Pabatid Tanaw

Thursday, September 15, 2011

Si Magiting at Si Mataman

Hindi ang kawalan ng pag-ibig; bagkus ang kawalan ng pagkakaibigan, kung bakit nananatili ang alitan at pagkamuhi sa anumang relasyon.

   May dalawang matalik na magkaibigan, sina Magiting at Mataman. Pambihira ang kanilang pagtitinginan sa isa’t-isa, ito’y higit pa sa tunay na magkapatid. Minsan, may hindi sinasadyang pagkakamali ang nagawa ni Mataman, at ito’y matinding ikinagalit ng raha. Ang rahang ito na namumuno noon sa kaharian ng Morong ay magagalitin at malupit sa kanyang mga nasasakupan. Kahit na karaniwang pagkakamali lamang ay may kaukulan itong parusa. Magbayad o makulong; ang kanyang matigas na patakaran.

   Ipinakulong ng raha si Mataman nang hindi nito makayanan ang ipinataw na halaga sa kanyang kasalanan. Maraming araw na nagpabalik-balik sa palasyo si Magiting, nagmamakaawa ito sa raha na pakawalan ang kanyang kaibigan na si Mataman. At kung hindi man, bawasan ang halaga o tagal ng kanyang pagkakakulong, ayon sa ibinibintang na kasalanan nito.

   “Mahal naming Raha, pakawalan ninyo po siya. Magsiyasat po tayong maigi kung tunay siyang may kasalanan. At kung mapatotohanan ito, mangyari lamang pong naaayon sa nagawa niyang pagkakamali.” Ang naglulumuhod na pakiusap ni Magiting para sa kaibigan.

   Subalit tulad ng nakagawian, nagmatigas ang raha at lalong ikinagalit ang pag-aalinlangan ni Magiting sa ginawa niyang paghatol. “Sino ka, upang pakialamanan ang aking utos? Ang pasiya ko ay hindi na mababali!” ang mariing bigkas ng raha.

   “At para malaman mo, itinakda ko na ang kanyang kamatayan sa darating na pagbibilog ng buwan.” Ang pahayag pa ng raha.

   Napaluha si Magiting sa narinig sa raha, tuluyang nanggipuspos ito sa kawalan ng pag-asa pang mailigtas ang matalik na kaibigan.

   Ang nakayukong si Mataman na kangina pa nakikinig ay nagsalita, “Mahal naming raha, kung nakatakda na po ang aking kamatayan, maaari po bang ako’y paunlakan ninyo ng isang kahilingan?” Ang pakiusap nito, “Dahil ako po ay nahaharap na sa kamatayan; maaari po bang makita at mayakap ko man lamang ang aking asawa at mga anak, bago ako bitayin?

   Nag-isip ang raha at may pagtataka itong tumugon, “Papaano mo magagawa ito, ay nasa Dinalupihan pa nakatira ang iyong pamilya? At dugtong pa nito, “Papaano ako makakatiyak na kapag pumayag ako sa iyong kahilingan, ay babalik ka pa? Ginagawa mo pa yata akong tanga, ha?

   Biglang sumabat si Magiting, “Hindi po, mahal naming raha! Bilang pagpapatibay sa pakiusap ni Mataman, papalitan ko po siya sa kanyang kulungan, hanggang sa siya ay makabalik!

At kung hindi siya makabalik! Anong magagawa mo?” Ang mariing babala ng raha.

Ako po ang inyong bitayin, bilang kapalit niya!” Ang matapang na sagot ni Magiting.

  Mapaklang napangiti ang malupit na raha, matagal ding sandali bago ito tumugon. Naisip niyang subukan kung totoong higit pa sa magkapatid ang turingan ng dalawa. Matagal na rin niyang nababalitaan ang kakaibang pagtitinginan ng magkaibigan. “Payag ako! Hanggang sa pagbibilog ng buwan, mapapatunayan natin ito!” Ang mataginting na pasiya ng raha.

   Sa tantiya ng raha, sa pagitan na layo ng Morong at Dinalupihan, ito ay may limang araw na patungo at pabalik na paglalakbay, may natitira pang dalawang araw bago bumilog ang buwan. “Buong isang linggo ito, at sapat na upang makabalik at patunayan ang isang pangako.” Ang patango-tangong usal ng raha sa sarili.

   Dumaan ang limang araw, na hindi pa bumabalik si Mataman. Nagtungo ang raha sa kulungan ni Magiting at tinuya ito, “Simulan mo nang magdasal. Hindi na babalik pa ang iyong kaibigang si Mataman.” 

   Ngumiti lamang si Magiting at mahinahong bumigkas, “Anumang mangyari, nadarama ko na ang katotohanan ang siyang mananaig. Hindi papayagan ng ating Panginoon na pabayaang magtagumpay ang isang kalupitan.

   Nagulantang ang raha sa narinig at umasim ang mukha nito, “Pweh! Tignan natin kung matutulungan ka ng inaasam mong katotohanan!” Nagngi-ngitngit at padabog na lumisan ang raha.

  Dalawang araw pa ang matuling nakaraan, at umabot na sa isang linggo na ni anino ni Mataman ay hindi maaninag. “Tuluyan ka nang pinabayaan ni Mataman! Mamaya bago magtakipsilim, ay bibitayin ka na. Ipapadala ko na ang iyong huling hapunan!” Ang malungkot na pahayag ng naaawang raha. May nagbalita sa kanyang hindi na kumain o uminom ng tubig si Magiting, magmula nang huling kausapin niya ito. Palaging nagdarasal at hindi man lamang dumungaw sa labas kahit minsan sa maliit na bintana ng kanyang kulungan.

   At kapag may nagtatanong kay Magiting tungkol kay Mataman, ang palagi nitong tugon ay, “Naantala lamang siya, darating iyon at maghintay lamang kayo.”

   “Ow . . .Papaano mo natiyak?” Ang nakangising kutya ng raha.

   “Dahil si Mataman ay isang mabuting tao at matalik kong kaibigan. Kailanman, hindi niya magagawa akong mapahamak!” Ang matibay na pahayag ni Magiting.

   Namangha  ang raha sa matibay na pananalig ni Magiting at pailing-iling itong nagtungo sa bitayan.  Maya-maya pa’y malakas na tumunog ang gong, bilang hudyat na magsisimula na ang pagbitay kay Magiting.

   Hustong itataas pa lamang ng berdugo ang malaking gulok nang mula sa pintuan ng palasyo, ay biglang may humiyaw, “Hintay, narito na ako! Pakawalan ninyo ang aking kaibigan! Lumingon ang lahat, pati na ang napaiyak sa galak na si Magiting, at nakita nila si Mataman na bagama’t sugatan, punit-punit ang maruming kasuotan nito, at humihingal sa matinding kapaguran, ay lumuluhang nakangiti. Nagpaliwanag ito ng pauntol-untol sa kanyang pagkakabalam, “Nakita at nayakap ko ang aking pamilya. Pauwi na ako nang may humarang na mga tulisan sa akin sa may Pantingan. Dahil wala akong dalang salapi ay binugbog ako at inakalang patay na, nang ako ay lubayan.  Maghapon at magdamag akong walang ulirat; at kahit na sa paika-ika at paggapang ay ginawa ko ang lahat, makarating lamang dito.”

 At kahit na hinahabol ang paghinga, sa malakas na tinig ay nagsalita, “Palayain na ninyo si Magiting. Narito na ako upang tuparin ang kasunduan!” At nanghihina itong napaluhod sa kapaguran.

   “Huwag siya, ako na lamang ang bitayin ninyo!  Ang mabilis na hiyaw naman ni Magiting.“May pamilya si Mataman, samantalang ako’y wala. Kailangan siya ng kanyang pamilya. May asawa at mga anak siyang mauulila. Ako na lamang ang papalit sa kanya sa bitayan! Mahal naming raha, ako na lamang po ang inyong ipabitay!” Ang nagsusumamong pakiusap nito. 

   “Ako ang may kasalanan! Ako ang dapat na bitayin, hindi si Magiting!” Ang masidhing paninikluhod naman ni Mataman, at lalong napahagulgol ito habang napapaunawang nakatitig kay Magiting, at walang anu-ano’y napaluhod ito, hindi na makayanan pa ang lahat nang nagaganap, at nawalan ng malay.

   Hindi makapaniwala ang raha sa pag-aagawan ng magkaibigan sa nakatakdang kamatayan. Hindi niya naiwasang mapaluha sa nasaksihan, pati na ang maraming taong nakapaligid ay nag-iyakan. Sapagkat sa araw na ito, isang pambihira at dakilang pagkakaibigan ang natunghayan nila.

   Nang mahimasmasan si Magiting, ay napansin niyang nakahiga siya sa isang karomata, at si Magiting naman ay nakasakay sa humihilang damulag, habang binabaybay nila ang daang Bagak. Nagitla itong nagtanong, “Anong nangyari, aking kaibigan?” 

   Lumingon si Magiting at masayang sumagot, “Hindi ko na maalaala pa ang lahat ng mga naging pahayag ng raha. Ang natandaan ko lamang ay nang sabihing niyang, Kung mayroon lamang akong mga kaibigan na tulad ninyo, nakahanda akong ipagpalit ang anumang kapangyarihan at kayamanang nasa akin. At kasunod nito nang ipahayag niyang, Walang sinuman sa inyo ang dapat mamatay! Kayo ang magandang huwaran na kailangang ng ating kaharian! Mabuhay kayong dalawa!

   Napatingin si Mataman sa langit, at bumalalas ng, “Maraming salamat po, Mahabaging Langit . . . at muli Ninyo kaming pinagpala.

-------
Wala nang hihigit pa sa pagkakataong makita natin ang kislap ng kaligayahan sa mata ng isang tunay na kaibigan, kapag nadama niya ang ating pagdamay, pakikiisa, pang-uunawa, at pagbubunyi na iniuukol para sa kanya. Sapagkat sa mga sandaling tulad nito; isang mahiwagang ispirito ang namamagitan sa pagkakaibigan. At ito ay ang wagas at dalisay na pagtahak sa maligayang buhay.


 Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment