng isang dalangin na pagbuksan pa upang makamtan ang maraming biyaya.
Kung sa maikling kataga ng pagpapahalaga ay nagkukulang ka, papaano na kung may kapagurang inaasahan mula sa iyo? Huwag magmaramot at patigilin ang mga biyayang nakalaan para sa iyo. Alalahaning ang nakabukas na mga palad ay may nasasalo kaysa nakatikom ang mga ito.  

Aral: Kung marunong kang magpahalaga, ikaw ay mahalaga.

No comments:

Post a Comment