Pabatid Tanaw

Sunday, January 22, 2012

Ano ang Ipinagkaiba ng Masaya at Maligaya?


 Ang may masayang kaisipan ay kawangis ng isang binhi na itinanim at pinayabong upang anihin ng marami.

   Malaki ang pinagkaiba ng dalawang katagang ito; subalit madalas na nagagamit na tila iisa ang kahulugan at magkatulad sila ng nararamdaman. Bagama’t mga emosyon na pangunahing inilalakip sa kasiyahan ng loob bilang positibo at kanais-nais, nababatay ang mga ito sa sidhi at tagal ng nadarama.


   Ang masaya (happy) o ang kasayahan (happiness) ay panandalian lamang. Nakukuha ang kasiyahang ito sa magandang kapalaran o kapag sinusuwerte ka sa buhay. Natutuwa ka sa mga tagumpay na nakamtan mo at sa mga papuri at parangal para dito, sa mga ginagawa mo, sa mga bagay na natatanggap mo, sa mga relasyong nagpapahalaga sa iyo, at sa mga sitwasyong kinahuhumalingan mo. Dangan nga lamang, may katapusan ito at hindi patuloy na nararamdaman. Ito ay mga karanasang na iyong nakikita at mahahawakan. Masaya ka ngayon dahil nagdiriwang ka ng kaarawan mo, at tumanggap ng maraming regalo, subalit matapos ito at tumigil na ang mga pagsasaya, magbabalik muli ang dati mong sitwasyon, at maghahangad kang muli na sumaya.

Ang maligaya (joyful) o ang kaligayahan (joy) ay matagalan. Ang kasiyahang ito ay nanggagaling mula sa puso bilang pangunahin mong emosyon, mga karanasan itong hindi mo nakikita o nahahawakan. Ang iyong ispirito lamang ang may kakayahang maramdaman ito. Ito ang mataas at kabubuan ng iyong katauhan na maramdaman ang taos sa pusong kasiyahan at nakalulugod sa iyo. Nababatay ito sa makabuluhang karanasan na laging nagpapasiya sa iyong kalooban sa tuwing naaala-ala mo.

   Doon sa mga hindi gising at nananatiling tulog ang kamalayan, magkatulad ang kahulugan nito sa kanila. Kaya hindi kataka-takang patuloy nilang hinahanap ang mga bagay at sitwasyon na laging nagpapasaya sa kanila. Para itong mga tukso na pilit nilang hinahahabol. At kapag nakamit ay nawawalan ng interes at naghahanap muli ng makahihigit pang kasayahan.

   Bihirang sumagi sa kanilang isipan kung papaano masusumpungan ang mga ito mula sa kaibuturan ng kanilang puso at mapanatiling nararamdaman.

Narito ang magandang paglalarawan:
  Kung may nakita ka na isang matanda na nag-aalinlangang tumawid ng daan at nagawa mo itong maitawid. At buong lugod na nagpasalamat sa iyo, ano ang iyong naramdamang kasiyahan?
   -Ang maging maligaya. Mananatili ito sa iyong puso sapagkat tumimo ito at nasaling ang iyong mabuting pakikitungo sa iyong kapwa.
  Hindi mo inaasahan ay may nagregalo sa iyo ng hinahangad mong bagong cell phone sa iyong kaarawan, ano ang iyong mararamdamang kasiyahan?
  -Ang maging masaya. Sapagkat nalunasan ang iyong pagnanais na magkaroon ng cell phone. Ngunit kapag nakita mong may bago at higit na maganda kaysa dito, ang kalungkutan ay muling magbabalik sa iyo.

  Subalit magagawa mong maging maligaya, kung mauunawaan mong lahat ng nakikita at nahahawakan ay may hangganan at katapusan. At ang kasayahan mula sa mga ito ay panandalian lamang. At yaon lamang mga hindi nakikita at nahahawakan subalit nagpapaantig sa iyong damdamin  o nagpapaalab sa iyong puso ang siyang pinakamahalaga at nagpapaligaya sa iyo.

  Masaya ka ba o maligaya sa ngayon?

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment