Pabatid Tanaw

Thursday, July 21, 2011

Kamalian at Leksiyon

 Para saan at nabubuhay pa tayo, hindi ba upang magawang matiwasay at maligaya ang buhay para sa isa't-isa?

    Ang leksiyon ay ang karanasan at kaalaman na ating natutuhan sa nagawang kamalian.
Ang pagkakaiba sa pagitan ng mga kamalian at mga leksiyon, ay nakapaloob sa katotohanang patuloy tayong nakagagawa ng mga kamaliang sinasadya at hindi sinasadya. Subalit mayroon tayong natututuhang leksiyon at kapakinabangan mula sa mga ito, kung tahasan nating pagpapasiyahan na matutuhan ang mga leksiyon nito upang makatulong sa atin.

   May mga leksiyon na madaling matutuhan at maunawaan kaagad, ngunit sa mga iba, nangangailangan ito ng panahon, paggulang, at kung minsa’y tamang mga pagkakataon. Sa maraming kaganapan; mayroong mga leksiyon na natututuhan, hindi sa paggamit ng isip, bagkus sa pandama ng tibok ng puso.

   May katotohanan ang salawikaing, “Ang puso’y may mga katwiran na hindi maunawaan ng katwiran.

   Subalit ang 'puso' ay nagpapahayag tungkol sa mga leksiyong mga natutuhan, at walang kinalaman sa suliranin sa pag-ibig, bagkus ang damdamin ay naka-ugnay sa ating mga emosyon, sa ating mga simbuyo, sa ating mga bagabag, at mga pagkatakot, lalung-lalo na sa ating mga kapalaluan at kahangalan.

   Ang leksiyon ay nakatambad lamang sa ating mga mata, subalit ang ating pagkasiphayo, kasakitan, matinding pagdaramdam, pagmamataas, at pagkatakot ay nagagawa tayong bulagin, at higit pang winawasak at iwinawaksi ang mga leksiyon na matututuhaan mula sa mga ito. At sa halip ang niyayakap at pinaiiral natin ay ang mga kamalian at mga kabiguan.

   Higit na matamis ang makilalang; matigas ang paninidigan, at “maghalo na ang balat sa tinalupan” ipinagpapatuloy pa rin ang pagpapanatili ng kamalian, kabiguan, at lantarang pagmamataas. Madalas itinuturing itong “magandang pangaral” na “dapat” sundin. Kahit na mangahulugan ito ng ibayong mga kapighatian, patuloy na awayan, at pagkakawatak-watak ng pamilya. 

   Marami sa atin ang hindi maunawaan ang leksiyong itinuturo ng kamalian. Kahit na alam nilang tahasang mali ito, higit pang ninanais ang maipakita ang kanilang kapalaluan at kahangalan kaysa tanggapin ang nagawang kamalian. “Ang nasabi ko’y nasabi ko na, at walang sinuman ang makakabali nito!” Ang kanilang madalas at matinding bigkas.

   Ang pagkakamali ay minsan lamang, kapag inulit mo itong muli, hindi na ito isang pagkakamali pa, masamang bisyo na ito at mananatiling ugali sa matagal na panahon.

   Narito tayo sa daigdig upang magbigay, magpaligaya, at makagawa ng kabutihan sa buhay, hindi ang magpahirap ng kalooban, maghasik ng labanan, at pinsalain ang kapayapaan ng bawa’t isa sa atin.

   Ang kapighatian sa ating buhay ay nakapangyayari lamang kapag ang nagawang mga kamalian ay pinagtutunan ng ibayong atensiyon at panggigipuspos kaysa mga leksiyon na itinuturo nito.

   Dalawampung taon mula ngayon, higit na panggigipuspos ang sasaiyo sa mga bagay na hindi mo nagawang itama kaysa mga kasiyahan at kaligayahan na iyong ipinagkait sa iyong mga mahal sa buhay. Higit nilang pasasalamatan ang isang ligaw na bulaklak kaysa mamahaling korona sa kanilang puntod.

Ang magpaumanhin at tanggapin ang kamalian ay isang bagay, subalit kapag nagawa ito o nalunasan ang pinsalang nagawa mo, may natutuhan kang leksiyon o aral sa buhay. 

Isang karanasang magpapalakas sa iyong pagtitiwala sa sarili at manatiling mapagmahal sa iyong kapwa.

No comments:

Post a Comment