Pabatid Tanaw

Monday, July 11, 2011

Nasa Ating Saloobin Lamang

   Minsan sa isang ospital, habang nakaupo sa gilid ng kama ay hinalungkat ng babae ang kanyang bag at inilabas ang maliit na salamin. Minasdan nito ang nalalagas niyang buhok, sanhi ng isang mabigat na karamdaman. Dati-rati’y napakalago at hanggang balikat ito, ngayong umaga nang humarap siya sa salamin ay tatlong hibla ng buhok na lamang ang natira.

   “Oy, kamusta kayo ngayong umaga,” ang bati nito sa kanyang tatlong buhok, “Palagay ko, medyo kulutin ko lamang kayo at ipitin ng klip para hindi lumaylay, ay ayos na kayo.” At ito nga ang kanyang ginawa at naging masaya siya sa maghapon.

   Kinabukasan nang siya ay magising, kinuhang muli ang salamin at nakita niyang dalawa na lamang hibla ang natira.

  Hmmn, kamusta kayong dalawa?” Ang bati niya, “Maganda siguro hatiin ko kayo sa gitna, ilaylay ko sa kanan ang isa, at sa kaliwa naman ang isa, para maging maganda kayo.” At ito ang kaniyang ginawa, at muling naging masaya siya sa maghapon.

   Nang sumunod na araw nang siya ay magising, tumingin agad siya sa salamin at napansin niyang mag-isa na lamang na hiblang buhok ang nakakabit sa kanyang ulo.


   “Oy, nag-iisa ka na, kailangan mong maging maganda ngayon at espesyal na araw mo ito,” ang bigkas ng babae sa nag-iisang buhok. Kumakanta pa ito nang talian niya ng pulang laso ang buhok at ilawit ito sa gilid ng kanyang mukha. At talaga namang tuwang-tuwa siya at panay na hawak ang salamin at minamasdan ang sarili. Naroong itagilid ang mukha, ilayo ang salamin, at pagmasdan ang nakalawit na buhok. Anupa't laging nakangiti, pasayaw-sayaw,  at puno ng kagalakan siya sa buong araw.

   Kinabukasan pagkagising, mabilis siyang humarap sa salamin at nakita niyang wala ng kahit isa man lamang na buhok sa kanyang ulo.

   “Wow!” Ang pabigla niyang bati, “Wala na akong aasikasuhing buhok ngayong umaga. Hindi na ako maaabala pa sa iba ko pang mga gagawin!”

-------
Anumang kalagayan ang kinahaharap mo, matamis man o mapait, maging maunawain at malayang tanggapin ang bawa’t araw na dumaratal sa iyong buhay. Ang bawa’t araw ay may kanya-kanyang uri ng paghahandog. At nasa iyo kung papaano mo ito haharapin; may pag-asa o walang pag-asa, makipaglaban o magsawalang kibo, maging matiwasay o maging masalimuot, kasayahan o kalungkutan, kaligayahan o kapighatian. Hawak mo ang tanging kapasiyahan, at ikaw ang masusunod para sa iyong sarili.
   At maging sa mga taong iyong nasasalubong sa landas ng buhay, lahat sila’y may iba’t-ibang uri din ng mga pakikibaka at nais ding harapin ang araw na inihandog sa kanila.
   Ang buhay ay hindi yaong hinihintay mo ang mga daluyong ng bagyo na makaraan. Ito ay ang pag-aralan na umawit at sumayaw sa mga haplit at bumubugsong ulan.

Pakli nga ng kaibigan kong Amerikano, If life gives you lemons, make lemonade!”

 Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment