Pabatid Tanaw

Sunday, January 22, 2012

Masaya Ka Ba?


 Kung nais mong maging masaya, magmalasakit sa iba. Kung nais mo pang higit na maging masaya, magmalasakit muli sa iba.
 
   Tayo ay mga nilalang na naghahanap sa ating mga sarili. Ang iwasan o iwaglit man lamang ang katotohanang ito ay pagkakait ng kadakilaan sa ating buhay. Magagawa nitong mawalan ng pag-asa sa ating puso at maglaho ang kasiyahan sa ating isipan na maging masigla, may kalakasan, may pagsisikap, at makamit ang mga tagumpay.

   Ang kaligayahan lamang ang makapangyayari na mawakasan ang anumang kapighatiang nadarama mo sa ngayon. Ito ay nakukuha sa kaalaman na mabuhay ng maayos at may patutunguhan, karunungang piliin ang mga tama at nararapat gawin, ang mabuo at maisakatuparan ang lahat na mga katangiang nais mong makamtan para sa iyong sarili.

   Higit sa lahat, ang pagiging masaya ang nagpapahiwatig at nadarama kung ano ang ating tunay at talagang hinahangad. Tinuturuan tayo nito na maunawaan kung papaano tatanggapin at magagawang makabuluhan ang mga pagpapalang dumarating sa atin. Natututuhan din nating hindi tayo ay nagiging masaya sa pagsasabing nasisiyahan tayo. At kailangan maunawaan, nakahihigit dito ang kaligayahan kaysa lumikha ng katauhang nagpupumilit na ipakita na masaya at mabigo na marating ang kaganapan na minimithi natin para sa ating mga sarili.

AKO ay MASAYA

Masaya tayo kung matutuhan nating pahalagahan kung anuman ang mayroon tayo at maging sa mga nais nating makamit na wala pa sa atin.

Masaya tayo kung alam nating nasa paglalakbay ito at hindi naroon sa destinasyon.

Masaya tayo kapag pinagyayaman natin ang matayog na antas ng pagkakakilanlan sa ating mga sarili---sa larangan ng mga sining, kultura, pagkamalikhain, pang-uunawa, pagkamasinop, at makabayang layunin.

Masaya tayo kapag itinutuon natin ang mga regalo ng buhay o doon sa mga bagay na ating tinatanggap na mga pagpapala at biyaya kaysa walang pagkasawang alalahanin ang mga pasakit at manatiling dumaraing. Hangga't tayo'y mapagpasalamat sa mga biyayang ito, lalong marami pang mga pagpapala ang ating makakamit. Kapag patuloy tayong gising at nagpapasalamat, higit tayong nagiging masaya.

Masaya tayo kapag iniiwasan nating masiphayo sa mga ipinupukol na pamumuna at pamimintas sa ating mga kahinaan. Hangga't mayroon tayong pagtitiwala sa ating mga sarili, pinasisigla nito at pinasasaya ang ating mga kalooban.

Masaya tayo kung ang pansin natin ay wala sa mga materyal na bagay, bagkus kung papaano ito magagamit upang makatulong sa mga nangangailangan.

Masaya tayo kung alam natin kung ano ang dapat nating gawin. Nababatid ang dakila nating layunin. Nalalaman kung saan tayo patungo. At nakakatiyak kung papaano ito maisasakatuparan.

Masaya tayo kapag nagagawa nating magpasaya ng iba.

Masaya tayo sapagkat nananatili at walang pagkupas ang ating pananalig na may higit na Makapangyarihang Ispirito na gumagabay sa atin upang matupad ang nakatakdang kapalaran para sa atin.





Sadyang masaya tayo at ito ang patuloy na nagpapaligaya sa atin.






Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment