Pabatid Tanaw

Wednesday, July 20, 2011

Ano ang Kahulugan ng Salapi?


Ang salapi ay sagisag ng pagiging malaya.

Papaano ba natin mapapalaya ang isang tao?
   Hindi natin siya mapapalaya kung nakabilanggo siya sa kahirapan. Wala siyang kalayaan na makuha ang anumang maibigan niya. Kung nakalugmok siya at tinanggap na lamang ang kapalaran na kanyang kinasadlakan. Kung wala na siyang pag-asa na baguhin pa ang kanyang kalagayan, hindi siya malaya. Maging ang edukasyon na makapagdidilat sa kanyang mga mata upang makaahon sa kasiphayuan ay mananatiling pangarap lamang dahil sa mga paniniwalang ito.

   Magkakaroon lamang ng pagbabago, kung siya mismo ang gagawa ng masidhing paghahangad para sa kanyang sariling pag-unlad. Maitutulad natin ito sa isang tao na nasa disyerto at nauulol na sa matinding pagkauhaw. Ang taong ito ay magiging malaya lamang kung maituturo sa kanya ang kahulugan ng pagkauhaw, at kung papaano tatahakin ang landas patungo sa batis, na kung saan matitighaw ang kanyang kauhawan. Ito lamang ang makagigising sa kanya upang magsagawa ng masidhing pagkilos na makapagpapalaya sa kanya.


   Ang lahat ng mga ito’y nakapaloob sa isang mahalagang bagay na susi upang maging malaya: SALAPI

Ang salapi ay kalayaan. Kung mayroon ka nito, malaya kang makukuha anumang ibigin mo. Kung wala ka naman nito, talo mo pa ang nakabilanggo, dahil wala kang kalayaan sa anumang hinahangad mo at magkaroon ng maraming mga pagkakataon sa buhay.

   Malaki ang ginagampanang papel ng salapi sa ating buhay. Ito ang nagpapainog na maging masaya at maligaya tayo. Kung wala kang salapi, pawang kalungkutan at kapighatian ang sasaiyo. Sapagkat wala kang maibibigay, maitutulong, at sapat na kakayahan, kung wala ito sa iyo. Mananatili ka sa pagpapasensiya, karamutan, umasam-asam at patingin-tingin sa mayroon, at ibayong pagtitiis sa habang buhay.

   Ang kahulugan ng salapi ay higit pa sa pera, barya, papel, at plastik. Isa itong kagamitan upang makamit bilang kapalit ang kalakal o ipinagbibiling mga bagay at serbisyo. Ang salapi ay nakaugnay sa samut-saring mga emosyon, mga saloobin, at pananaw sa buhay. Bawa’t isa sa atin ay may kanya-kanyang pamamaraan kung papaano ito ginagamit. At ito ang kumakatawan, nagpapabago, at gumagabay sa kung anong uri at kalagayang ginagalawan natin sa ating lipunan.

   Ang salapi ay kagamitan sa nais mong makamtan, at anumang ninanasa mo, subalit hindi ito ang mangunguna at susundin mo. Ibibigay nito ang hinahangad mong kasiyahan, subalit hindi nito maipagkakaloob ang kaligayahan na hinahanap ng iyong puso. Bangungot ito sa mga taong naghahangad na baligtarin ang batas ng kaganapan---mga taong tinutuklas na palitan ang katotohanan sa pamamagitan ng mga bagay na mabibili ng salapi.
Ugat ng Kasamaan
    Walang katotohanan na “Ang salapi ay ugat ng kasamaan.” Ginagamit lamang ito ng simbahan upang ibigay mo ito sa kanila at magamit daw para sa serbisyo ng kalangitan. At maging sa mga taong palaasa, palahingi, at ayaw magtrabaho, ay  kinaiinisan nila ang salapi. Sapagkat kaakibat nito ang mga paggawa, pagtitiis, kapaguran, at sakripisyo. Kung ayaw mong gawin ang mga ito, ituturing mo ang salapi ay masama. Kapag nakatagpo ka ng ganitong mga uri ng tao, iwasan sila at kumaripas ng takbo. Ituring silang ketongin at nakakahawa. Kawangis nila ay mga magnanakaw na sasakmal sa iyo sa anumang sandali upang makuha ang anumang salaping nasa iyo.

   Hangga’t ang mga tao ay nabubuhay na magkakasama at may mga pangangailangan sa isa’t-isa---ang salapi ay mahalaga. Ito ang barometro kung anong uri at kahalagahan ng isang lipunan. Kung ang lipunang ito’y pinamamahalaan ng naghaharing-uri na masalapi, at hindi ng nakararami na walang salapi, kung ang mamamayan ay walang karapatan at kailangan lagi ang pahintulot mula sa nakakataas at makapangyarihan, kumikilos lamang ang salapi para sa mga mayayaman, na nagpapayaman sa pagnanakaw at pagsasamantala. Ang mga batas ay may kinikilingan batay sa salapi, mga kurapsiyon na ginagantimpalaan ng salapi, mga alagad ng simbahan na nakikiisa at humuhuthot sa salapi ng bayan, tumutulong sa mga kabuktutan, ang lipunang tulad nito ay nakalugmok sa matinding kapighatian. 

   Kapag ang isang lipunan ay nababalot ng mga kabuktutan, walang hintong mga karahasan, at mga kalagiman, nangangahulugan lamang ito na wala ng natitira pang kabutihan dito. Nagpapatuloy lamang ang kasamaan kung wala ng nakikipaglabang kabutihan.

   Walang kinalaman ang salapi tungkol dito, bagay lamang ito at wala itong personalidad. Nasa taong humahawak kung saan niya ito gagamitin, at ang kinahantungan o kinalabasan nito ang kabatiran kung nakakabuti o nakakasama ito.

Bilangguang Walang Rehas

   Kung lumaki ka sa pagsasalat at matinding kahirapan: dalawang paraan lamang ang aatupagin mo sa buong buhay, at nasa iyong kapangyarihan ang kapasiyahan kung alinman sa dalawang ito ang iyong pipiliin;
1. Maging Malaya: Magkamal ng maraming salapi upang makaahon sa kahirapan. 
2. Maging Bilanggo: Masidhing katipiran, magtago at magharimunan,  maging maramot, at magtiis ng walang hanggan.

   Sa dalawang paraan na ito, nakakatiyak tayo kung sino ang magiging tunay na malaya sa buhay.

Halimbawa: May sakit ang iyong anak at nagtungo ka sa botika, upang bumili ng gamot na makalulunas sa kanya. Subalit hindi sapat ang salapi mong dala at hindi mo ito nabili. Sa katunayan, ang bote ng gamot na nasa eskaparate ay may takdang presyo. Ito ay ibibigay lamang doon sa may sapat na salapi para dito. Kung wala kang salapi, hindi ka malaya na mapasaiyo ito. Kung mayroon ka namang salapi, malaya kang maging sa iyo ito.

   Karamihan sa atin, ang salapi ay buhay. Kung wala ito sa iyo, mistula kang patay. Ito ang sukatan kung anong pagkatao mayroon ka, ano ang uri ng kapangyarihang pinaniniwalaan mo, sino ang iyong panginoon, at anong uri ng pananalig o pananampalataya ang nasa iyo. Sapagkat dito masusukat at makikilala kung bakit mo narating ang kalagayan mo sa ngayon. Kung taghirap ang kalagayan mo, tiyak mahirap ang pinaniniwalaan mo. Kung pinakamayaman sa buong sansinukob ang pinaniniwalaan mo, makikita ito sa iyong buhay. Isang katiyakan at patunay na mayaman ka rin sa lahat ng bagay, sa isip, sa salita, at sa mga gawa ito ay uusbong at yayabong at magaganap sa materyal na mga bagay. Kataka-taka ng mayaman ang iyong diwa subalit naghihirap ka. Yaong mahirap lamang ang pag-iisip ang nagiging mahirap.

   Ito ang katotohanan; kung ang iyong buong kaisipan, mga saloobin, at damdamin ay umiikot lamang palagi sa kahirapan, ito ang iyong makakamtan. At kung tunay na makapangyarihan ang pinaniniwalaan mo, magiging makapangyarihan ka din. Dahil pawang patungo sa pagkakaroon ng kapangyarihan ang lahat ng iyong gagawin sa buhay. Ngunit kung walang katuturan ang iyong pinaniniwalaan, wala ding katuturan ang iyong kahahantungan. Sapagkat lahat ng iyong gagawin ay tuwirang walang mga katuturan. Napakasimple lamang na batayan ito, at ako’y nagtataka bakit hindi maunawaan ng marami sa atin.

   Ang iyong kalagayan at uri ng pamumuhay ang magpapahiwatig kung tama o mali ang pinaniniwalaan mo. Sa iyong mga ikinikilos at ginagawa nakabatay kung sino ang Panginoon moat tandasang iyong pinaniniwalaan..

   Marami ang nagnanasang magkamal ng salapi, at tahasang ito ang kanilang pinakamimithi. Subalit pagmasdan ang kanilang ginagawa sa maghapon, wala kang maa-aninag na bagay patungo sa kaganapan tungo sa pag-unlad. Makikita sa kanilang mga gawa kung nais nila ito o hindi. Dahil kung ano ang kanilang ginagawa sa maghapon o magdamag man, ito ang totoong kanilang hinahangad at nais makamtan. Kung talagang nais nila ng salapi, lahat ng kaparaanan ay gagawin nila upang makuha ito. At sa paraang ito nakikilala kung anong uri ng pagkatao mayroon ang isang tao.

Ang taong kinasusuklaman ang salapi ay nakuha ito sa masamang paraan; ang taong may pagpapahalaga at paggalang sa salapi ay nakamtan ito sa mabuting paraan.

   Kapag nilalapitan ako ng isang pulubi na kumpleto ang pangangatawan, walang kapansanan, at nasa tamang gulang. Nais kong ibitin ito ng patiwarik, at tumawag ng maraming tao na may kapansanan at pakiusapang pagpapaluin ang taong ito, hanggang sa magising. Sapagkat napakaraming may kapansanan sa ating lipunan ang naging matagumpay, sumikat, at nagawang tumulong nang higit pa sa normal na tao. May mga bulag, may mga paralitiko, may mga pipi at bingi, may kalahati ang katawan, at may walang mga paa at mga braso, ngunit lahat sila ay may hangaring mabago ang kanilang buhay, at hindi naging hadlang ang mga kapansanan nila upang magtagumpay.
Masamang Paggamit ng Salapi
   Hangga’t hindi natin natutuklasan ang kapangyarihan at kahalagahan ng salapi sa ikakaunlad ng ating bayan, na ito’y susi sa mga makabuluhang gawain, magpapatuloy ang ating mga kasiphayuan at mga karahasan. Hangga’t ginagamit natin ito sa pagsupil sa mga tao, paghadlang sa kanilang mga karapatang pantao, pagkakait ng mga kagalingang pambayan; tulad ng edukasyon, mga trabaho, kalusugan, at mga pagkakataon para sa kaunlaran ng lahat, at palaging nakatuon lamang sa makasariling pagpapayaman, mananatili ang matinding kahirapan, kaguluhan, at kalagiman sa ating bansa.

Kabubuan: Ang salapi ay siyang maghahari sa iyong atensiyon. Ilagay ito sa tamang paglalagyan sa iyong buhay, subalit pakaiwasan itong nakaupo sa trono. Hindi ito dinadakila at mangingibabaw sa iyong pagkatao. Ang salapi ay katumbas ng maraming bagay, datapwa't hindi pamantayan upang sukatin ang iyong tunay na personalidad. Ang pangangailangan nito, ang paggamit nito, ang kapangyarihan nito, ang pagkahumaling nito o maging pagkabaliw para dito ay ginagamit ng maraming tao upang kilalanin at hatulan kung sino kang talaga. Kahit na gamitin mo ito upang ipakilala kung sino ka nga ba, lilitaw din sa bandang huli ang iyong likas na pagkatao.
Maging maingat: Ang salapi kapag nasilaw ka nito ay walang hanggan kang aalipinin. Natutuhan ko, na ang lahat ng mga bagay na kasangkot ay salapi; kailangan ang pagbalanse o karampatang paggamit nito, sapagkat dito nakasalalay kung gaano kahalaga ang iyong pagkatao ayon sa iyong kapasiyahan.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan
IsangPilipino

No comments:

Post a Comment