Pabatid Tanaw

Wednesday, September 14, 2011

Si Maghapon; Ang Gintong Panahon


Bawa’t Sandali ay Ginto Kung Alam Nating Gamitin Ito

   Liripin natin na mayroon isang bangko na naglalagay sa iyong bank account tuwing umaga ng halagang P86,400.

   Wala itong bawas o dagdag man sa sa araw-araw . Kinagabihan, ang bangko ay binabawas ang anumang halaga na hindi mo nagamit sa buong maghapon. Nililinis itong buo at blangkong iniiwan.

   Kung ikaw ang nasa kalagayang ito, ano ang iyong gagawin?
Nakakatiyak ako, ang lahat ng laman ng bank account na ito ay iyong kukunin upang iyong mapakinabangan.

   Alam mo ba na ang bawa’t isa sa atin ay mayroong bangkong tulad nito?
     . . . At ang kanyang pangalan ay MAGHAPON.

Bakit MAGHAPON?
   Sapagkat sa tuwing umaga; sa ating pagkagising, pinagkakalooban tayo ng tadhana ng 86,400 na segundo. Katumbas ito ng 14,400 na minuto at buong 24 na oras sa MAGHAPON. Natatanggap natin ito upang gamitin sa kung anumang ating naisin.

   Walang natitira kahit anuman pagkatapos ng buong maghapon. Walang lumalabis at walang nagkukulang. Bawa’t araw ay mayroon na namang bagong bank account para sa iyo sa halagang P86,400 muli. At sa kinagabihan, lahat ng matira ay binabawi. Gamitin mo man o hindi, pagdating ng gabi walang matitira sa bank account na ito. Kung wala kang gagawin na makabuluhan para dito, ang paglaho nito ay kagagawan mo. Hindi mo maaaring balikan, ulitin, at muling gamitin. Naaksaya na ito at hindi na muli pang makukuha. At hindi mo rin mauutang o magagamit para sa kinabukasan. Dahil, pagkakalooban kang muli nito sa iyong pagkagising.

   Ngayon, kailangan mong dumilat at limiin kung ano ang ginagawa mo upang pakinabangan ang ipinagkakaloob sa iyong 86,400 na segundo sa bawa’t araw. Kung gagawin natin itong mamiso, aba’y P86,400 na ito. Napakalaking halaga upang maging mariwasa ka sa bawa’t saglit. Napakalaking pagkakataon ito na inihahandog sa iyo sa araw-araw ng iyong buong buhay.

   Kailangang mabuhay ka sa kasalukuyan, hindi nang nakaraan o maging nang darating pang bukas. NGAYON lamang sa MAGHAPON na ito . . . Gamitin mo ang perang P86,400 para sa iyong ikakabuti, para sa iyong kalusugan, kaunlaran, tagumpay, at paglilingkod sa iyong kapwa.

Pakalimiin lamang ang mga ito:

Upang ganap na madama ang kahalagahan ng isang taon,
     . . . tanungin ang isang estudyante na hindi nakapasa at mag-uulit muli sa dating grado.

Upang ganap na madama ang kahalagahan ng isang buwan,
  . . . tanungin ang isang ina na nagluwal ng sanggol na kulang sa buwan.

Upang ganap na madama ang kahalagahan ng isang linggo,
  . . . tanungin ang isang patnugot ng pahayagan sa pagkakabalam ng kanyang panlinggong pahayagan.

Upang ganap na madama ang kahalagahan ng isang araw,
  . . . tanungin ang isang negosyante nang hindi niya maipadala ang iladong produkto.

Upang ganap na madama ang kahalagahan ng isang oras,
  . . . tanungin ang magkasintahan na naghihintay na magkita at hindi naganap.

Upang ganap na madama ang kahalagahan ng isang minuto,
  . . . tanungin ang isang tao na hindi nakasakay sa nakaalis na sasakyang  tren.

Upang ganap na madama ang kahalagahan ng isang segundo,
  . . . tanungin ang isang tao na nakaiwas sa malagim na sakuna nang humahagibis nilang kotse.

   Madalas nangyayari ang mga ito sa atin, at patuloy din nating nalilimutan ang mga kahalagahan nito. Nawiwili tayo sa mga panadaliang kaaliwan at kung may mga bagabag na nadarama, pinipilit nating limutin ang mga ito sa walang saysay na mga libangan. Gayong magagawa naman nating bigyan ng kaukulang pansin at prioridad ang mga bagay na mahalaga sa atin, at higit pa dito . . . pagdating sa mapagmahal na atensiyon ipinagkakaloob natin sa ating mga mahal sa buhay.

   Samantalahin at tamasahin ang mga gintong sandali na ipinagkakaloob sa atin. Ito ang mga pagpapalang iginagawad sa atin ng Dakilang Lumikha. At nararapat lamang nating pahalagahan at papurihan bilang pasasalamat dito.

   Laging tandaan lamang, Ang panahon ay hindi ka hihintayin; magsaya o maghinagpis ka man, ang daigdig ay hindi hihinto upang makiramay sa iyo. Sapagkat ang kahapon ay isa ng kasaysayan. Ang bukas ay isang misteryo pa. Subalit ang araw na ito, sa MAGHAPON na ito . . . ay muling ipinagkatiwala sa iyo upang iyong pahalagahan at tamasahin. Ito ay isang natatanging HANDOG na buong pagpapalang nakamit mo para sa iyong TAGUMPAY.

   Ano pa ang hinihintay mo ? . . Sulitin mo na ang bawa’t saglit.

   Aba’y kung hindi mo gagawin ito, ikaw ang susulitin nito !
  

No comments:

Post a Comment