Pabatid Tanaw

Thursday, July 21, 2011

Ang Mabisang Panghalina

   Isang pangkat ng mga diablo ni Satanas ang nagpupumilit na makapasok sa kaluluwa ng isang banal at Obispo sa isang lalawigan ng Pilipinas. Nag-udyok sila ng maraming mga bata at magagandang dalaga, masasarap na pagkain, kahusayan sa pandaraya sa sugal, magagarang damit, subalit lahat ng mga ito’y nawalan ng saysay. Hindi pa rin nila mahalina at maigumon sa masamang bisyo ang masunuring Obispo.

  Isang araw, naparaan si Satanas sa Pilipinas upang higit na palakasin ang kanyang kapangyarihan sa mga alagad ng simbahan, at lalong pag-ibayuhin ang mga paghahasik ng kahirapan at kalagiman sa ating bansa. Napansin niya na walang bisa at epektong magawa, ang mga kampon niyang isinugo para maging kapanalig ang Obispo sa kasamaan.

  “Mga gunggong kayo!” Ang atungal nito sa mga sumisingasing at nakaluhod na mga kampon. “Bakit hindi ninyo gamitin ang itinuro ko sa inyong mabisang panghalina?”

   “Isa itong taktika na sinumang umaarteng banal at nagkukunwaring alagad ng katotohanan ay hindi makatatanggi dito. Mga bulaang propeta ang mga iyan, pawang makamundo at pagpapayaman lamang ang kanilang inaatupag sa kanilang mga simbahan!”

    Sa panghalinang ito, magsisiluhod ang mga iyan sa atin! Ang pagmamalaking alulong ni Satanas. At naghagikgikang kasabay nang nakakangilong pag-alulong ng mga kampon.

  Nag-uunahan ang mga ito na pinuntahan agad ang Obispo, at nagsisiksikan na mabilis na binulungan agad ito.

  Natatandaan mo ba ang pari na naging estudyante mo noon? Ginawa siyang pinakapunong Obispo  sa Butuan, natulungan niya ang dating Pangulo sa halalan kaya ito ay nanalo. At noong kaarawan naman niya, ay nakahingi siya ng bagong Mitsubishi Montero, bilang pabuya sa kanyang katapatan. Siya ngayon ang kumakalaban at nagpupumilit na umalis na sa pagka-Pangulo si Pnoy dahil wala daw itong kakayahan sa pamamahala ng bansa.”

   Napamulagat ang Obispo at biglang sumilay ang matinding galit sa kanyang mukha, at tumitilamsik ang laway sa pagmumura. “Lintik! Mga p-i nila, ako ay nagtitis lamang sa kakarag-karag na dyip, samantalang siya ay pamonte-Montero pa! Pweh! Hindi maaari ito, p-i niya! Magpo-protesta ako sa CBCP! Sila lamang ba ang may karapatan at ako’y wala!” Ang panggagalaiting hiyaw ng obispo sa pagkainggit.

  Naghiyawan sa matinding tuwa ang mga diablo. Ito lamang pala ang paraan upang mapagalit ang Obispo. Ang inggitin at palakasin ang kanyang panibugho sa ibang katulad niya.

  “Sa susunod, gamitin ninyo ang mabisang panghalinang ito, ang panibugho. Dahil malaki ang pagkainggit nila sa isa’t-isa. Sila ang mga makabagong Cain na ating mga tunay na alagad!” Ang naglalaway na bunghalit at atungal ni Satanas.

  At ito nga nangyari sa ating sawing bayan, nag-unahan na magkaroon ng mga sariling sasakyan ang anim pang mga Obispo. Lahat sila’y nabiyayaan ng pondo mula sa PCSO na nakalaan lamang para sa pagpapagamot at kagalingan ng mga mahihirap nating mga kababayan.

   Kaya huwag pagtakhan ang mga nakapaskel sa mga gilid ng daan sa ating mga kabayanan;
                    Nissan Sa-pari,   Mitsu-bishop Montero,  Toyota Pari-use 

-------
Ang mga tao ay makakaiwas at makakatanggi sa halos lahat ng mga bagay, datapwa’t lalagi silang mapanibughuin, mainggitin, at ayaw palalamang sa mga tagumpay at kasikatan ng kanyang kapwa.
   Hangga’t umiiral ang mga ganitong kasamaan sa ating mga puso, walang tayong makakamtang katiwasayan at kaligayahan sa ating lipunan.

   Kailanma’y huwag kasuklaman ang mga taong naninibugho sa iyo, bagkus igalang ang kanilang mga panibugho sapagkat sila ang mga nag-iisip na ikaw ay nakahihigit sa kanila. Dahil nagpupumilit silang mamayagpag at mangingibabaw sa iyo.
  
   Ang buhay ay maitutulad sa isang malawak na lansangan at mayroon itong mga karatulang nakasampay sa magkabilang gilid. Sakaliman na ikaw ay naglalakbay sa mga baku-bakong pook at mga liku-likong landas, umiwas at tumakas sa mga karatula ng mga Pagka-suklam, mga Karahasan, mga Kabuktutan, at higit pa sa mga Panibugho. Sapagkat ang Panibugho ang siyang pangunahing dahilan sa mga naghaharing kalagiman sa atin.
   Isaayos ang iyong pananaw at humarap sa katotohanan. Maging gising sa tuwina at mabuhay ng mapayapa at maligaya.

No comments:

Post a Comment