Pabatid Tanaw

Sunday, July 10, 2011

Kawalan ng Pag-asa

Dumalo! Mga Bagong Kapangyarihan Para sa Inyo
   Nagkakagulo sa impiyerno, abalang-abala si Satanas sa pagpapaliwanang sa mga nagdadatingang mga kampon niyang diablo mula sa iba’t-ibang panig ng buong sansinukob, ito’y tungkol sa karagdagang mga kapangyarihan na ipagkakaloob niya sa araw na ito. Ang mga kapangyarihan ay may kanya-kanyang naglalakihang apoy, ang iba pa’y sumasagitsit na tulad ng lumilipad na kuwitis, ang iba naman ay patuloy ang pagkulo ng asupre na may maraming kulay ang umaalimbukay na usok. Anupa’t lahat ay di-magkamayaw sa ingay ng kanilang mga katuwaan, mga ungulan, mga halakhak, at mga sigawan sa isa’t-isa. Galak na galak ang punong demonyo na si Satanas sa kinauupuang trono nito, habang hinihimas ang kanyang mahabang buntot na may sima. 

   Ipinaliwanag ni Satanas na umaabot na sa 7 bilyon ang bilang ng mga tao sa daigdig at kailangang pag-ibayuhin ang pagpapalagananp ng mga kasamaan, kabuktutan, at mga kapighatian sa lahat ng tao. Buong lakas na nagsigawan sa tuwa ang lahat, itinataas pa ang kanilang mga sibat na may tatlong panusok na may sima sa dulo ng mga ito, at malakas na ibinabagsak ang puluhan sa sahig upang lalong mag-ingay. Maya-maya‘y biglang tumayo si Satanas at sumasabog ang laway na sumigaw, Simulan na ang pagtanggap ng mga bagong kapangyarihan! Kunin na ninyong lahat ang bawa't na maibigan sa nakahilerang mga kapangyarihan. Para sa inyong lahat ang mga iyan!"

   Unahan ang mga ito sa pagsagpang ng mga kumukulong asupre, nag-uungulan, at umaalulong na tila mga asong ulol sa kagalakan. Marami ang mga pinagpipilian at halos lahat ay sinasagpang; may asupre ng Pagkasuklam, Panibugho, Pagka-inggit, Pandaraya, Paninira, Pagsasamantala, Pagsisinungaling, Pakikiapid, Pagnanakaw, Pagpatay, Kapalaluan, Pamimintas, Panunulsol, Pang-uuto, Pang-aalipin, Pandaraya, atbp. Lahat ng maaaring sumira at umalipin sa kaisipan ng tao ay dinagdagan ang kamandag at taglay nitong lason upang lalong makapangwasak ng katinuan ng isip.

   Hanggang sa matira na lamang ang isang maliit at mausok na asupre, na natatabingan ng maraming naglalakihang tinik at matatalas na patalim, subalit higit na matindi ang init nito na sumagitsit dito. Sumisingasing at nagliliyab ang mga mata na nag-anasan ang mga diablo sa natirang asupre. Lahat ay nagtatanong kung ano ang naiibang kapighatian na dulot nito. Umigpaw si Satanas mula sa trono at pagsayad ng mga paa sa sahig ay sumigaw, Iyan ang Kawalan ng Pag-asa! Iyan ang pinaka-mabisa at pangunahing kong sandata laban sa mga tao na nais kong maging kampon ng kasamaan sa daigdig!” Ang dumadagundong nitong nag-aalburutong pahayag.

   “Iyan ang aking pinakasusi upang mabuksan ang kanilang mga puso at maipasok ko ang kapighatian. Ako lamang ang mayroong kapangyarihan na tulad nito kaysa inyo. Sapagkat ako ang lumilikha ng mga kabuktutan at kasamaan sa buong sansinukob! Kayo lamang na mga diablo ang aking pinagbabantay at tagapagtaguyod ng mga kapangyarihang idinagdag ko ngayon sa inyo. Ito ay upang hindi makawala ito at patuloy na manatili sa puso ng mga sakim at buktot na mga tao. Kapag nagawa kong mawalan ng pag-asa ang isang tao, sunod-sunuran na ito sa ating mga kapangyarihan. Magagawa na nating maging kampon din sila sa paglikha ng ibayo pang mga kasawian at kapighatian para sa lahat!” Ang sumisingasing at malakas na atungal ni Satanas

   Lalong naglalagablab na nagsigawan at naulol sa kasiyahan ang mga kampon ni Satanas. Lahat ay sabay-sabay na naghihiyawan, “Alisan ang mga tao ng pag-asa!”  “Alisan ang mga tao ng pag-asa!” Alisan ang mga tao ng pag-asa!”
 
At dahil dito, marami ang nawawalan ng kanilang pag-asa, at ang mga kabuktutan at mga kapighatian ay nagpapatuloy pa magpahanggang ngayon sa ating daigdig.

Ikaw, may natitira ka pa bang pag-asa sa iyong puso?

No comments:

Post a Comment