Pabatid Tanaw

Tuesday, September 13, 2011

Maglingkod Tayo

Ang Paraan sa Pagtulong

   Sa may bundok Mariveles, dalawang mangangaso ang humahabol sa isang baboy ramo nang mapasubsob ang isa at hinahabol ang paghinga. Mabilis na huminto ang isa sa pagtakbo at balisang binalikan ang kasama. Napansin niyang madalang nang huminga ang kasama, maya-maya pa’y pahinto-hinto na ang paghinga, tumirik ang mga mata na walang kakurap-kurap, at hindi na gumalaw pa. Sinaklot ng matinding pangamba ang kaibigan, kagyat na inilabas ang kanyang cell phone, at humingi ng dagliang saklolo sa bayan.

   Nanginginig at paudlot-udlot itong nakiusap sa operator: “Ang aking kaibigan ay patay na! Litong-lito ako  . . . Ano ang aking gagawin?

   Tumugon ang operator nang mahinahon, at sa mapagpalubag na tinig, “Madali lamang ‘yan. Makakatulong ako sa iyo. Una, siguraduhin mong patay na siya.”

   Mahabang katahimikan ang sumunod, at walang anu-ano’y isang nakabibinging putok ang narinig ng operator.

   Maya-maya’y narinig ng operator ang palahaw ng hagulgol ng kausap niya sa cell phone nito. At habang ang impit ng mga iyak nito ay maririnig, muling nagtanong ito sa operator, OK, nagawa ko na, anong susunod ko pang gagawin?

   Kung may kaibigan kang tulad nito . . . gawing madalas ang pagdarasal.

   Ngayon kung ikaw naman ay nasalang sa isang pagkakataon at nais makatulong sa mga nangangailangan, ngunit hindi alam ang gagawin. Narito ang isang pang pangyayari na nagaganap sa Lungsod ng Baguio.

   Naikuwento ito sa akin ng aking kaibigan na si Jell Guevara, kung papaano ang mga karaniwang katutubo doon ay nakahanap ng simpleng paraan upang makatulong. Tinatamasa ni Jell ang magandang tanawin sa Mountain View, isang nakakabighaning pasyalan ng mga turista sa Lungsod ng Baguio, nang maganap ito. Napakalamig dito lalo na kung buwan ng Disyembre, at higit pa kapag umuulan. Sa makulimlin at paulan-ulang araw na ito, napansin niya ang isang batang babae na walang anumang balabal o panlaban sa ginaw. Matindi ang panginginig nito at pilit na hinahaplit ang dalawang braso sa pagyakap ng kanyang katawan.

  Nang makita ni Jell ang isang matanda na lalaking Igorot ay lumapit sa bata, hinubad ang suot nitong sweater at iniabot sa batang babae. “Sa iyo na ito, gamitin mo ading ko.” Ang pagsuyong susog nito. “Ang tanawin ay lalong magiging kaigaya-gaya kung ikaw ay naiinitan.” Napangiti ang bata at nagpasalamat ito. Masiglang ibinalabal ang mainit na sweater sa kanya, habang patalikod namang lumisan ang matanda.

   Nagulumihanan ang aking kaibigan sa natunghayan, lalo na nang makaraan ang mahabang mga sandali ay napansin niyang lumapit ang batang babae sa isang dalaga na nanginginig din sa ginaw at iniabot ang sweater dito, sabay bigkas ng, “Sa iyo na ito, gamitin mo ate.” Ang pagsuyong susog nito. “Ang tanawin ay lalong magiging kaigaya-gaya kung ikaw ay naiinitan.”  Masaya itong ibinalabal ng dalaga at inihapit sa kanyang katawan.

   Nag-ibayo lalo ang pagtitig ng aking kaibigan sa sweater, bago umalis ang dalaga sa kinatatyuan nilang matanawing talampas, ay muling iniabot ito sa isang nakahalukipkip na lalaki at giniginaw. Nagwika ito ng, “Sa iyo na ito, gamitin mo kuya.” Ang pagsuyong susog nito. “Ang tanawin ay lalong magiging kaigaya-gaya kung ikaw ay naiinitan.”  

   Nagpatuloy pa ito na nagawang mainitan at pasiglahin ang marami pang tao. “Nangyari ito may dalawang taon na ang nakalipas.” Ang masayang paglalahad ng aking kaibigan. “Sa aking nakita at naranasan, nakakatiyak akong ang sweater ay naroon pa rin sa matanawing talampas ng Mountain View, ibinabalabal ng bawa’t taong giniginaw at patuloy na iniaabot sa nangangailangan nito.

   Ang mga karaniwang tao . . . tulad ng mga kapatid natin na katutubong Igorot, naghahanap sila ng mga kaparaanan kung papaano makakatulong sa kanilang kapwa. Bigkas nga ng aking anak na si Karlo, “Sa araw-araw, mayroon tayong mga pagkakataon upang makapaglingkod sa kapwa sa maraming mga kaparaanan. Kung maghihintay tayo ng malaking pagkakataon upang magawa ito, bihira itong magaganap, subalit yaong maliliit at madalas na nakapaligid at naghihintay sa atin ay sapat na, upang ito’y maging dakila sa paningin at pagpapala ng Dakilang Lumikha.

   Nang marinig ko ito mula sa aking anak, mabilis akong tumalikod upang ikubli ang ilang patak ng luha sa aking mga mata, tunay na mahiwaga ang patnubay at mga pagpapala na ating nasusumpungan. Hangga’t mayroon tayong pananampalataya, sa Diyos ay walang imposible.

No comments:

Post a Comment