Pabatid Tanaw

Tuesday, September 27, 2011

Balatkayo: Isang Pandaraya

Magkapatid ang Palalo at Hangal

   Hindi mawawala sa ating kapaligiran ang mga mandaraya o mga balatkayong relasyon. Bahagi ito ng mapagkunwaring buhay ng mga palalo at mga hangal. Ito ang kanilang daigdig, ang maghasik ng kalituhan at paglalaban sa kanilang mga kapwa. Nabubuhay sila sa mga pagkukunwari at pag-iwas kung ano ang katotohanan.

Marami ang naging eksperto na sa larangang ito at kung wala kang kabatiran sa bagay na ito, hindi mo magagawang harapin ito nang maingat at ligtas ang iyong sarili. Anumang relasyon o kasunduan na sinuong mo, hindi ka magiging gising at handa sa kapahamakang naghihintay sa iyo.

Magbulay-bulay sa mga pangungusap na ito:

1-Ang sikreto ng buhay ay katapatan at parehas na kasunduan. Kung magagawa mo ito, pawang katiwasayan ang sasaiyo.

2-Nais mong mandaya at magsamantala sa iyong kapwa?  Pagtiisan mo ang masalimoot na buhay na tigib ng kapighatian.

3-Madaling dayain ang ating mga sarili at paniwalaan ito na nakakatulong sa atin. Gayong ang tinutungo nito ay ibayong kapahamakan.

4-Ang pandaraya ay buhay na hungkag. Tulad ng tuyot na patpat na inaanod ng rumaragsang tubig, at anumang sandali ay mapapahamak.

5-Walang kakahinatnan ang mga salitang, “Puwede na ‘yan!” “Ayos na ‘yan!” at “Hindi na ‘yan mahahalata pa!” Mga panglilinglang ito na magwawasak sa iyo sa kalaunan.

6-Gawing likas at wagas ang mga pagkilos, ang pagkukunwari ay bilangguang walang rehas.

7-Sa lahat ng iyong magagawang pagkakamali, ang pinakamasidhi dito ay ang pagtakpan, palitan at supilin ang iyong wagas na pagkatao, at magkunwari ng ibang katauhan.

8-Habang patuloy na ginagawa ang isang kasinungalian;  sa katagalan at nakasanayan, isa na itong katotohanan ayon sa iyo, at ipinapamuhay mo.

9-Ang mga pandaraya sa mga gawang pagkain; ay siyang pangunahing sanhi ng ating mga pagkakasakit at malulubhang karamdaman.

10-Sa inumin, may artipisyal na katas ng kalamansi. Sa pampakintab ng muebles ay gamit ang tunay na katas ng kalamansi.

11-Sa pinilakang tabing at doon sa mahihiligin sa artista at pelikula, ang buong buhay nila ay laging nasa pantasya at mga kahiwagaan. Pagpapatunay lamang na pawang drama, pagkukunwari,  at trahedya ang kinahuhumalingan nila.

12-Ang kanilang mga pangako ay laging napapako, sapagkat ang buhay nila’y laging balatkayo.

13-Ang pinakamabisang kalasag sa kabuktutan ay kawagasan, orihinal na kaisipan, matatag na paninindigan, at marangal na buhay. Kailanman ang mga ito ay hindi maaaring itatwa, dayain, gayahin, at kasamahin ng mga mandaraya at balatkayo.

14-Sa kalaunan, sadyang mahirap na pagsabaying sakdal ang buhay at trabaho nang hindi mo kakaligtaan ang isa. Sakali man na malagay ka sa tagpong ito, ang piliin at pagtuunan mo ng pansin ay ang buhay. 

15-Sa relasyon, laging bukas at nakalahad ang iyong palad at hindi nakatikom. Dahil wala kang itinatago at pagbabalatkayong pinaiiral. 

16-Magagawa mong dayain at ikubli ang iyong tunay na gulang, ngunit ang simbuyo ng iyong damdamin ay kusang lilitaw at ipagkakanulo ka.

17-Ang tunay na mga kaibigan ay tulad ng mga diyamante, mahalaga ngunit bihirang matagpuan. Ang mga huwad at balatkayong mga kaibigan, ay santambak na tulad ng mga tuyot na dahon na nagkalat at basura sa kapaligiran.

18-Dahil sa aking katamaran: mahiligin ako sa plastik na halaman, dahil hindi ko ito kailangan pang diligan.

19-Hindi kawalan ang mawalan ng mga huwad na kaibigan. Sapagkat hindi nila makakayang tagalan ang iyong katotohanan.

20-Ayon sa mga kapitalista o namumuhunan, sa ginagawang promosyon ng kanilang mga produkto, 65 porsiyento nito ay pawang kasinungalingan.

21-At sa paulit-ulit na pagpapakita sa promosyon ng produkto sa telebisyon at pagpaparinig nito sa radyo, nagiging 140 porsiyento itong totoo, ayon naman sa mga parukyano, na nahuhumaling dito.

22-Ang pagiging matapat ay pinakamahalaga sa relasyon, dangan nga lamang marami ang umaabuso dito. Dahil ang akala nila’y isa itong kahinaan at mapapakinabangan para sa kanilang sarili.

23-Ang dila ng isang huwad na kaibigan ay mistulang matalim na balaraw.

24-Kahit saan mang panig o pook, maging gubat man o lungsod, mayroong mga manloloko, nagpapaloko, at tahasang luko-loko. Dito sa huli, sadyang tinanggap na ang kanilang kapalaran at ginawa silang libangan ng iba.

25-Ang integridad ay pagpapatunay ng iyong pagkilala sa sarili na hindi mo magagawang magkunwari at mandaya sa iyong kapwa. Kawangis ng katapatan, kinikilala mo rin na ang katotohanan ay mahirap dayain.

26-Kapag itinago at sinusian natin ang mga bagay, patunay lamang ito na ibinibilanggo natin ang ating mga sarili.

27-Laging bukang-bibig ng mandaraya, “Magtiwala ka sa akin, hindi kita dadayain!

28-Sa bawa’t pamilya, bihirang matamasa ang pagiging bata. Lahat ay nanghihimasok sa iyong kapakanan.

29-Dayain mo akong minsan, kahihiyan mo. Dayain mo pa akong muli, kakahiyan ko na. At ulitin mo ito ng pangatlong beses, bisyo ko na ang magpaloko sa mandarayang tulad mo.

30-“Magaling kang kumalabit ng gitara, kapag madalas mong gagawin ‘yan magiging gitarista ka.” “Hindi totoo ‘yan!  Dahil mandurukot ako, at pagkalabit ng pitaka ang nakasanayan ko!

31-Ang ating dakilang adhikain sa buhay ay maging totoo sa ating mga sarili. Ang dayain natin ito at maniwala sa panghihimasok ng iba ay buhay na mabuway at walang patutunguhan.

No comments:

Post a Comment