Pabatid Tanaw

Sunday, June 03, 2012

Dalangin para sa Lahat



Ang dasal ay siyang ugat, ang batis, at pinaka-ina ng sanlibong pagpapala.
 
    Katatapos pa lamang ng kapistahan ng Barangay Kupang, nang magkasakit si Trining. Hindi malaman ni Doming ang gagawin sa nangyari sa asawa. Sa kanyang palagay ay nasobrahan ito sa pagod ng pagluluto at pag-istima sa mga bisita. Minabuti niyang ipatawag si pastor Mateo para makapag-ukol ng ilang dalangin para makaginhawa at malunasan ang nararamdaman ng kanyang asawa. Ang pastor ay nagsimulang magdasal, humiling sa Diyos na pagalingin ang lahat ng may karamdaman.

  “Sandali lamang po, pastor,” ang nagugulumihanang pansin ni Doming, “Ipinatawag ko po kayo para magdasal sa aking asawa at ako’y nagulat dahil nagdarasal kayo para sa lahat ng mga may karamdaman.”

  “Nagdarasal din ako para sa kanya, Doming.” Ang mahinahong tugon ng pastor.

  “Pero ang pagdarasal ninyo ay para sa lahat! Hindi ko man lang narinig ang pangalan ng asawa ko. Ang hindi pa maganda dito, ay ipinagdarasal din ninyo ang aking kapitbahay na si Lucio na maysakit din, at siya ay aking kagalit at hindi ko mapapatawad.” Ang paliwanag ni Doming habang pailing-iling at kinakamot ang kanyang batok.

  “Wala kang nauunawaan tungkol sa pagpapagaling, lalo na’t mataimtim na dalangin ito at para sa lahat,” ang pahayag ng pastor. “Sa aking pagdarasal para sa bawa’t isa, naidadagdag ko ang aking mga dasal para doon sa milyung-milyon na mga tao na nagdarasal din para sa kanilang mga maysakit. “ Matapos ito ay tumitig ang pastor kay Doming at malinaw na nagwika,

  “At kung pagsasama-samahin; ang mga tinig na ito’y makakarating sa Diyos, at ang bawa’t isa ay pagpapalain. Kung magkakahiwalay at isahan lamang, nawawalan ito ng lakas, humihina at tinatangay lamang ng hangin.”

-------
Katulad ng walis na tinting; kung nag-iisa lamang ang tinting, walang mawawalis ito. Kinakailangang pagsamahin ang maraming pang mga titnting at bugkusin, nang magkaroon ng kakayahan para makawalis. Ang isang sinulid ay maliit at madaling maputol kapag napuwersang batakin. Subalit pagsamahin ang maraming tulad nito at puluputin, ay isa na itong liting na hindi magagawang maputol sa pagbatak lamang. At kung pagsasamahin muli na nakapulupot sa isa't-isa, isa na itong matibay na lubid. Anumang bagay, kapag napagsama at nagkaisa ay may puwersang nakakagulat at makabuluhang magagawa.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment