Pabatid Tanaw

Sunday, June 03, 2012

Saan Ka Pupunta?


Ang iyong tunay na impluwensiya ay nasusukat kung papaano mo tinatrato ang iyong sarili.

   Bahagi na sa mga itinuturo ng mga guro sa kanilang mga estudyante ang malayang pagpapahayag ng damdamin. Hindi kailangan na ito’y itago at kimkimin, dahil sa katagalan ay pinagmumulan ito ng pagkakagalit. At kung may nais kang itanong, kailangan itong sagutin ng tinanong. Ito ang nakapagpapataas ng antas ng pagtitiwala sa sarili para mawala ang pag-aalala, at masabi mo ang iyong nais nang walang pag-aatubili.
   May dalawang magkatabi na pamantasan sa Balanga na may parehong mag-aaral na taga-barangay Kupang. Ang isa ay nag-aaral sa umaga at ang isa naman ay sa hapon. Sa tanghali ay nagkakasalubong ang dalawa kapag pauwi na ang isa, at ang isa naman ay papasok na. 

   Minsan ay nagtanong ang isa, “Saan ka pupunta?”
   “Ako ay pupunta kung saan ako ihahatid ng aking mga paa,” ang tugon naman ng isa.

   Sa kasagutang ito ay nalito ang unang estudyante, at pagdating sa paaralan ay nagtanong kaagad sa kanyang guro. At matapos ang isalaysay ang nangyari; ay nagmungkahi ang guro, “Bukas ng tanghali, kapag nagsalubong kayong muli, ay tanungin mo ulit siya ng katulad noong itinanong mo sa kanya. At kung pareho din ang sagot niya, ay tanungin mo siya ng ganito, “Kung wala kang mga paa, saan ka pupunta?” Sa tanong na ito’y wala na siyang kawala at sasabihin niya sa iyo ang totoo."

   Kinabukasan muling nagkasalubong sa katanghalian ang dalawang mag-aaral.
   “Saan ka pupunta?” ang tanong muli ng unang estudyante.
   “Ako ay pupunta kung saan may humiihip na hangin,” ang sagot ng tinanong.
   Muling nalito at hindi mawari ng unang estudyante ito, at nang walang maapuhap na kalinawan ay ipinaalam kaagad sa kanyang guro.
    “Tanungin mo siya kung saan siya pupunta kung walang ihip ng hangin,” ang mungkahi ng guro.
   Sa sumunod na araw ang dalawang estudyante ay nagkita sa pangatlong pagkakataon.

     “Saan ka pupunta?” ang pangungulit na tanong ng unang estudyante.
   “Uuwi ako sa amin para magpahinga.” Ang naging tugon ng isa.

---------
May dalawang makahulugang punto ito:
Una: Matalinghaga ang maikling kuwento na ito, subalit kung iisipin ang kamalayang kaakibat ay nakakagising ng kabatiran. Sapagkat nasa pag-uulit lamang at pagtitiyaga, mayroon kang maliliwanagan at matututuhan. Karamihan sa atin, hanggang sa isang tanong lamang at kapag hindi naunawaan ang kahulugan na nais iparating ng tinanong ay tumitigil na at nag-aakala na lamang, at susundin ang kanyang nabuong hinala. At dito tayo nalalagay sa alanganin, dahil ang pag-aakala ay walang ibubungang mabuti. Higit na mahusay ang magtanong muli kaysa maghinala para magkaroon ng tamang kasagutan.
Pangalawa: Naging pag-uugali na natin ang tanungin ang kasalubong. Basta kakilala at taga-roon sa atin, sa halip na kamustahin ay tatanungin kung ‘saan ito pupunta?’ Sa mga umpukan naman, ay  ‘Saang kolehiyo ka nakatapos?’ 'Saan ka nakatira?' at ‘Ano ang trabaho mo?’ Pawang mga personal na tanong ito, at ito ay ipinagbabawal. Ipinapakita ng nagtatanong na hindi siya nakapag-aral, may masamang asal, at hindi siya nagawang turuan ng mga magulang. Mga usisero at tsismoso lamang ang gumagawa nito.
Opinyon: Kung minsan, kailangang brutal ang ginagamit na pangungusap para tumimo sa mga tinatamaan, dahil kapag talamak na sa kagawian at pag-uugali ang isang tao, nilalapatan din ito ng talamak at tuwirang pangungusap. Kung hindi ka nasaling nito, ay wala kang dapat na ipag-alala, hindi para sa iyo ito.



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment