Pabatid Tanaw

Sunday, January 22, 2012

Papaano ba Mapapanatili na Maging Masaya at Maligaya?


Ang hanapin ang kaligayahan ay pangunahing sanhi ng kapighatian.

   Sino ang hindi nais sumaya? Lahat tayo ay nagnanasang makaramdam ng kasiyahan. Lalo na sa mga kahirapan at mga pagtitiis, dahil sa mga kaganapang nangyayari ngayon sa ating kapaligiran. Hindi naragdagan ang kinikita, subalit patuloy ang pagtaas na mga bilihin. At lumalala ang mga nakawan, mga kabuktutan, at pagsasamantala sa mahihina at maralita nating mga kababayan. Kahit paminsan-minsan lang, kailangan din natin ang humalakhak para maibsan naman ang anumang bumagabag sa atin.

  Ang kaligayahan at kasayahan, kapighatian at kalungkutan ay pinakaubod na aspeto ng buhay. Lahat tayo ay dumaraan sa mga prosesong ito. Naisinin o iwasan man natin ang mga ito, ay kusang mangyayari pa rin sa atin. Bahagi ito upang tamasahin natin ang kasiyahan ng pagiging masaya at maligaya. At ang magising at magawang lunasan ang anumang idinudulot sa buhay na mga kapighatian at kalungkutan. 

   May ilang  tao ang nagawang mapaunlad ang sarili at nagkamal ng maraming salapi. Lahat halos ng kanilang magustuhan ay kaya nilang mabili. Mayroon ding mga nagkamit ng pamana sa mga maririwasang magulang at hindi makakayang ubusin ang yamang ito sa kanilang buong-buhay, kung tama lamang ang gagawing paggugol. Mayroon ding pinalad na tumama sa loto o sa mga paligsahan, ngunit mga panandailian lamang ang kanilang nakamtang kasaganaan. Wala silang kakayahan o abilidad na patuloy na tamasahin ang kanilang mga biyaya.

   Ang paglilibang ay hindi siyang kaganapan ng lahat. Ang maaliw at matuwa lamang sa kapalarang nakamit ay hindi sapat. Kailangan ang matibay na panuntunan upang hindi ito matapos at mabalik sa dating kalagayan.
“Nasa kama ka na, huwag mo nang hangarin pang bumalik sa sahig.” 


Pag-aralan ang mga Libangan
Ano ba ang nagpapasaya sa iyo? Yaong bang kapag natapos mo ang iyong trabaho sa maghapon ay nagagawa mong maglibang, gaya ng mga sumusunod:

-Manood ng telebisyon; subaybayan ang mga kaganapan sa pinilakang tabing, mga buhay artista, at mga sigalot sa kanilang pamumuhay.
-Manood ng sine; kinakagiliwan ang alin sa mga ito: drama, komedya, tradhedya, digmaan, katatakutan, adbenturero, detektib, at mga pantasya.
-Magtungo sa barberya; magpagupit at makipaghuntahan sa mga lumalaganap na tsismisan ng bayan.
-Magtungo sa shopping mall; at bisitahin ang mga tindahang umaaliw at nag-uunahang ilabas mo ang iyong pera.
-Magsaliksik sa computer; kung ano man ito’y tanging ikaw lamang ang may dahilan kung bakit nahuhumaling ka dito. Makabuluhan o walang saysay man ito.
-Magsaliksik sa mga tindahan ng aklat; na tila may hinahanap na kailangang bigyan mo ng atensiyon at magawang paglibangan.
-Makiisa at sumama sa simbahan, anumang kapisanan, o samahan na paglalaanan mo ng panahon.
-Makilaro ng anumang uri ng palakasan na kinahiligan mo.
-Maggitara o tumugtog ng anumang instrumento sa musika.
-Magmalasakit sa iyong kapwa; maglingkod at tumulong.
-Makipaglaro sa mga bata at makipagkuwentuhan.
-Mamasyal sa parke at pagmasdan ang mga tanawing nagpapasiya sa iyong kalooban.
-Magbasa ng kinagigiliwang aklat, o ng komiks.
-Magluto ng paboritong pagkain.
-Makinig ng paboritong musika, umawit at sumayaw.
- Magtago sa silid at magdasal.
  . . . at maraming iba pa na mapaglilibangan.

   Mapapansin na ang lahat ng mga ito ay PANANDALIAN lamang. Matapos gawin ang mga ito, babalik muli ang iyong kamalayan sa dati. Ang mag-isip kung papaano malulunasan ang nakaambang mga alalahanin.

   Mayroong walang katuturan at mayroon ding makabuluhan. Nasa iyong kapangyarihan ang piliin ang higit na nagpapasaya sa iyo at nagpapanatili ng kaligayahan.

   Nasa iyong pamamaraan lamang kung papaano magagawa mong maging makabuluhan ang iyong libangan, at magamit na maikling hangarin para sa mahaba mong paglalakbay na matupad ang iyong layunin. At ito ang magpapaligaya sa iyo.


   Kung maglilibang din lamang, bakit hindi pa ito ituon doon sa makabuluhan, nakakaaliw, at nagagawang makatulong para sa iyong sarili? Kung alam mo kung ano ang nagpapasaya sa iyo; puntahan at manatili dito, at ang kaligayahan ay mapapasaiyo.

   Maligaya ka kung magagawa mong patuloy na maging masaya. Hindi ito nakukuha sa pagkakaroon ng maraming salapi, katanyagan, kasaganaan sa lahat ng bagay, mga tagumpay, o maging masuwerte. Ang kaligayahan ay mananatiling mailap at pasulpot-sulpot---isang natatanging pakiramdam na kalimitan ay hindi maabot.

   Hindi ito karaniwan at madaling makuha. At lalong mahirap na tiyakin at patuloy na hintayin. Umaasa subalit hindi makakamit. Kailangan itong malaman bago natin ito matututuhan kung nasa atin na ito o wala pa . . . Sa katapusan, mauunawaan nating ang kaligayahan ay hindi isang sitwasyon, o isang natamong bagay. Ang hangaring masumpungan ito at manatili sa puso ay isang pagkilatis sa iyong katauhan at kadakilaan ng iyong kaluluwa.
  


Kailangan nating tumawa bago tayo sumaya, dahil ang mga bagabag kapiling natin tuwina. 
Alamin kung ano ang higit na nagpapaligaya sa iyo.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


No comments:

Post a Comment