Pabatid Tanaw

Wednesday, September 07, 2011

Ito ang Aking Natutuhan

Natutuhan ko . . .
   na hindi mo magagawa kanino man na mahalin ka.
. . . Ang magagawa mo lamang ---
         ay maging karapatdapat na maaaring mahalin.
       Ang lahat ay nasa kanilang kapasiyahan.

Natutuhan ko  ---
. . . na kinakailangan ang maraming taon upang makamit ang pagtitiwala,
        at ilang saglit lamang upang ito’y wasakin.

Natutuhan ko ---
. . . na gaano man ikaw katalino o kagaling sa larangang pinasok mo,
        huwag kakaligtaan o kalilimutan man ang magagawang tulong ng iba.

Natutuhan ko ---
. . . na hindi kung anong bagay o karangyaan mayroon ka sa iyong buhay,
        bagkus ang batayan ay kung sino ang mga tao sa iyong buhay.

Natutuhan ko ---
. . . na may makukuha ka sa pagiging magiliw sa loob ng labinlimang minuto.
       Matapos ito, kailangang may kabatiran ka sa magaganap.

Natutuhan ko ---
. . . na sa isang iglap ay may magagawa kang isang bagay,
       na pagdudusahan mo sa habang buhay.

Natutuhan ko ---
. . . na gaano mo man kanipis na hiwain ang bibingka,
        palaging may dalawang gilid itong kalalabasan.

Natutuhan ko ---
. . . na higit na madali ang magbitaw ng salita at reaksiyon,
       kaysa ang mag-isip sa kakahinatnan nito.

Natutuhan ko ---
. . . na kailangang sinasambit at nag-iiwan ka ng mga salita ng iyong pagmamahal sa iyong mga mahal sa buhay.
       Bagama’t iniiwasan natin itong mangyari; maaaring ito na ang huling sandali,
        na makakapiling mo sila. Walang sinuman ang nakakaalam sa kinabukasan.

Natutuhan ko ---
. . . na magagawa mong ipagpatuloy anuman ang iyong ginagawa at tapusin ito,
       nang hindi mo namamalayan na hindi mo pala magagawa ito kung iisipin mo.

Natutuhan ko ---
. . . na tayo ay may responsibilidad sa anumang ating ginagawa,
        gaano man ang ating nadarama at kinalabasan nito.

Natutuhan ko ---
. . . na mangyaring supilin mo ang iyong saloobin;
       kung hindi, ikaw ang susupilin nito.

Natutuhan ko ---
. . . na gaano man kainit at nakakahalina ang isang relasyon sa una,
       ang simbuyo ay kumukupas at kinakailangang may magagawa kang mabuting panakip o kapalit para dito.

Natutuhan ko ---
. . . na ang pag-aaral upang magpatawad ay nangangailangan ng pagsasanay.
       Sapagkat madali ang magpatawad, ngunit ang lumimot ay mahirap.

Natutuhan ko ---
. . . na maraming tao ang sadyang nagmamahal sa iyo,
       dangan nga lamang wala silang kabatiran kung papaano ito maipapakita.

Natutuhan ko ---
. . . na ang paggamit sa salapi ay isang karuwagang paraan,
        upang makipagpaligsahan sa mga taong nakakaangat ang kalagayan kaysa iyo.

Natutuhan ko ---
. . . na paminsan-minsan ang mga taong inaasahan mong ipagkakanulo ka, o ipagtatabuyan ka
       ay siya pang makakatulong sa iyo na makatindig sa panahong nasa kagipitan ka.

Natutuhan ko ---
. . . na ang mga taong malalapit sa iyo at inaasahan mong makakatulong;
        ay siya pang magtutulak sa iyo, upang tuluyang kang mahulog sa bangin.
        Magkagayon man, maging mabuti pa rin ang gawing pakikitungo sa kanila.

Natutuhan ko ---
. . . na maging mapagmasid dahil marami ang gumagamit sa relihiyon at nagpapahayag na mga banal,
       gayong sa kanilang mga buhay ay tahasang kabaligtaran ang kanilang mga ginagawa.

Natutuhan ko ---
. . . na kadalasan kung ako’y nagagalit; may karapatan akong magalit,
       subalit wala itong pahintulot na gawin ko itong marahas, malupit, o makapanakit.

Natutuhan ko ---
. . . na ang tunay na pagkakaibigan ay patuloy na umuusbong,
       kahit na napakalayo ang agwat, kalagayan, gulang, o distansiya.
       Ganoon din sa wagas na pagmamahal.

Natutuhan ko ---
. . . na dahil lamang na hindi ka minamahal ng sinuman sa paraang nais mo,
       hindi ito nangangahulugan o batayan man na hindi ka minamahal sa nais niya.

Natutuhan ko ---
. . . na ang pagtanda ay naaangkop sa uri ng iyong mga naging karanasan
       at mga natutuhan mula dito, at walang kinalaman gaano man karami ang iyong ipinagdiwang na mga kaarawan.

Natutuhan ko ---
. . . na huwag kailanman pakikialaman o pagsasabihan ang mga bata,
       na ang kanilang mga pangarap ay hindi mararating, hindi makatotohanan, at kataka-taka.

Natutuhan ko ---
. . . na gaano man kalalim ang iyong relasyon sa matalik mong kaibigan, nasasaktan ka din paminsan-   
       minsan sa mga pagkakamali niya sa iyo. At kailangang patawarin mo siya para dito.

Natutuhan ko ---
. . . na hindi sapat na laging nagpapatawad ka sa iba. Paminsan-minsan kailangan mong matutuhan na patawarin din ang iyong sarili.

Natutuhan ko ---
. . . na gaano mang kapighatian ang namamayani sa iyong puso,
        ang daigdig ay hindi hihinto upang makiramay sa iyo.

Natutuhan ko ---
. . . na ang ating kinalakihan at kinaugalian ay magagawang inpluwensiyahan kung sino tayo,
       subalit tayo ang higit na may responsibilidad kung anong pagkatao ang gagampanan natin.

Natutuhan ko ---
. . . na paminsan-minsan kailangan mong ilagay ang isang tao na nauuna
        kaysa mga pagkilos niya.

Natutuhan ko ---
. . . na hindi natin kailangang magpalit ng mga kaibigan kung nauunawaan natin
       na ang ating mga kaibigan ay kusang nagbabago.

Natutuhan ko ---
. . . na hindi mo kinakailangang pilitin na matuklasan ang isang lihim.
       Ito ang makapagpapabago ng iyong buhay magpakailanman.

Natutuhan ko ---
. . . na ang dalawang tao ay makakatingin sa eksaktong parehong bagay,
       at makakita ng bagay dito na may pagkakaiba at magkasalungat.

Natutuhan ko ---
. . . na gaano man na pagsumikapan mo na pangalagaan at ipagsanggalang ang iyong mga anak,
       darating ang panahon na sila’y masasaktan at ikay ay masasaktan din sa kaganapang ito.

Natutuhan ko ---
. . . na gaano man ang mga kaganapan; yaong may katapatan at pananalig sa kanilang mga sarili,
        ay palaging nagtatagumpay at nakakaunos sa buhay.

Natutuhan ko ---
. . . na kahit naiisip mo na wala ka ng maibibigay pa, kapag ang iyong kaibigan ay humingi ng tulong,
       makakagawa ka ng mga kaparaanan na sa iyong hinagap ay hindi mo makakayanan.

Natutuhan ko ---
. . . na hindi ang mga katibayan at karangalan na nakasabit sa dinding,
        ang nagpapahiwatig kung anong pagkatao mayroon ka.

Natutuhan ko ---
. . . na huwag paniniwalaan ang lahat ng iyong naririnig,
       dahil ang maniwala sa sabi-sabi ay walang bait sa sarili.

Natutuhan ko ---
. . . na mahirap limiin kung papaano isasagawa ang pagsasaalang-alang sa pagitan ng pakikisama na hindi makakasugat ng damdamin at manindigan sa pagtupad ng iyong prinsipyo.

Natutuhan ko ---
. . . na kailangan mong dagdagan ang iyong mga katangian at mga kakayahan,
       kung nais mong may kapuntahan at ikakaunlad sa iyong mga gawain.

Marami pang tulad nito ang susunod dito . . . 
Natutuhan ko . . . Bilang 2 (subaybayan)

Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment