Pabatid Tanaw

Tuesday, June 14, 2011

Mahalaga Ka Ba?


   
Kung nais mong igalang at pahalagahan ka, gampanan mo muna ito sa iyong sarili. Kung wala ka ng mga ito, hindi mo ito maipagkakaloob sa iba. Ang bagay na wala sa iyo ay hindi mo kayang maibibigay. Natatamo natin ang mga ito kung nakagagawa tayo ng kabutihan at pagmamalasakit sa ating kapwa. Ito ang tunay na nagpapakilala kung sino tayo at anong uri ng pakikipagkapwa mayroon tayo sa ating mga karelasyon.

   Matapat, mapagkakatiwalaan, mabait, matalino, maunawain, matulungin, mapagmalasakit, at magaling --- ang mga katangiang ito sa isang tao ay nakakakuha ng paggalang. Ito ang mga namumukod tanging kahalagahan sa ating pagkatao na bawa’t isa sa atin ay kailangang hangarin upang makamit nating galangin ang ating mga sarili, ang ating sariling-paggalang at ang ating sariling-pagpapahalaga.

Ano ang kahulugan ng sariling-pagpapahalaga?
   Halos katulad ng sariling-paggalang na kinakailangang matamo mula sa iba. Hindi katulad ng paggalang, na natatamo mula sa iba, ito ay nakakamit mula sa iyong sarili. Hindi ito ipinagkakaloob at iginagawad na nanggagaling sa iba, ng samahan, o anumang institusyon. 



   Noong tayo ay bata pa at magsimulang tumindig, sa unang hakbang sa paglakad at antalalan, ay nakarinig tayo ng papuri at udyok na magpatuloy, “Ang galing naman, sige pa totoy, hakbang pa . . .” Sa pagdaan ng panahon, nakahimasmasan na natin ang mga papuri na nakalulugod sa ating pandinig. Sa paggawa ng kabutihan, pagsasabi ng totoo, pagtulong sa mga gawaing bahay, at pagtupad ng mga aralin sa paaralan. Ang mga papuri, palakpak, at parangal na ating nakakamit ay nakapagdadagdag ng ibayong kalakasan sa ating pagtitiwala sa sarili. Kung kaya’t pinagbubuti natin ang pagganap sa ating mga gawain.

   Sa bawat pagkakataon o kabutihan na ating nagampanan, tumatanggap tayo ng pagpuri na sa pangmalas ng mga tao ay kalugod-lugod, subalit ang katotohanan ay hindi tayo tunay na may pananagutan sa kinalabasan ng ating ginawa, at tayo lamang ang nakakabatid nito sa ating sarili.

Halimbawa, ikaw ay labinlimang taong gulang at naghihintay sa isang linya sa tindahan upang makabili. Ang matandang babae na nasa unahan ng linya, nang ilabas ang pitaka nito at magbayad ay nahulog ang isang daang pisong papel nang hindi nito namalayan at matapos matanggap ang napamili ay lumisan. Nakita mong inilipad ito ng hangin palayo at marahan mong nilapitan at tinapakan. At maya-maya pa ay dinampot mo at bago mo ito naibulsa, napansin mong nakatitig at nakitang lahat ng isang sampung taong gulang na batang lalaki ang nangyari. Mabilis kang nagpasiya, at sa malakas na tinig na maririnig ng lahat ay inihiyaw mo ang, “Ale, ale, nahulog po ang pera ninyo sa lapag!” Napalingon ang matandang babae at malaking pasasalamat ang iginawad nito sa iyo. Maging ang mga tao sa linya ay bumati, natutuwa, at pinuri ka sa iyong katapatan.

   Sa tagpong ito, tumanggap ka ng paghanga at paggalang mula sa iba, gayong wala naman silang kabatiran sa iyong tunay na hangarin, bagkus ang kinalabasan lamang. Gayunman, dahil sa ganap mong nalalaman ang iyong tunay at lubos na intensiyon na ibulsa ang pera, sa kaibuturan ng iyong puso ay may nadarama kang kahihiyan, na wala kang nararapat na matamong sariling-paggalang. Ito ay hindi makakamtan mula sa iba. Ang nadaramang pagkapahiya sa sarili ay nanonoot at sumisigid na mahalaga. Sagad sa butong kahihiyan ang iyong dadanasin kung malalaman nila ang iyong tunay na hangarin. Makapangyarihang saloobin ang nararamdaman mong ito na umaalipin at nagpapababa sa iyong kabudhian, sa tuwinang hindi mo natutupad at nagagampanan ang tunay mong pagkatao.

   Ang isandaang piso ay maliit na halaga at hindi mo ikayayaman at ipaghihirap man, at walang kinalaman kung ihahalintulad sa matinding pagkawala ng iyong sariling-paggalang, at tuwirang pagkasira ng iyong sariling-pagpapahalaga.

   Ang kabatirang ito tungkol sa sariling-pagpapahalaga o sariling-paggalang ang siyang nagpapalakas ng pagtitiwala sa ating sarili. Pinasisigla nito ang ating pag-asa na lalong magsumikap sa lahat ng ating mga ginagawa. Subalit marami sa atin ang hindi ganap na nauunawaan ito, kung ating pinaniniwalaan na ang sariling-pagpapahalaga ay isang karapatan --- isang pagsukli o kabayaran --- tayo ay nandadaya sa mga tao na kung saan ang paggalang sa atin ay napakahalaga. Kung ang isang bata ay nasa isang abusadong kapaligiran, at laging pinupuna at pinipintasan na walang silbi at walang patutunguhan, ito ang tuwirang mangyayari sa kanya. At kung laging namang pinupuri at ginagawaran ng paghanga, kahit na mumunting gawa lamang, masasanay itong kumilos at laging naghihintay purihin bago magsimula. Kailangang suhulan, may pabuya, at may mapapala sa lahat ng gawain. Kung wala ang mga ito, ang kanyang pagkilos ay walang kasiglahan, hinahatak ang sarili at napipilitan lamang.

   “Matapat na bata, huwaran iyan, at may mabuting kalooban pa!” Kung alam lamang ng mga tao sa linya, na ang mga hungkag na papuring ito ay walang halaga mula nang ibigay mo ang pinulot na pera. Sapagkat batid mo, sa kaibuturan ng iyong puso ay hindi karapat-dapat na matanggap mo ang ganitong mga papuri at pagpapahalaga. 

   Ang nararapat na mangyari ay mabago ang kapaligiran ng batang tulad nito, palibutan ng mga nakauunawa at mapagmahal ng mga tao at bigyan siya ng mga pagkakataon na magtagumpay. Ipaunawa na ang maghangad ng hindi sa kanya ay walang kabutihang magagawa, lalo na sa pagpapahalaga sa sarili. Bagkus nagdudulot pa ito ng kawalang pag-asa na magsumikap upang magtagumpay. Kung tuluyang maiiwasan ang paghahangad na ito ng hindi sa kanya, mag-iibayo ang sariling-paggalang at sariling-pagpapahalaga upang magkaroon ng ganap na pagtitiwala sa kanyang katauhan at kakayahan. Ang tagumpay na ito ay para sa kanya lamang, at hindi para sa iba, upang ito ay magkaroon ng kahalagahan sa kanya.

   Ang buhay ay laging may paghamon o mga paghihirap. May maliit, may malaki. May tagumpay at may kabiguan. May kaligayahan at kapighatian. Kapag hinaharap natin ang mga paghamong ito at mapagtagumpayan sa pamamagitan ng masikhay at tuwirang layunin, lumilikha tayo ng mga makasariling pagpupunyagi na pamamarisan ng iba. Mula dito ay sisibol at lumilitaw ang ating sariling-paggalang at sariling-pagpapahalaga. Ang tunay na kaganapan ng lahat mong ninanasa ay siyang pinagmumulan na iyong sariling-pagpapahalaga, hindi ito natatamo at nagmumula sa mga papuri ng iyong mga magulang, kaibigan, mga guro o kasama. Kung hindi mo nakamtan ito mula sa iyong sarili, anong kahalagahan ang maibibigay nito sa iyo?

Talahuluganan, n. glossary
Ang mga katagang narito ay mula sa paksang nasa itaas. Ito'y para sa mga nagnanais na mabalikan ang nakalimutang mga salita at maunawaang lubos, at maging doon sa mga may nais makatiyak sa tunay na kahulugan at angkop sa pangyayari o pagkakataon, upang mapalawak ang kanilang paggamit ng ating wikang Pilipino.

Naniniwala tayo na ang talahulugunan ay kailangang tayo ang sumulat.
matapat, adj. loyal
mapagkakatiwalaan, adj. honest
mabait, adj. kind
matalino, adj. intelligent
maunawain, adj. understanding
matulungin, adj.  helpful
mapagmalasakit, adj. care and concern
magaling, adj. achiever
hangarin, lunggati n. aspire, seek, attain, intention, accomplish a goal
sariling-paggalang, n. self-respect, a proper respect for oneself as a human being
sariling-pagpapahalaga, n.  self-esteem, a confidence and satisfaction in oneself
natamo, nakamit, nakamtan, nakuha, kinita v. received, earned
ipinagkakalooob, v. awarded
iginagawad, v. bestow
antalalan, n. toddler’s first unsteady walk
papuri, parangal, palakpak, n. praise, citation, handclapping
udyok, susog n. inducement, reinforcement,
kalugod-lugod, kahanga-hanga, n. impressive, amazing
hungkag, walang laman n. hollow, empty
pananagutan, tungkulin, n. obligation, responsibility
bumati, v. congratulate
nanonoot, sumisigid, nananalaytay, umaagos, v. extremely circulating, flowing, streaming
mataos, matayog, wagas adj. purely, sincerely, unfeigned
budhi, konsensiya n. moral, conscience
kabudhian, kasanlingan n. morality
pinagmumulan, pinanggagalingan n. source, reference
masikhay, matiyaga, mapilit adj. persevering, patient, persistent

No comments:

Post a Comment