Pabatid Tanaw

Tuesday, July 19, 2011

Isaalang-alang ang Pagkatao


Nasa Ugali at mga Ginagawa Lamang Makilala ang Tunay na Pagkatao
   Isang bahay lamang ang pagitan ng paaralang elementarya sa aming tahanan. Tuwing Sabado at Linggo na walang pasok, nakagawian na naming magkakabata na malalapit ang kabahayan, ang maglaro sa loob ng bakuran ng paaralan. Mayroon itong mga duyan, mga baras, mga swing, at may malawak na playground. Halos lahat ng larong-bata ay ginagawa namin dito, takbuhan, hagaran, taguan, at mga paligsahan sa mga larong trompo, teks, holen, at maraming iba pa tuwing may usong laro. 

   Isang araw ng Lunes, ipinatawag kami sa opisina ng punong-guro ng paaralan. Inihelera kaming walong mga bata, at isa-isang tinanong kung sino ang nakasira sa mga seedlings o punlang halaman. Palibhasa’y ako ang laging nangunguna sa mga laro, lalo na’t may bago at uso akong natanggap na laruan mula sa isang kaanak na galing ng Maynila, kadalasa’y ipinapakita at ipinagyayabang ko ito sa aking mga kababata. Mula sa mga lata ng epaporadang gatas at lapad na sardinas ay nakakagawa ako ng hinihilang laruang trak na lata. Nangunguha ako ng pinla sa ilog at hinuhubugan ko ito ng mga ulo ng tao, hayop, at mga laruan. Ibibilad ko sa araw upang tumigas at kinukulayan ko ng watercolor ang mga ito.Tuwang-tuwa ang aking mga kalaro, kapag isa-isa naming pinaglalaruan ang mga ito. Anupa’t nabansagan akong si promotor, sa mga nagagawa kong ito.

   Kaya ako ang pinagbintangan at itinuro na gumawa ng kapinsalaan sa mga halaman. Lalo akong idiniin nang isa sa amin ay ikinuwento ang nangyari sa larong labanan, sa aking pagbigkas ng “Sugod mga kapatid!” at nanguna daw ako sa takbuhan. Dalawang magkapatid na kalaro ko ang nagsumbong sa punong-guro na ako ang nakatapak at sumira sa mga halaman. Pinabulaanan ko ito nang maraming ulit, hanggang sa ipatawag ang aking ama. Subalit nagmatigas ang magkapatid at ipinagdiinan na ako, ang tumawag sa kanila, ang nagsimula ng larong habulan at nakasira sa mga punla.

   Bilang Kapitan ng aming Barangay Kupang, malaking kahihiyan ito para sa aking ama na hindi makayang pangaralan at itama ang kanyang sariling anak. Na ako’y laging sakit ng ulo ng aming paaralan sa mga pamimitas ng mga bungang kahoy, pagkakalat, at iba’t-ibang kapinsalaan sa paaralan. Inaamin ko na maraming bagay akong nagawa dahil sa mga pambatang paglalaro at kinalabasan nito sa paligid. Subalit pagdating sa kapinsalaan ay iniiwasan ko ito. Sapagkat mayroong yantok ang aking ama na kasing taba ng sigarilyo at may isang metro ang haba nito. Nakasisik ito sa tahilan at aking nakikita bilang babala sa aking mga kalikutan. Manipis ang aking kortong salawal at wala akong saping panloob upang mapigilan ang hapdi ng hagupit nito. Nasa ikaapat na grado ako, nang dalawang ulit kong natikman ito, noong dumugo ang labi ng aking nakababatang kapatid sa aking suntok, at noong naisugal ko sa kara’y krus ang perang pambili sa inutos ng aking ina. Isang matinding hagupit lamang ang parusa ng aking ama, hindi mo makakayang ilarawan ang hapdi nito kung kakamutin, uupuan, at mag-iikot ng walang hinto kasabay ang maingay na pagpapalahaw ng iyak. At nag-iiwan ito sa puwit mo ng latay na pantal na kasing tambok din ng sigarilyo.

   Hindi ko inalintana ang mga halinhinang pingot, kurot, at pamamalo ng aking titser at ng punong-guro. Hindi nila nagawang ako’y paiyakin. Ang laman ng aking isip ay lagi ang aking ama at ang kanyang mahapding yantok sa tahilan. Ito ang matinding bumabagabag sa akin.

  Alam na ng aking ama ang nangyari, pati ang ginawang pagsusumbong ng magkapatid nang siya ay dumating sa paaralan. Hinarap niya agad ako, at sa matigas na tinig na maririning ng lahat,  limang kataga lamang ang naibulalas niyang tanong sa akin, “Ikaw ba ang may gawa?”

   Nakatingala akong tumitig sa kanya, at buong pagtitiwalang tumugon nang mariin at napapaunawa, “Hindi po!” Tumango-tango ang aking ama at kinausap sa isang sulok ang punong-guro at maya-maya pa’y pinalabas na kaming walong bata sa kanyang opisina.

   Sa mura kong isipan noon, makakaya kong tanggapin ang lahat ng kaparusahang ipapataw sa akin, subalit mananatiling matibay ang aking paninindigang hindi ako ang may kasalanan. Maging silang lahat ay magkaisa at laban sa akin, subalit hindi ko magagawang labanan ang aking sarili. Hangga’t alam kong wala akong kasalanan, anumang pananakot, panunuhol at pangakong pabuya, sinuman ay hindi magagawang baguhin ang aking katwiran. 

  Matapos ang tagpong ito, hindi na binanggit pa ng aking ama ang tungkol dito. Natutuhan ko sa araw na ito ang kahalagahan ng pagsasabi ng totoo. Ito ang madalas na itinuturo ng aking ama, “Kapag ang pagkatao mo’y sinubok at hahatulan,  kailanma’y huwag kang magsisinungaling.” Naging ugali ko na ang pagsasabi ng tapat at mapanghahawakan. Ipinagdidiinan ko ito, ipinadarama, at nakatitig nang walang kurap sa aking kausap. Alam ito ng aking ama, nadarama at nauunawaan niya ako, at kilala niya ang aking paninindigan tungkol dito. 

-------
Ang nakakalungkot lamang, marami sa atin ang hindi na nabibigyan ng pansin ang kapangyarihan ng integridad at katapatan. Halos wala na ito sa kanilang sistema o bokabularyo. Lalo na pagdating sa pagkamal ng salapi, sa natanggap na mataas na katungkulan at sa kapangyarihang idinudulot nito, kung makakabuti o makakasama sa kanilang mga karangalan. Kahit na alam nilang masama at labag sa batas ang ginagawa, patuloy ang kanilang mga kabuktutan at pagsasamantala sa iba.

   Kailangan natin ang mga taong may dangal at pagpapahalaga sa kanilang mga sarili. Ang mga taong nakakamtan sa araw-araw ang pagtitiwala at paggalang ng kanilang mga kapwa, anuman ang kanilang mga gulang, kalagayan o antas sa buhay, at mga katangian. Walang hinihintay na anumang kapalit, papuri, o pabuya ay patuloy na pinaiiral ang integridad sa kanilang pagkatao.

   Kailangan natin ang mga taong nagmamalasakit sa kahalagahan ng pag-uugali at pagkatao ng bawa’t isa.

   Ang ginagalawan nating lipunan ay uhaw na uhaw sa mga taong mayroong mga katangiang ito. Dahil narito ang ikakatagumpay at ikakatiwasay ng ating pamayanan. Maraming mabubuting mga aral ang naiwanan sa atin ng ating mga ninuno, at maging ang mga sariling nating kabatiran at mga karanasan --- ito ang mga hagdanang ating tinutuntungan sa paggawa ng walang kamatayang pamana sa mga sumusunod na henerasyon. At wala nang hihigit pa sa pagkakaroon ng magandang integridad at pagkatao na maipagkakaloob sa kanila kundi ang magandang pangalan at dangal ng ating sariling angkan.
  

No comments:

Post a Comment