Pabatid Tanaw

Saturday, July 16, 2011

Salamin ng Buhay

   Matagal ng panahon ang nakalipas, sa isang malayong Barangay ng Kabog-Kabog, dito sa lungsod ng Balanga, ay may isang kakaibang bahay na yari sa 1,000 mga salamin. Sa loob nito ay napapalibutan ang lahat ng mga dingding, kisame, at mga bintana ng mga salamin. 

   Sa kabilang Barangay ng Kataning ay may isang maliit, masayahin, at palakaibigang aso. Nabatid niya ang pambihirang bahay ng mga salamin at nanabik siya na pasyalan din ito. Nagkukumahog itong pumunta, nagsuot sa mga lungtiang talahiban, tinawid ang malilinaw na mga batis, sinundan ang mabulaklak na mga halamanan sa gilid ng mga dakdak, at nang makarating sa bahay ay matuling nagtungo sa harap ng pintuan. Sumilip ito sa siwang pinto na nakataas ang mga tainga at pandalas ang wasiwas ng kanyang buntot sa matinding kasabikan. At nang itulak niya ang pinto ay napamulagat ito sa paghanga sa natunghayan, pawang mga magagandang salamin ang buong kabahayan at siya’y napangiti sa matinding kagalakan. Nang mapansin niya ang maraming aso na nakatingin sa kanya at ang lahat ay nakangiti din sa kagalakan, at handang makipagkaibigan. Lalong nag-ibayo ang kanyang katuwaan at dumalas ang wasiwas ng kanyang buntot sa nasaksihan. Nang siya’y pauwi na, naibulong niya sa sarili na, “Pambihira ang ganda ng bahay na iyon at palakaibigan pa ang mga asong nakatira doon. Babalik ako at madalas na papasyalan ito, nakakawiling tumira dito.” 
 
   Sa pinakadulo ng barangay na ito, ay may isa pang maliit na patpating aso, malungkutin, laging balisa, at kinaiinisan nito ang lahat. Laging nakadaing at mareklamo sa kanyang buhay. Nabalitaan din niya ang tungkol sa bahay ng 1,000 mga salamin. Bagama’t naiinis siya, nanaig ang pagiging usisero niya sa mga ganitong balita. Nais din niyang puntahan ito at pabulaanan ang mga magagandang balita tungkol dito. Ito ang nagpapaligaya sa kanya, ang manira at magkaroon ng maraming katulad niya na naiinis din sa buhay.

   Mabagal at halos hinihila nito ang mga paa sa pagpunta, laging humihinto at nagrereklamo sa init ng araw, sa mga matataas na talahib, sa mga mabatong batis, at mga liku-likong matitinik na dakdak. Lahat ay pinipintasan niya hanggang sa pinakamaliit na mga kapangitan. Walang kasiglahan nang makarating ito at sumilip sa siwang ng pinto. Nang itulak niya at matunghayan ang buong kabahayan ay napangitan siya, napaismid, at nainis ito. Nang makita niya ang maraming maliliit na aso na nakaismid at naiinis din sa kanya. Nanlisik ang kanyang mga mata at nagalit, kasabay ng malakas na pag-ungol. Nanlisik at nagalit din ang mga aso at magkakasabay din sa pag-ungol. Nilakasan niya ang kanyang ungol, naglakasan din ng ungol ang lahat ng mga aso, na nakita niya sa mga salamin. 

   Matindi siyang kinabahan, nanginig ang kanyang mga tuhod at lalong nagsumiksik ang kanyang buntot sa kanyang mga singit. Sinigilahan siya ng matinding pangamba, tumalikod, at simbilis ng kidlat na kumaripas ng takbong pauwi. Habang tumatakbo ay nangangaykay sa matinding takot at sumusumpang, “Hinding-hindi na ako babalik pa! Nakakatakot ang bahay, napakalagim! Kailanman hindi na ako babalik pa rito, at baka mapahamak pa ako.”

-------
Lahat ng mga mukhang ating natutunghayan sa daigdig ay repleksiyon lamang ng salamin. Ang salaming ito ay tayo ang lumilikha. Hindi natin nakikita ang daigdig sa kung ano ang tunay nitong katangian at mga kaganapan, bagkus kung anong katangian ang mayroon sa ating kaisipan, katawan, at kaluluwa. Tayo mismo mula sa ating nililikhang pangmalas ang nagpapasiya kung ano ang nais nating ipakahulugan sa ating nakikita.

   Anong klaseng repleksiyon ang iyong nakikita sa mga mukha ng mga taong iyong nakakaharap? At ano naman ang klase ng repleksiyong kanilang nakikita mula sa iyo?

     Nakakahalina, o nakaiinis?
   Nakakabagot, o nakakasisiya?
   May pag-asa ba, o kawalan ng pag-asa?
   Mapagmahal, o mapangwasak?
   Pumupuri, o pumipintas?
   Bumubuhay, o pumapatay?
   
     Nasa iyo ang tanging kapasiyahan sa nais mong tatahaking buhay. 

     Kaligayahan o Kapighatian?

  Sa iyong pakikipag-relasyon, ito ang magiging simula, ginagawa, at mananatili sa kanilang diwa sa maraming panahon ng inyong pagsasama, kung sakaliman na ito’y magpatuloy pa.

 Nawa’y lagi kang magsalamin at tunghayan nang may pagsuyo at pag-ibig ang iyong sarili. Sapagkat ang damdaming ito ang iyong nililikha sa tuwing may tinitignan, kinakausap, at pinag-uukulan ng ibayong pansin. Ngumiti ka, at ikaw ay ngingitian din nito. Sumimangot ka, at sisimangutan ka din nito. Ito ang batas ng kalikasan, “Kung ano ang iyong itinanim, ay siya mo ring aanihin.”

No comments:

Post a Comment