Pabatid Tanaw

Tuesday, September 13, 2011

Ang Balakid


Ang Matulunging Bayan ng Bagak

   Noong hindi pa dumarating ang mga manlulupig na Kastila sa ating bansa, sa may Bagak sa Lalawigan ng Bataan, ay may isang matalinong Raha, madalas itong nagtutungo sa kaharian ng Maynila na pinamumunuan ni Raha Sulayman na gamit ang mabibilis na kumpit at bumabaybay sa lawa ng Maynila. Matalik silang magkaibigan, at isa sa kanilang patnubay sa mga nasasakupan ang paggamit ng mga pagsubok upang makilatis ang katapatan ng isang tao.

   Isang araw, nagpasiya si Raha Binukawan, na subukan ang mga naninirahan sa kanyang nasasakupan sa buong kaharian ng Bagak, sa paglalagay ng malaking bato sa pangunahin nilang daan patungo sa Bagumbayan. Sa gilid nito na pawang halamanan at kakahuyan ay nagtago siya at pinagmasdan ang gagawin ng sinumang dumaraan kung ito’y magnanasang alisin ang malaking bato.

   Maraming mga mangangalakal na galing pa sa mga kanugnog na mga bayan ang dumaan, ngunit isa man sa kanila ay walang nangahas na galawin ang bato. May ibat-iba pang nakakariwasa sa buhay ang lumilihis lamang at ipinagpapatuloy ang paglalakbay. Mayroon pang sinisisi ang Raha sa hindi nito pagsasaayos sa daan. May iba namang nagpupuyos sa galit, habang bumababa sa sinasakyang damulag na may hilang karomata na puno ng paninda, at inaalalayan ang damulag na makaiwas sa malaking bato. Halos lahat ay tumutuligsa kay Raha Binukawan sa nangyaring pagkakabalam nila.

   Naiinip na ang Raha sa natutunghayan at nagagalit sa mga naririnig. Napaupo ito at sakbibi ng lungkot, dahil walang nangahas na gumalaw sa malaking bato. Ilang sandali pa’y nagpasiya siyang tumindig upang umalis na, subalit pinapagpag pa lamang niya ang kanyang kasuotan sa dumikit na alikabok nang maulinigan niya ang pag-ingit at dausdos ng malaking bato. Muli niyang hinawi ang mga dahon ng halamanan at sumilip.

   Napamulagat ito sa nakita, isang karaniwang magsasaka na hawak ang isang matibay na tukod at iniuusod ang malaking bato sa gilid ng daan. Hanggang maitulak ito sa malaking taguling. Inalis ang mga putik sa kamay, kinuha ang daladala nitong punong tiklis, muling pinasan ito sa balikat, at paalis na nang mapansin niya ang isang maliit na kalupi mula sa pinanggalingan ng malaking bato.

   At nang buksan niya ito ay may laman na maraming baryang ginto. Napaluhod ito sa malaking pasasalamat at hindi matapos-tapos na pagdakila sa kung sinuman ang may kagagawan nito. At nangako pa ito na gagawin niya ang lahat ng makakaya upang ito’y magamit sa kabutihan. Napaluha ang Raha sa narinig, at sumilay ang isang masiglang ngiti sa mga labi nito na nagpapahiwatig ng kapayapaan sa kanyang kaharian.

   Napatunayan ng matulunging magsasaka na karamihan sa atin ay hindi nauunawaan. Bawa’t balakid na ating kinahaharap ay naghahandog ng pagkakataon tungo sa pagbabago at pag-unlad ng ating kalagayan. 

-------
Marami pang umusbong na mga kadakilaan sa daang ito, lalo na nitong nakaraang digmaan laban sa bansang Hapon.  Ngayon ang dakilang daan ito ay nagkasanga, ang isa ay patungo sa kabayanan (Bagumbayan), at ang isa naman ay patungo sa bayan ng Morong. May nakatirik ngayong 27 talampakang tore, may tatlong haligi na konektado sa isa’t-isa, at nakabitin dito ang isang malaking kampana (Sagisag ng Pagkakaibigan). 

   At bilang pagpupugay din, malapit dito ang Ciudad Real de Acuzar na buong pagmamahal na iniaalay ni Ginoong Jose “Gerry” Acuzar, isang tanyag na mangungulekta ng sining at natatanging kasaysayan para sa lahat. Isa itong pambihirang parke na pamana at matutunghayan ang mga mansiyong Kastila at mga bahay na yari sa maraming uri ng bato. Mga sinauna itong arkitektura at nagpapakita ng tunay na anyo noong panahon pa ng mga Kastila. Nagmula pa ang mga gusali at mga bahay na ito sa maraming dako ng Pilipinas, na maingat na nilansag, at unti-unting masinop na itinayo nang hindi nawawala ang dating kabighanian at kakisigan ng mga ito.

   Marami tuloy ang nagpapatunay na sa simpleng pagkilos ng isang magsasaka, naging alamat na ito at bukambibig ng lahat sa lalawigan ng Bataan. Hindi naman katakataka na ang isang bayan, tulad ng Bagak ay nabiyayaan at nakilala sa pagiging mapaglingkod, palakaibigan, at matulungin sa tuwina.

No comments:

Post a Comment