Pabatid Tanaw

Wednesday, September 14, 2011

Sa Itaas ng Bundok


Hindi kung ilang taon ka na, bagkus ang kahalagahan ng mga taon sa iyong buhay.

   Isang patrol car ng pulis ang huminto sa tapat ng bahay ng isang matandang babae, at mula dito ay bumaba ang kanyang asawa at inaalalayan ng pulis. Nagpaliwanag ang pulis na ‘ang matandang lalaki’ ay lumapit sa kanila at humingi ng tulong, sa dahilang naligaw ito sa parke at hindi malaman kung papaano makakauwi sa bahay. 

   “Papaanong nangyari ito?” Ang nagulumihanang tanong ng maybahay sa asawa, “Palagi kang nagpupunta sa parkeng iyon sa loob nang mahigit na 30 taon! Papaano mo magagawang maligaw at hindi alam kung papaano ka makakauwi?

  Umiling-iling ang matandang lalaki at banayad na lumapit sa asawa. Itinutok ang mukha nito sa tainga ng kanyang maybahay at bumulong nang hindi maririnig ng pulis, “Hindi ako naligaw—nangyari lamang na lubha akong napagod, at hindi ko na makayanan pang maglakad pauwi.”

   Sa ating pagtanda o paggulang, ang ating mga katawan ay malaki ang ipinagbabago. Hindi na ito tulad pa ng dati na nakikiisa ang ating kalakasan ng katawan. Dati-rati’y ang ating mga gawain ay nagpapasaya sa atin. Ngayon, ang mga nagpapasaya sa atin ay isa ng gawain. Bigkas nga ng matanda kong kaibigan, “Dumating na ako sa yugto ng aking buhay na kung saan sa aking edad ngayon, expired na ang warranty sa aking mga ngipin, paningin, panlasa, pakiramdam, mga kalamnan at internal organs.” Kaya nga, lagi na lamang akong nasa bahay at sinasariwa ang nagdaang panahon ng aking kabataan.”

   Pakli naman ng katabi niya, “Ang katandaan ay mistulang umaakyat ng bundok,” at dugtong pa nito, “Hangga’t tumataas ang iyong inaakyat, nadaragdagan ang iyong kapaguran, hinihingal ka, at nais mo na lamang sumalampak at magpahinga. Subalit ang mga tanawin sa iyong paligid ay lalong nakakabighani.”

   Sa itaas ng bundok; sinuman ay mayroong mainam na kinatatayuan upang pagmasdan ang kabubuan ng kanyang kapaligiran. Malaki ang kaibahan nito kung ikaw ay nasa may paanan ng bundok, at ang nakikita lamang ay ang limitadong bahagi nito. Tulad ito ng gumugulang na tao, ito ang iyong tamang panahon upang mula sa itaas na iyong kinatatayuan, ay makita ang malaking kaibahan sa mga pag-uugali ng mga tao, kung bakit sila nagkakagalit na kadalasa’y nauuwi sa paglalaban at kapahamakan. Naranasan mo na ito, at may karapatan kang higit na makita ang kahahantungan ng kahinaan at walang katuturang mga pagtatalo.

   Sa itaas ng bundok; malawak at malinaw mong makikita, ang pinagmulang pagtatalo, ang nagbabadyang alitan, at ang kakahantungang kapighatian. Narito ang iyong pagkakataon na makatulong at maging isang tulay ng pagkakaunawaan. Narating mo ang yugtong ito; na may sapat na kabatiran sa mga gawi at hilig, kalakasan at kahinaan, walang saysay at makabuluhan na nakapangyayari sa pag-uugali ng mga tao.

   Sa itaas ng bundok; higit mong napagmamasdan ang dumidilim na kalangitan ng kapanglawan, kapighatian, at mga kaakibat nitong mga pagkatakot at mga bagabag, at mga pahiwatig na walang kabuluhan na pag-aksayahan ng panahon, at hindi nauunawaan ng mga nasasangkot dito. Ni wala sa kanilang hinagap na ang mga kadilimang ito’y panandalian lamang, at ang liwanag ay muling sisilay kung magagawa lamang nilang maghintay.

   Naalaala ko tuloy ang winika ni pastor Mateo, “Mayroon sa atin, na bagama’t  70 taon na ang gulang ay nananatili pang bata kaysa edad ng 17 taong gulang.” Sapagkat sa ganang akin, may kakayahan silang magmasid at umarok nang malawak at malinaw sa lahat ng bagay. Mga katangiang tinataglay habang ikaw ay tumatanda.

   Tunay ngang nagangailangan ng isang buong buhay upang marating ang tuktok ng bundok, ngunit, para sa akin, ang tanawin sa itaas ng bundok na ito ay karampatan lamang sa nagawa kong paglalakbay.

No comments:

Post a Comment