Pabatid Tanaw

Wednesday, July 13, 2011

Lihim ng Kaligayahan

AKO lamang at wala ng iba pa.
   May isang napakayaman at matagumpay na tao sa lungsod ng Balanga. May-ari ito ng malalawak na lupain, mga taniman, mga paupahang bahay, at halos lahat ng negosyo sa lungsod na ito ay sa kanya, at kung hindi naman ay kasosyo siya. Mayroon itong malaking mansiyon na malapit sa ilog Talisay sa Barangay Kupang, at maraming kasambahay na may kanya-kanyang tungkulin sa pag-aasikaso sa kanya. Marami itong salapi na kayang bilhin ang bawa't kanyang maibigan, at siya’y hinahangaan at ipinagmamalaki sa kanyang mga pagkakawanggawa. Ngunit sa kabila ng magandang kapalarang ito, may laging bumabalisa sa kanya at nananatili pa rin siyang malungkot. 

   Patuloy ang mga bagabag at maraming gabing hindi siya makatulog. Malimit siyang naa-alimpungatan mula sa pagkakahimbing, pinagpapawisan, at laging napapatulala. Mayroon siyang hinahanap at napagkuro niyang, hindi siya maligaya.

   Hanggang isang araw, may nakapagbalita sa kanya tungkol sa isang nakatagong templo sa pinakaliblib na kagubatan ng isa sa maraming bundok sa lalawigan ng Bataan. Bihira ang nakakaalam nito, at ayon sa kanyang nalaman mayroon itong isang pambihirang silid na maraming makukulay na dekorasyon at napakaganda. Sa pinakagitna nito; ay may isang altar na tinatabingan ng malasutlang seda na kurtina, na may makikinang na burda sa buong palibot nito. At kung hahawiin ito, matatagpuan mo ang lihim ng kaligayahang minimithi mo. Anupa’t lalong nasabik siya; nagmamadaling gumayak at inayos ang lahat ng kakailanganin, salapi, mga tao at mga kagamitan, at sinimulang hanapin ang nakatagong templo. 

   Marami ding taon nang paglalakbay, paghahanap, pagsuyod, at paggalugad sa lahat ng mga kagubatan ng maraming bundok sa Bataan, hanggang umabot siya sa tuktok ng pinakamataas na bundok ng Mariveles. Sa isang nakakubli at natatanging pook nito, ay may mga dambuhalang puno ng mga akasya, narra, at mulabi na nakapalibot dito, at mga hardin ng malalagong halamanan na may naggagandahang sari-saring makukulay na bulaklak, sa pinakagitna nito ay naroon ang kulay gintong templo na parang matagal nang naghihintay at nag-aanyaya  sa kanya.

   Matapos ang maraming taong paghihirap, at halos maubos ang kanyang mga salapi at mga ari-arian, sa maraming taong tumulong sa kanya, alam niya na balewala lahat ang mga paghihirap na ito sa gantimpalang kanyang matatanggap sa araw na ito. Sa wakas, makakamtan na rin niya ang lihim ng kaligayahan

   Sa matinding kagalakang nadarama, ay napaluhod ito at dumalangin ng taos-pusong pasasalamat. At matapos ito’y nagkukumahog na tumakbong papalapit sa templo, at pagdating sa pintuan ay mabilis na kumatok. “Tao po, tao po. Magandang hapon po sa inyo!” Ang kagyat niyang kasabikang bulalas.

   Maya-maya pa’y isang isang nakangiting matandang pantas ang lumabas at inanyayahan siyang pumasok sa loob. Ipinagtapat niya ang kanyang taimtim na hangarin at masidhing paghahanap sa maraming taon. Na kanyang kinalimutan at tinalikdan ang mga karangyaan at mga libangan upang mapagtuunan ng ibayong panahon ang paghahanap sa nakatagong templo. Ang kanyang malaking kayamanan na ginugol dito, at maraming taong kanyang kinatulong, upang matagpuan lamang ito. At ngayong narito na siya, nais niyang makapasok sa pambihirang silid upang makamit ang lihim ng kaligayahan.

   Nakangiti, at tahimik na tumatango-tango lamang ang matandang pantas sa lahat nang narinig, at kapagkuwa’y sinamahan siya na umakyat sa hagdanang patungo sa silid. Inakyat niya ito na naginginig ang kanyang mga tuhod sa matinding pananabik, pandalas ang lunok sa lanyang lalamunan, at napapaluhod sa pagmamadali. At pagharap sa pintuan ay halos hindi humihinga at nanginginig ang kamay na dahan-dahan niyang binuksan ang pinto. Halos himatayin ito sa tuwa sa naghahari niyang pananabik.

   Tamang lahat ang inpormasyong natanggap niya; isang pambihirang silid ito na maraming makukulay na dekorasyon at napakaganda. Sa pinakagitna nito ay may isang altar na tinatabingan ng kurtinang malasutlang seda na may makikinang na burda sa buong palibot at mga gilid nito. Muling nagkasunod-sunod ang kanyang lunok sa lalamunan niya sa matinding pananabik. Marahan siyang lumapit sa altar, hihinga-hinga, nag-antanda, at nanginginig ang tuhod at mga kamay na unti-unting hinawi ang kurtina ng malasutlang seda na tumatabing sa lihim ng kaligayahan.

   At bigla siyang napamulagat, nanlaki ang mga mata, at napanganga sa natunghayan. Nakita niya at nakamasid sa kanya, ang kanyang sarili. Napamaang at hindi makapagsalita siya sa ilang sandali. Nakaharap siya sa isang malinaw na malaking salamin. Nagtataka siyang napakamot sa batok niya, inaapuhap at pinaglilimi kung anong ibig ipakahulugan nito. Nang bigla siyang tumawa ng malakas, “Ako pala ang lihim ng kaligayahan, ako din pala ang lulunas sa mga kapighatian ko, ang aking  isip, katawan, at kaluluwa ko . . . ako pala ang dahilan ng lahat,  . . . Nasa akin lamang, . . .AKO lamang at wala ng iba pa.”

-------
Panahon na upang ating maunawaan at tanggapin na ang kaligayahang ating hinahanap ay nasa ating kalooban lamang. Ang kaligayahan ay narito at kailangan lamang na damahin upang maipadama. Tayo ang pumipili at nagpapasiya kung anong damdamin ang ating ipadarama sa kapaligiran, sa mga bagay, sa mga taong ating karelasyon at malalapit sa ating puso. Anumang damdamin ang ating ipinapakita ay siya rin nating natatanggap. Nasa ating kapangyarihan ang kapasiyahang pumili kung ano ang magpapasaya at magpapalungkot sa atin. Anumang bagay sa ating harapan ay nagkakaroon lamang ng kahulugan sa pamamagitan ng ating kakayahan sa ipapangalan, ipapadama, at ipapakahulugan para rito.
   Tayo ang lumilikha ng ating sariling daigdig ayon sa ating pangmalas at nais ipakahulugan dito. Kung may suot tayong salamin sa mata, ang ating nakikita ay ayon sa taas o baba ng grado nito. Walang kinalaman ang suot na salamin, ang may suot ang may kagagawan sa kanyang pinagmamasdan. Ang ating kaisipan ang lumilikha ng kaganapan nang ating nakikita. Ang daigdig ay daigdig, ang araw ay araw, ang gabi ay gabi. Subalit nagkakaroon lamang ito ng kahalagahan sa uri ng ating ipapahalaga sa mga ito.
   Masdan muli ang sarili sa salamin, sumimangot, ngumiti, ikunot ang noo, ngumiwi, palakihin ang mga mata, ngumuso, ibuka ang bibig, umiling at tumango, lahat ng ito’y susundin ng taong repleksiyon sa salamin. At sa mga taong kaharap mo at kinakausap, kapag ginagawa mo ang itsurang ito ng iyong mukha, ito ang mga inpormasyong ipinapahayag mo sa kausap. At ito rin ang kanilang nadarama sa kanilang mga puso. Sinusuklian lamang nila sa iyo ang iyong mga ipinapakita.
   Hindi ba may katotohanan na: Igalang mo ang iyong sarili at ikaw ay igagalang din ng iba. Magtanim ka ng mabuti, at mabuti ang aanihin mo. Pabaya ka sa buhay, pabaya din ang tadhana sa iyo. Wala kang hilig sa pag-aaral, kamangmangan ang sasaiyo. Katangahan ang ipinapasok sa kaisipan mo, pawang katangahan ang mga gagawin mo. Manood ka sa telebisyon nang walang katuturan, ang buhay mo ay magbubunga ng walang katuturan din. Kailanman, hindi nagbunga ang manga ng santol. Kung ano ang iyong itinanim siya mo ring aanihin.

   Muling tignan ang sarili sa salamin at kausapin ito, “Ikaw, ano ang iyong ginawa at patuloy na ginagawa sa iyong buhay, Maligaya ka ba ngayon?

   Nawa’y pawang oo, ang naging sagot mo.

   Harinawa.

No comments:

Post a Comment