Pabatid Tanaw

Wednesday, September 07, 2011

Para sa Inyo Po Ito

Laging Alalahanin ang mga Tagapaglingkod

   Sa isang hindi kalakihang restoran ay umupo ang isang batang lalaki sa silya ng kalapit na lamesa. Isang waitress ang lumapit at naglagay ng isang basong tubig sa harap ng bata.

   “Magkano po ang halaga ng halo-halo ninyo?” Ang mapitagan nitong tanong.

   “Sampung piso, iho!” ang tugon ng waitress na hindi man lamang tinignan ang bata.

   Nagitla ang bata sa narinig at mabilis na inilabas ang mga barya sa magkabilang bulsa niya, at binilang ang mga ito. Napamaang sa halagang hawak at muling nagtanong, “Eh, magkano naman po ang regular ninyong sorbetes?

   Sa tagpong ito, maraming parukyano ang dumating at naghahanap ng bakanteng lamesa. At ang waitress ay nagsisimula nang mainis sa kabagalan ng nais bilhin ng bata.

   “Walong piso lang!” Ang nayayamot at nakasimangot na sagot ng waitress.

    Muling binilang ng bata ang kanyang mga barya at napangiti.
 
   “ 'Yon na lamang pong sorbetes ang bibilhin ko.” 

   Nagkakamot sa ulong tumalikod ang waitress, at nang bumalik ay idinulot ang sorbetes kasama ang resibo sa lamesa at tumalikod muli. Masiglang naubos ng bata ang sorbetes, kinuha ang resibo at nagtungo sa kahera, nagbayad at masiglang lumabas ng restoran.

   Nang bumalik ang waitress upang linisin ang lamesa ay napahinto ito, napamaang sa nakita . . . maya-maya pa’y nagsimulang tumulo ang kanyang luha. Sa ibabaw ng lamesa, nakahilerang maayos at nakapatong sa napkin sa tabi ng walang lamang kopita ng sorbetes, ang walong beinte-singkong barya ---bilang tip sa kanya ng bata.

   Hindi nagawa ng bata na mabili ang halo-halo kahit na sapat ang kanyang pera, sapagkat nais niyang may matira sa kanyang pera upang makapag-iwan ng tip sa waitress.

No comments:

Post a Comment