Pabatid Tanaw

Wednesday, September 07, 2011

Ang Pinggang Kahoy

   Sa Barangay Kabog-kabog, dito sa lungsod ng Balanga ay may isang matandang lalaki na kasamang nakatira sa kanyang anak na lalaki, manugang na babae, at apat na taong apo. Malabo na ang paningin nito, madalas ang panginginig ng mga kamay, at may kabagalang kumilos.

   Ang mag-anak ay magkakasamang kumakain sa hapag-kainan. Subalit ang panginginig ng mga kamay ng matandang lalaki at panlalabo ng paningin nito ang nagpapahirap sa kanya sa tuwing kumakain. Ang pagkain ay nahuhulog mula sa kutsara, nagkalat sa lamesa hanggang sa sahig. Kapag hawak naman nito ang baso ng gatas ay lumiligwak at umaagos sa lamesa. At madalas ay nakababasag pa ito ng mangkok at pinggan.

   Ang anak at maybahay nito ay sukdulan na ang pagkainis sa mga pagkakalat at kapinsalaan sa kasangkapan ng matanda. “Kailangan nating magpasiya tungkol kay Tatay,” ang mungkahi ng anak. “Hindi ko na kaya pang tiisin ang kanyang mga pagkakalat at pag-iingay tuwing kumakain siya, pati na mga pagkasira ng ating mga kasangkapan. Hindi ko na papayagan pang maubos ang mga ito.” Ang hinaing at pangangatwiran pa nito.

  Sinag-ayunan naman ito ng kanyang maybahay at naglaan sila ng maliit na lamesa sa isang sulok sa labas ng kusina. “Ngayong nakahiwalay na at naroon sa labas ang Tatay sa kanyang sariling lamesa, magiging tahimik na tayo sa tuwinang tayo’y kumakain sa ating hapag-kainan.” Ang pahayag ng anak, “Hindi na rin siya makakabasag pa, dahil yari na sa kahoy ang kanyang pinggan. Ang baso at mangkok naman niya ay mga plastik. Tignan ko lang, kung magawa pa niyang masira pa ang mga ito.” Ang pakutyang usal pa ng anak.

   Kapag tumitingin ang mag-anak sa sulok na kinalalagyan ng matanda na nag-iisa, madalas napapansin nilang may luha ito sa mga mata. Magkagayunman, ang tanging mga salitang binibitiwan ng mag-asawa ay mabibigat na pamumuna at pangangaral kapag nabibitawan ng matanda ang kutsara o nakapagla-laglag ng pagkain.

   Ang lahat ng ito’y nasasaksihan ng apat na taong gulang niyang apo, at nanatili itong tahimik. Isang gabi bago maghapunan, napansin ng ama ang nagkalat na mga tapyas at tatal ng kahoy sa sahig. At nakita ang anak na abala sa may tabi ng kusina at may ginagawa na mga pinggang kahoy.

   Magiliw na nagtanong ang ama sa bata, “Ano ba ang iyong ginagawa, anak?” Lumingon at tumingala ang bata sa ama, subalit muling ipinagpatuloy ang ginagawa.

   Inulit ng ama ang tanong nito; at sa malakas na tinig, “Ano ba iyang ginagawa mo at ayaw mong magambala kita, ha?

   “Ah, eto po ba? Gumagawa po ako ng mga pinggang kahoy para sa inyong dalawa ni Nanay upang inyong magamit kapag matanda na kayo!” At matapos na bigkasin ito ay nagpatuloy ang apat na taong bata sa kanyang ginagawa.

   Ang simpleng pangungusap na ito’y tumimo sa puso ng mag-asawa at ilang sandaling hindi sila nakapagsalita. Maya-maya pa’y mabilis na umagos sa magkabilang pisngi ng anak ang luha at gayon din sa humahagulgol na manugang sa kanilang nagawa sa matanda. Bagama’t walang katagang nanulas sa kanilang mga labi, batid nila ang nararapat na gawin.

   Noon ding gabing yaon, inakay ng anak ang kanyang matandang ama at malumanay itong iniupo pabalik sa kanilang hapag-kainan. Sa sumunod pang mga araw, ang matanda ay kumakain nang kasama ang mag-anak sa tuwina. At sa kanilang naranasan, sinuman sa anak at maybahay nito ay wala ng inaalaala anupaman kung ang kutsara ay nahuhulog, lumiligwak ang gatas, umaagos sa lamesa,  kumakalat ang pagkain, at nadudumihan ang sahig.

   At ang apat na taong apo ng matanda ay masiglang nililinis, pinupunasan ang lamesa, at winawalis ang kumalat sa sahig bilang masunuring bata na nagpapahalaga sa kanyang lolo.

-------
Ganito din kaya tayo sa ating mga matatandang kaanak?

Harinawa.

No comments:

Post a Comment