Pabatid Tanaw

Tuesday, September 13, 2011

Tagapagtaguyod o Tagapagpahamak

Alamin ang Tama at Mali, Ito ang Iyong Patnubay

   Minsan, narinig kong may ikinukuwento si Joseph ‘Jovan’ Banzon sa kanyang kaibigan. Ito’y tungkol kay Engr. Oscar Banzon, ang nagtayo at may-ari ng Royal Crown Hotel sa Lungsod ng Balanga, pinupuri niya ito sa mga ginagawang pagpapaganda sa lungsod, pagtatayo ng mga pook pasyalan at panglibangan sa Barangay Central, at iba pang panig na talaga namang nakakaaliw.

   Kilala ko siya bilang kontraktor sa mga gawaing pambayan at madalas kong nakakasabay noong ako ay may ginagawang proyekto sa VL Construction sa Barangay Malabia. Dahil sa kanyang kakaibang kasipagan at hangaring makapaglingkod, namukadkad ito sa maraming sangang pangkabuhayan na nakakatulong sa marami niyang kababayan. At isa rito ang pangunahing hotel sa aming lungsod.

   Ayon kay Jovan, naulinigan niya ito nang may nagtanong na parukyano at bakit naisip niyang magtayo ng hotel, gayong ang linya niya ay konstruksiyon, at walang alinlangan itong tumugon, “Hindi mo na  kailangan pang malaman ang lahat, kung tungkol lamang sa pamamalakad ng hotel. Basta magtayo ka at ang mga kustomer ay kusang magmumungkahi sa iyo kahit hindi mo tinatanong, kung papano ito patatakbuhin.

   Napangiti ako sa tinuran ni Jovan. Totoo naman at nangyayari ito sa tuwina sa iba’t-ibang uri ng negosyo. Naala-ala ko tuloy ang isang pangyayari sa isang tanyag na pahayagan. Tinawag ng editor ang kanyang sekretarya at iniabot dito ang isang kahong puno ng mga sulat, at nagpaliwanag, “Ang lahat ng sulat na ito’y pawang mga mungkahi ng ating mambabasa kung papaano patatakbuhin ang ating pahayagan. Tiyakin mo lamang na sa iyong paglabas ay madadala mo ito.

Yes sir,” ang matapat na sagot ng sekretarya. At dinala naman niya ito nang siya ay lumabas na mula sa opisina; at nang mapadaan sa basurahan ay mabilis na itinapon ang kahon ng mga sulat.

   Marami sa atin ang mabilis na magmungkahi, at simbilis din ng kidlat kung pumuna at pumintas. Higit na nauuna sa kanila ang magbitiw ng salita kaysa isipin ang magiging kahihinatnan nito. Wala silang kabatiran, na sa isang pananalita lamang ay maaaring pagsisihan ito sa mahabang panahon.

   May isang may katanghaliang-gulang na babae ang tinanong, kung bakit nakahiligan na nito ang pamumuna, pamimintas, at paninisi. May pagmamalaki pa itong sumagot, “Sa palagay ko, may natatangi akong katangian na makakita ng mga kapintasan at mga kamalian ng mga tao!” 

   Gayong maaari naman niyang maitago ito, at hindi makasakit ng damdamin na piliin lamang yaong makakabuti at makapagbibigay ng pagtitiwala. Dangan nga lamang, marami ang nahuhumaling at ginagawang libangan na ang pagwasak ng reputasyon ng iba.

   Napakaraming kritiko sa ating lipunan, subalit hindi pa ako nakasumpong ng isang estatuwa o monumento na dumadakila sa isang kritiko. Ang kailangan natin ay mga taong nagtataguyod ng kabutihan, mapaglingkod sa sambayanan, dumaramay at nagtataguyod ng kagalingang panlahat. Ito ang ating mga kailangan at hindi ang mga taga-puna, taga-pintas, taga-sisi, at taga-salungat sa mga mabubuting gawa ng kanilang kapwa.

   Hinahanap natin ang mga taong, katulad ni Engr. Oscar Banzon, tumutulong, naglilingkod, at nagmamalasakit ng tahimik at walang anumang palabok ng pagbabandila. Mga taong itinuturo ang ating nakatagong katangian, mga kakayahan, at pinalalakas ang ating pagtitiwala na magpatuloy at magawang magtagumpay. 

   Ang mga matatagumpay na tao ay tumitingin sa mga positibong kagalingan at mga kakanyahan ng bawa’t tao. Nakikita nila ang potensiyal at kabuluhan nito na kung saan ang mga kritiko at mga kaisipang talangka ay nakatingin lamang sa mga negatibo at pawang kabiguan.

   Susog pa ni Engr. Oscar Banzon, “Lumayo sa mga taong mapanaghili, mainggitin at panibughuin. Ang mga ito ay mananatiling hahamakin anuman ang iyong mga ambisyon sa buhay. Ang mga mangmang ay laging ginagawa ito at kinahumalingan na nila, subalit kung ikaw ay may dakilang layunin sa ikakaunlad ng ating lungsod pati na ng ating bansa, magagawa mo ring maging dakila."
-------
Ngayon, kung tatanungin ka, Sino ang mga taong palagi mong nakakasama sa buong maghapon? Sila ba ay mga mapaminsalang kritiko o makabuluhang mga kritiko? Ang pagsama o pakikianib mo ba sa kanila ay para sa iyong ikakasama o ikakabuti? Kapighatian o Kaligayahan?

   Mayroon kang kapangyarihang pumili alinman dito. Maglimi at gawin na ang mabuti para sa iyo.

Harinawa.

No comments:

Post a Comment