Pabatid Tanaw

Thursday, September 08, 2011

Kasukdulan ng Pagtuturo

Ang mga Bagay na Hindi Nakikita ang Siyang Pinakamahalaga

   Noong unang panahon sa bansang Hapon, gumagamit sila ng lamparang yari sa kawayan at papel. Sa loob nito ay may isang sinding kandila na nagbibigay liwanag pagkagat ng dilim.

   Isang gabi, may isang bulag na lalaki ang pauwi na sa kanyang tirahan, matapos itong pumasyal sa kanyang kaibigan. Sa pag-aalala niya sa kaibigang bulag, ay pinakiusapan itong magdala ng lampara pauwi sa kanyang bahay.

   "Hindi ko kailangan ang lampara," ang tumatanggi nitong pahayag. "Madilim o maliwanag man, gabi o araw man, lahat ng mga ito ay magkatulad sa akin."

   "Alam ko na hindi mo kailangan ang lampara upang makita ang iyong daraanan sa pag-uwi," ang paliwanag ng kaibigan, "subalit kung wala kang dalang lampara, papaano ka makikita ng mga taong iyong masasalubong? Baka mabangga ka nila. Kaya kailangang dalhin mo ang lamparang ito."

   Tumatango-tango ang bulag, dinala ang lampara at nagsimula na itong humakbang patungo sa kanyang bahay. Hindi pa ito nakakalayo nang may maramdaman siyang mga yabag ng makakasalubong.

   Mabilis na humiyaw ang bulag, "Hoyyy, tignan mo ang nilalakaran mo kung saan ka papunta!" Ang banta nitong sigaw. "Hindi mo ba nakikita na may hawak akong lampara?"

   "Paumanhin po, ang lampara ninyo ay wala ng sindi." Ang paglilinaw na tugon ng nasalubong na lalaki.

No comments:

Post a Comment