Pabatid Tanaw

Wednesday, July 13, 2011

Mabisang mga Aral


Ang mga liko-likong landas na bihirang tahakin kadalasa’y maraming hadlang, masusukal, maraming tinik, at nakakatakot. Subalit ito lamang ang landas kung saan ang iyong tunay na pagkatao ay higit na masusubukan --- dito mapapatunayan kung karapatdapat ka sa nakalaang gantimpala; ang iyong hinahangad na tagumpay at kaligayahan sa iyong buhay.



Alamin hangga’t maaga ang iyong kinalulugdang gawain 
at ibayong pagtuunan ito. 
Maligaya ka na kumikita ka pa.

Huwag matakot at maging magiting na sumubok. 
Magtungo kung saan walang katiyakan. 
Umalis sa iyong nakasanayang ginhawa,
kahit na mahihirapan sa gagawin.

Ang paraan upang maging masaya sa tuwina ay mahalin mo ang iyong sarili, 
at magagawa mong mahalin lamang ang iyong sarili,
kapag nakakagawa ka ng mga bagay na tahasang 
ipagmamalaki mo.

Kapag may nagtanong sa bagay na ayaw mong sagutin, 
ngitian ito at tugunin din ng kapwa tanong, 
“Bakit nais mong malaman?”

Sundin ang mga katotohanan. 
Dahil ito lamang ang makapagliligtas sa iyo.




Alamin at tanggapin ang sariling kalakasan
at kahinaan. Anuman ang iyong gawin, 
maging tama o mali man ito, 
mayroon pa ring hindi masisiyahan 
at pupunahin ito.

May mga pagkakataon na ligtas at tiyak sa pananatili sa isang gawain, 
subalit kapag may bagabag ito
ay nagiging patibong upang hindi ka na makaalis pa.

Huwag padadala sa mga tuligsa at paninisi. 
Gawin itong tuntungan at paunlarin ang sarili. 
Ito lamang ang paraan nang ikaw ay makaganti.

Anumang gumigiyagis sa iyong kaisipan 
ay pinalalabo ang iyong paningin, 
supilin ito ng ibayong pananalig 
at pagtitiwala sa iyong kakayahan. 
At ang kapayapaan ay mananatili sa iyo.

Iwasan at iwaglit ang mga pamumuna, 
pamimintas, at paninisi. 
Winawasak nito ang iyong kasiglahan . . .
upang mawalan ng pag-asa na magpatuloy pa.

Sa buhay; kailangang pahalagahan ang bawa’t sandali, dahil kapag ito’y lumipas na, anumang yaman ang mayroon ka, 
hindi mo na ito mababalikan pa.


No comments:

Post a Comment