Pabatid Tanaw

Sunday, January 20, 2013

May Pananggalang Ka na ba?


Walang mga kundisyon at anumang paghatol kung magmahal ang kalangitan ng Ama sa kanyang mga anak.

Sa bawa’t araw, naging ugali ko na kapag lumalabas ako ng bahay, ang patatagin ang aking sarili sa panibagong pagsubok at gagawing pakikibaka na aking susuungin sa maghapon. Kailangang may matibay akong mga kalasag para makatiyak sa aking kaligtasan. Sapagkat kung hindi ka nababalutan ng mga panangga na makapagliligtas sa iyo, madali kang mapapahamak. Una dito, makakalimot ka sa iyong sarili, sa mga tungkulin, sa mga mahal mo sa buhay, at sa iyong kaluwalhatian. Sapagkat napakaraming samo’t-saring mga panganib, mga balakid, at mga atensiyon ang mag-uunahang pupukaw at pipinsala sa iyo.
Nasa iyong tamang pagpili, kung alin dito ang may makabuluhan na dapat mong pagtuunan, kakalabanin, at pupuksain. At ang matutuhan na makaiwas sa walang mga katuturan, na ninanakaw ang iyong mga mahahalagang sandali para maligalig ang iyong kaisipan.
Sa kawalan ng mabuting kaalaman, lumilikha ito ng kapusukan at matinding pagkagalit na siyang sanhi ng walang hintong awayan, tunggalian kung sino ang tama at nakakahigit, diskriminasyon, kahirapan, at kamangmangan. Mula dito ay nagsusulputan ang kalituhan, pagkabagot, kawalan ng pag-asa, depresyon, at malulubhang karamdaman.
Sa bawa’t umaga, isang katalinuhan ang nakahanda, may plano, at may mga kalasag na magagamit. Katulad ito ng pananamit o pananggalang na angkop sa klima o sa mga akibidad na gagampanan mo sa maghapon. At buong katatagan na nakaharap sa mga pagsubok at hindi nakikitang mga panganib na nakalatag sa iyong harapan. 
Palaging gising, dahil nakapaloob rin dito ang mga bagong pagkakataon at walang hanggang mga posibilidad kung mapipili mo ito. Ang iyong pagtupad sa iyong mga hangarin at mga pangarap ay magaganap sa mga kapasiyahang ito, na siyang lilikha ng iyong kapalaran. Anumang saloobin mayroon ka tungkol dito, ito ang magpapasiya ng iyong magiging kalagayan sa ngayon, bukas, at kung nasanay ka na, ay magpakailanman.

Huwag mag-alala, tayo ay mapalad sa patuloy na pagpapala ng ating Ama.

Pinagkalooban Niya tayo ng kinakailangang mga kalasag na ating magagamit sa mga panganib at mga kabuktutan na dumarating sa atin. Ang kailangan lamang ay apuhapin at gamitin ang mga ito nang kaparapatdapat.
   Ito’y nasusulat sa Efeso 6: 13-18,
       13  Sa anumang dahilan kunin ang buong baluti ng Diyos, upang kayo’y magkaroon ng kakayahan na makatagal sa araw na masama, at kung nagawa na ang lahat, ay tumindig.
       14  Pagindapating nakatindig, na ang inyong mga bayawang ay nabibigkisan ng tungkol sa katotohanan, at may pananggalang sa dibdib ng katuwiran.
      15  At ang inyong mga paa ay nasasapinan bilang paghahanda sa ebanghelyo ng kapayapaan.
      16  Nangingibabaw sa lahat, sa pagkuha sa kalasag ng pananalig, na kung saan makakaya nating maapula ang naglalagablab na mga palaso ng mga buhong.
      17  At kunin ang  baluti sa ulo ng kaligtasan, at ang tabak ng Ispirito, na siyang salita ng Diyos.
      18  Palaging manalangin na may Ispirito ang lahat ng paghibik at pagsamo, at minamatyagan ito nang buong pagtitiyaga at pagsusumamo para sa lahat ng mga matutuwid.

Hindi tayo ganap na nakakatiyak kung anong mga bagay ang ating makakabaka sa maghapon. Kailangang gamitin natin ang buong baluti na ipinagkaloob sa atin ng Diyos upang maging handa at matatag sa pakikipaglaban. Binibigyan tayo ng mga babala sa tuwina, na patuloy ang mga paglalaban at pagwawasak sa pagmamahalan, kapayapaan, at kaunlaran.  Hangga’t wala kang sandata at kalasag para labanan ito, huwag mangahas o makipagtunggali na iyong ikakapahamak.
Pagkagising sa umaga, gawing panalangin ang mga magkakasunod na hakbang ng mga kalasag na ito upang mapangalagaan ang iyong kaligtasan. Nasa ating kapangyarihan ang pumili at kapasiyahang piliin ang tama at nasa matuwid  na paraan. 

Ang kailangan lamang ay Pagkamulat na ito ang direksiyong ating patutunguhan.



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment