Pabatid Tanaw

Monday, July 11, 2011

Tatlong Susi ng Buhay


   Tungkol ito sa tatlong magkababata na taga Kupang sa lungsod ng Balanga, sa Bataan. Araw ng kapistahan dito at nagkataon na nagkita-kita silang tatlo; masayang batian, kamustahan, at kwentuhan sa kanilang mga naging karanasan at buhay nila bilang mga OFW (Overseas Foreign Workers). Ang isa ay enhinyero at galing ng Saudi Arabia, ang isa ay arkitekto mula sa Australya, at ang pangatlo ay doktor naman sa Amerika. Masaya at pawang tawanan, at mga makabuluhang paksa ang namagitan sa kanila. Hanggang mapag-usapan nila na mamasyal sa lungsod ng Makati, tulad nang nakagawian nila noong sila’y mga nag-aaral pa sa magkakaibang kolehiyo sa Maynila.

   Nagmungkahi ang isa na tumuloy sila sa isang pinakamataas na hotel; at sa pinakatuktok na palapag sila kumuha ng silid na mauupahan, upang mapagmasdan ang buong kapaligiran. Sinang-ayunan naman ito ng dalawa, dahil matagal ng panahon ding hindi nila nakikita ang Kalakhang Maynila. Ilang araw na lamang ang natitira sa kanilang mga bakasyon at nararapat lamang na gamitin nilang lahat ang mahahalagang sandali upang magkasama.

   Susog ng isa, “Magdadala ako ng video camera upang makunan ko ang buong tanawin mula sa roof deck!” 

   Tama!” Ang saklit ng isa, “Sa ganitong paraan makikita natin ang buong kabubuan sa palibot ng Makati!”

   “Okey ‘yan,” ang pagsang-ayon naman ng pangatlo, “tatawag na ako ngayon sa hotel upang magpa-book para sa ating tatlo.” At ito nga ang nangyari, ilang araw lamang ang nakalipas ay nagkita-kita ang tatlo sa lobby ng napagkasunduang pinakamataas na hotel sa lungsod ng Makati.

   Kaya lamang nang nagpapalista sila ay may brownout at sira pa ang generator nito. “Pasensiya na po sa inyo.” Ang tangi na lamang nabigkas ng nahihiyang kawani ng hotel sa kanila.

  “Papaano ‘yan, ang hirap pa namang makakuha ng paparadahan sa paligid ng hotel, puno pa naman ang kanilang garahe. At mataas pa ang baha sa mga daan at walang tigil ang pag-ulan sa labas.” Ang pag-aalalang nasambit ng isa sa kanila.

   “Dito na lamang tayo, mahirap na ang humanap pa ng ibang matutuluyan, magagahol tayo sa oras ng pamamasyal!” Ang amuki ng isa na iiling-iling.

    Kaya nagsimula na silang akyatin sa hagdanan ang tatlumpo’t pitong palapag ng hotel. “Hamakin mo, 37 na palapag ang ating sasalungahin, ang mabuti pa’y habang umaakyat ay magkwentuhan tayo ng mga katatawanan.” Ang mungkahi ng isa na pahinto-hinto at kumakapit sa barandilya ng hagdanan. 

   Sige," ako ang magsisimula,” ang pangunguna ng katabi na humihingal na rin. At nagpatuloy ang mabagal at humahagok sa hirap na pag-akyat nila, na sinasalitan ng mga patawang kwentuhan para maibsan ang kanilang matinding kapaguran.

   “Hinto muna tayo at magpahinga!” Ang pag-uutos ng pangatlo na humihingal sa pagod, pawisan at mabilis na hinahabol ang paghinga habang nangungunyapit na mahigpit sa barandilya ng hagdanan, nang makarating sila sa ika dalawampu’t apat na palapag.

   Nagpatuloy pa ang manaka-naka at mabagal na pag-akyat, na may kwentuhan, tawanan, maraming pagpapahid ng pawis, at pahinga ang kanilang ginawa hanggang marating nila, na matinding humahagok ang mga hininga, at lupaypay sa pagod, ang nakalaang silid sa ika 37 na palapag. Subalit nang nakaharap na sila sa pintuan ng silid, ang isa na nasa gilid ng pinto ay biglang napaurong, mistulang pinagsakloban ng langit at lupa ang nakamulagat na mukha nito. At biglang pumalahaw ng nakalulunos na sigaw.

   “Mahabaging Langit!” At bigla itong pumihit at nagtatawa, walang hintong pagtawa, hanggang sa mapaupo ito sa tinatapakang carpet, at sumandal na lamang sa dingding.

   Bakit?” “Bakit?” Ang magkakasunod at magkatulad ng mga tanong ng nagitla at nababahala niyang dalawang kasama.

   “Naiwan ko ang susi sa lobby!” Ang tumatawa at maluha-luhang tugon nito at napasalampak sa carpet. Inuuntog ang ulo sa dingding.

   Kakamot-kamot sa ulo at pailing-iling na mahinang nagsalita ang isa, nakadilat na bahagya ang mga mata na parang inaantok, tumatagaktak ang pawis sa noo, at hinahabol ang paghinga.

“Wala . . .pa namang . . .telepono dito, ... at lahat . . .ng ating . . .(hingal)  mga cell phones . . .ay . . .nasa ating . . .mga . ..bag,    (hingal pa). . . at hindi pa,   wala pa,  (at hingal pa). . . pa rin  . . . na  inaakyat . . . dito, ‘susmaryosep …na mga bag,  natinnn. .n .n.” Ang patapos at paos nitong nasambit.

Sumalampak na rin sa sahig ang pangatlo, nahiga sa carpet, at maya-maya’y naghihilik na ito.

Ganoon lamang.
 Ang nangyari sa tatlong magkakaibigan; sa kanilang maikling pakikipagsapalaran sa tunay na buhay na laging nagaganap sa Kalakhang Maynila, na sakop ng isang bansa, na kung tawagin ay Pilipinas.

-------
Sa ating pakikibaka sa buhay; naihahalintulad natin sa ating pagharap dito, na mistulang nawalan ng susi at wala ng pag-asa pa. Gayong ang mga kahulugan nito; tagumpay, seguridad, kapayapaan, pagmamahal, at kaligayahan ay nasa ating mga kalooban lamang. Subali’t pinagpipilitan natin na hanapin ito sa ibang mga pook, sa mga hilaw na dekorasyon at karangyaan, sa mga papuri at palakpakan, sa mga aliwan na panandaliang nagpapasaya sa atin, at sa mga nabibili sa kislap ng salapi. Ibinibilanggo natin ang ating mga buhay sa mga hindi nakikitang mga rehas na bakal na nagsisilbing mga kulungan natin. At kadalas’y ang bumunghalit ng panghihinayang na, Kung hawak ko lamang ang susi sa lahat ng ito’y . . . disin sana’y maligaya na ako ngayon!”

   “Bakit nga ba hindi?”

   Narito ang tatlong susi sa hinahanap na makabuluhan, tagumpay, katiyakan, kapayapaan, at ang pinakamimithi sa lahat; ang kaligayahan na walang hanggan.

Unang susi: Tanggaping maluwag sa iyong puso at unawain na ang araw na ito, na inihandog sa iyo ng tadhana ay itinakda para sa iyo. Hindi ito ipagkakaloob sa iyo kung wala kang sapat na kakayahan. Isa itong paghamon upang maging matibay ka at matatag sa maraming pang pagsubok na darating, upang ang higit na malaking gantimpala na sadyang nakaukol sa iyo ay iyong makamtan at pagyamanin.
   Kung sa malilit pa lamang na problema ay sumusuko ka na at nawawalan ng pag-asa, papaano kaya kung malaki na? Papaano mo mapaghahandaan at makakamit ang iyong dakilang handog na nakatakda para sa iyo, kung wala kang sapat na karanasan para dito?

Ikaw ay nilikha at lumitaw sa daigdig na ito upang gampanan ang dakilang layunin mong ito.

Pangalawang susi: Maging mapagkumbaba at laging isaisip sa tuwina ang mga makabuluhang gawain at bukas sa pusong makapaglingkod sa kapwa. Kung patuloy na nangingibabaw ang mga ito sa iyong kaisipan wala ka ng panahon na mag-alala pa, sa mga walang saysay na mga bagay at matakot o mabagabag sa mga suliraning umaagaw ng iyong pansin.

Pangatlong susi: Kapag ang kaligayahan ay laging nasa iyo, magagawa mong magpaligaya sa iba. Lalong higit doon sa iyong mga mahal sa buhay na laging nasa iyong tabi. Ang susi lamang upang maging maligaya ay magkaloob ng kaligayahan sa iba --- kaninuman, saanman, at anumang panahon sa lahat ng sandali.
   Kung wala kang ipinadaramang kaligayahan para sa iyong sarili ay magiging maramot ka at makasarili. Hindi mo maaaring ibigay ang wala sa iyo. At kailanman ay hindi ka magtatagumpay, hangga’t batbat ka ng mga kabiguan at mga kasiphayuan. Dahil kapag hindi ka masaya, hindi ka makapag-papasaya. At ang kalungkutang ito ang magpapahina sa iyo na mawalan ng pag-asa pa, at wala kang magagawang makabuluhang pagbabago sa iyong buhay. Nasa kaibuturan lamang ng iyong puso ang lahat ng mga kasagutan para dito. Hanapin, alamin, pag-aralan, at pakilusin ang mga nakatagong katangian na ito at maglingkod para sa iyong kapwa. Ito ang magpapasaya sa iyo, at kung ikaw ay laging nasisiyahan, malalasap mo ang dating mailap na kaligayahan. At magawang manatili ito sa iyong buhay. Ito ang tangi at nakatakdang kaligayahan na nakaukol para sa iyo.

Ang tatlong susi na ito ay huwag itago, iwasan, o iwaglit man kahit sa isang saglit lamang. Pag-aralan itong gamitin --- sa araw-araw ng iyong buhay ---ang mga ito ang magbubukas ng mahalaga at kamangha-manghang mga handog na naghihintay lamang sa bawa’t sulok ng iyong kapaligiran, at sa mga taong ipinapadala sa iyo sa tuwina --- upang gisingin ka.

Ang tanging kapasiyahan lamang ay simulan nang gamitin ang mga ito.

Ano pa ang hinihintay mo? Aba’y kumilos ka na at tanggapin ang iyong nakatakdang gantimpala!


No comments:

Post a Comment