Pabatid Tanaw

Tuesday, September 13, 2011

Piliin ang Kaligayahan


Maglibang at Maging Maligaya

  Habang gumugulang ka, nadaragdagan ang iyong mga responsiblidad. Hangga’t patuloy na lumalaki ang iyong pamilya, dumarami ang pinag-uukulan mo ng pagmamahal, ibayong atensiyon, at pagpapahalaga. Kaalinsabay din nito ang paglaki ng mga pangangailangan at pagtataguyod. Na tila ba wala ng katapusan, at parating may dumarating na mga paghamon sa iyong kakayahan. 

   Araw-araw, samut-sari na sandaang mga bagay ang patuloy na humihingi na iyong kaukulang atensiyon at nangangailangan na mabilisang kapasiyahan. Hangga’t pinipilit nating simplehan at himayin ito sa ating makakaya, nananatili pa rin tayong kinakapos na magawa itong lahat tulad ng ating binabalak.

   Kaya nga, upang makaalpas ako sa tanikala ng pag-aatubili, nagpasiya akong gumawa ng karatula sa isang karton at sinulatan ko ito ng “Maglibang at Piliin ang Kaligayahan!” Ipinaskel ko ito sa dingding; na kung saan, sa aking pagharap sa computer upang magsulat, ay aking mababasa sa tuwina.

   Ngayon, patuloy pa rin ang aking mga schedule sa araw-araw sa kung ano ang hinihinging pagtupad sa tungkulin at atensiyon na magmumula sa akin. Anumang aking ginagawa, ito’y nasa aking pagpapasiya kung anong saloobin ang aking ipapataw dito. Maging mapakla, maasim, matamis, masungit, malambing, mainisin o mapitagan man. Ang lahat ng mga ito’y nasa aking kapangyarihan na gawin at walang makakagambala sa akin. 

   Hindi ko na inaalintana pa ang mga parunggit, pahapyaw na mga salita, pakialamerong mungkahi, pagyugyog o pag-ugoy, panunulsol, pamumuna, pamimintas, at mga paninisi ng iba. Malaon ko ng tinalikdan ang mga ito. Nais kong bago pumikit ang aking mga mata, ay may nagawa kong magpaligaya sa aking kapwa, kahit na ito'y mumunting bagay lamang. At ako’y malaya na, at nahuhumaling na madanasang paulit-ulit; ang ispirito ng pagmamahal, ang ispirito ng pagmamalasakit, at ispirito ng kaligayahan.

   Ito ang mga nagbibigay buhay sa akin na magpatuloy pa. Hindi na ako nagmamadali at naliligalig ng mga bagabag na walang katuturan. Hindi ko na inaaksaya pa ang mga mahahalagang sandali sa mga nakaraan na bumabalot ng kapighatian, bagkus yaong lamang mga maliligayang sandali na naganap sa aking buhay. At inilalaan ko aking natitirang panahon doon sa mga taong kapag nasa aking tabi, ay nagbubunyi para sa akin, nagpapahalaga, masaya akong makasama, at nagkakaisa ang aming mga damdamin.

   Sakaliman na hindi ko nagawa o natapos ang isang gawain, hindi ko na pinarurusahan pa ang aking sarili sa pagkainis at paninisi tungkol dito, bagkus nginingitian ko at itinututing itong isang paghamon sa aking kakayahan na magpatuloy pa. At natanggap ko na ring walang kabiguan nang magaganap sa akin, bagkus isang natatanging leksiyon na aking magagamit upang ibayong magtagumpay.

   Itinatak ko na sa aking kaisipan na magpaligaya sa tuwina, dahil hindi ako nakakatiyak sa magaganap sa aking buhay anumang saglit mula ngayon. Na kailangan iukol ko ito sa paglilingkod; at maging abala sa tuwina na may kapayapaan sa aking puso. Itinanim ko na rin sa aking kaisipan at damdamin, na ituon ito sa kung ano ang tunay na mahalaga at prioridad sa aking buhay. Dahil dito; nagagawa kong maglibang na ngayon at piliin ang kaligayahan, kapag ginagampanan ko ang aking tungkulin ng samut-saring sandaang mga bagay na kailangan kong gawin sa araw-araw.

   Batid ko na gaano man ako kaabala, mayroon lamang akong sapat na panahon na makapaglibang at piliin ang kaligayahan na nararapat para dito. At tinatandaan ko, kapag ito’y aking natamasa, hindi na muli pa itong magaganap o mababalikan pa. Na sa bawa’t panahong dumadating, may iba’t-ibang pangyayari at kaganapan itong tinataglay. 

   Sa buhay na ito ngayon, isa itong handog ng pagpapala at kailangan na tamasahing mabuti. Sa paglalaan ng makabuluhang mga sandali upang ganap na lumigaya. At kapag nasimulan ko ito; ang lahat ay magiging napakadali na lamang.

No comments:

Post a Comment