Pabatid Tanaw

Wednesday, July 13, 2011

HUWAG Mo Akong Sukatin

   May nakita ka na bang Juggler o yaong nag-iitsa ng mga bola sa hangin at sinasapo itong isa-isa ng dalawang kamay niya? Isaguni-guni natin ito at harapin ang buhay na tulad ng isang laro na nag-iitsa ka rin ng limang bola sa hangin, kaya lamang lagyan nating ng mga pangalan. Trabaho  -- Pamilya – Kalusugan – mga Kaibigan – at Pag-asa.

   Madali mong mauunawaan na ang trabaho ay tulad ng isang gomang bola, na kapag naibagsak mo ay tumatalbog at walang nangyayari dito. Sapagkat sa iyong mga katangian, madali mong mapapalitan ang trabaho. Subalit ang apat na mga bola; Pamilya, Kalusugan, mga Kaibigan, at Pag-asa ay yari sa kristal at kung mabibitiwan ay madaling mabasag. Gawin mo man ang lahat na mabuo muli ang mga ito ay hindi na tulad pa ng dati. Mananatili pa rin ang mga lamat, gasgas, mga uka, mga bitak, at kung minsan ay makakasugat pa kapag hinipo.

   Malaki ang pagbabago kapag ang mga ito’y napabayaan, at higit na malaking suliranin ang kakaharapin sa pagsasaayos nito para manumbalik lamang sa dating kalagayan. Kailangang maunawaan sa pagharap sa buhay ang pamantayang nakapaloob dito. Kailangang ang bawa’t isa ay pinag-uukulan ng pantay na pagtingin upang walang makaligtaan at makagawa ng ikakapinsala sa iba. Maitutulad ito sa mga haligi ng lamesa na kapag nabali ang isa, tabingi at mabuway na ito.

Papaano mo magagawang patas at pantay-pantay ang apat na mga bolang ito sa iyong buhay?

Narito ang 21 mga paraan upang maharap ang mga ito: 

 Gamitin ang H U W A G na mga kalasag sa pagtahak sa tamang landas ng buhay

Halimbawa
     Ang pinakamabisang sermon ay ang iyong buhay. Nais mong magturo, ipakita mo ito.
Unawa
    Lahat ng bagay ay nagiging mahalaga kapag pinagtuunan natin ito ng pansin.
Wasto
    Kung nais mong maging matiwasay, dumoon ka sa tama. Kaunti lamang ang trapik dito.
Aralin
    Nais mong magtagumpay? Alamin kung ano, saan, at papaano ito magagawa.
Gising
    Marami ang tulog, natutulog, at nagtutulog-tulugan. Tumitig huwag tumingin.

1-Huwag maliitin ang iyong kakayahan sa pamamagitan ng pagkukumpara sa iba. Sapagkat bawa’t isa sa atin ay sadyang may pagkakaiba na may kanya-kanyang mga kaalaman at mga katangian. Lahat ay may sariling espesyal na pagkatao na makakatulong sa iba. 

2-Huwag isakatuparan ang iyong mga lunggati sa kung ano ang mga mahalagang kagustuhan ng iba. Ikaw lamang ang higit na nakakaalam sa iyong sarili kung ano ang mahalaga para sa iyo.

3-Huwag ipagwalang-bahala ang mga bagay na nagpapatibok sa iyong puso at laging laman ng iyong isipan. Yakapin at isulong ito sa abot nang iyong makakaya at kaalaman, sapagkat kung hindi mo ito gagawin ang iyong buhay ay walang saysay at patutunguhan.

4-Huwag pabayaan ang iyong buhay na palaging nakatuon sa nakaraan at maging sa hinaharap. Masiglang harapin ang bawa’t araw sa iyong buhay, at tamasahin ang lahat ng sandali.

5-Huwag sumuko hangga’t mayroon kang bagay na maibibigay. Walang tunay na katapusan hangga’t hindi ka tumitigil sa pagsubok.

6-Huwag matakot na tanggapin ang katotohanan na ikaw ay hindi perpektong tao. Nilikha ang lapis na may pambura sapagkat lahat tayo ay nagkakamali. At sa manipis at marupok na sinulid na ito, tayo ay nagkakabigkis upang maging ganap at matibay na lubid.

7-Huwag katakutan ang pakikipagsapalaran. Nasa mga paghamon at mga pagsubok lamang natin natutuhan ang maging magiting, matibay, at matatag.

8-Huwag magmadali sa buhay at makalimot sa iyong pinagdaanan, at maging kung saan ka patutungo. Ang lumalakad ng matulin, kung matinik ay malalim. 

9-Huwag sayangin ang iyong panahon sa mga hindi nakakaunawa at mga mangmang. Hindi nakakakilala ng ginto ang mga baboy, tatapakan lamang nila ito.

10-Huwag kalimutan na ang pangunahing pangangailangan ng bawa’t tao ay makadama na siya ay pinahahalagahan. 

11-Huwag maging mababaw at pabago-bago ng isip. Laging kapahamakan lamang ang ibubunga nito.

12-Huwag maghintay at aliwin ang sarili sa paglubog ng araw. Alalahaning ang iyong kabataan at mga pagkakataon sa buhay ay kasama sa pagdilim.

13-Huwag hayaan ang mumunting alitan ay wasakin ang dakilang pagkakaibigan.

14-Huwag dumaing kung maliit at mababa man ang iyong mga gawain. Mga pagsasanay lamang ito sa higit pang malaki at mataas na katungkulang naghihintay sa iyo.

15-Huwag talikuran ang paglilingkod sa kapwa. Ito ay higit na mainam kaysa makasarili at maramot.

16-Huwag iwasan na may matutuhan. Ang kaalaman ay walang katumbas. Kung magastos ito, higit pa ang kamangmangan.

17-Huwag gamitin ang panahon at mga salita nang padalos-dalos. Ang mga ito ay hindi na mababalikan o mababawi kailanman.

18-Huwag maglaro ng hindi sa iyo. Kung maglalaro din lamang, maglaro upang manalo. Kung walang katiyakan; magsanay, magsanay, at magsanay pa.

19-Huwag pansinin ang mga kritiko. Wala pang monumento at estatwa na ginawa para sa kanila.

20-Huwag sumuong sa mga bagay na hindi para sa iyo. Kung ikaw ay parisukat huwag ipagpilitan na pumasok sa bilog na butas.

21-Huwag iwasan o iwaglit man sa iyong buhay ang pagmamahal at sabihing mahirap itong magampanan. Ang pinakamadaling paraan upang magawa ito ay mahalin mo ang iyong sarili upang maipadama mo ito para sa iba. Kung wala kang pagmamahal, wala kang maibibigay.

Habang pinagdadaanan ko ang lahat ng aking nadarama at mga karanasan sa aking pagtahak sa landas na aking pinili --- ang kagalakan, pagkagulat, pagkainis, pagmamaliw, pangamba, pagmamahal, pagkasiphayo, pananalig, at maraming iba pa ---lagi kong gabay ang katanungan ito bilang tanglaw sa aking dinaraanan: “Ano ang sadyang kailangan ko sa ngayon upang maging masaya?” At laging pabalik-balik sa aking kaisipan na ang tanging mga katangian na malawak at malalim ay pag-ibig, relasyon, pang-unawa, pagdamay at pagmamalasakit na siyang tunay at wagas na makapagpapasaya sa akin, nang lubusang katiwasayan.


No comments:

Post a Comment