Pabatid Tanaw

Wednesday, June 15, 2011

Maging Mabuting Kaibigan




Napakarami na ang naisulat na mga dakilang aklat, kinathang mga tula na sumisigid at gumigising ng ating damdamin, hindi na mabilang ang mga kantang nilikha at inawit, lahat ay nag-uukol ng pagdakila sa pangungusap na ito; ang  Maging Mabuting Kaibigan, manatiling matapat, bumibigkas ng katotohanan at may busilak na pusong walang pagmamaliw. Handang magparaya at magpakasakit bilang matalik na kaibigan. 

   Ano ang ating maidadagdag pa sa mga katangiang ito? Walang sinuman ang makatututol at magagawang makipagtalo sa mga katangiang nabanggit. Minsan pa, kailangan nating itanong, kung ang pagiging isang mabuting kaibigan, matapat, mapagkakatiwalaan, at may tuwirang pagmamalasakit ay kumakatawan upang mabuo ang tunay nating pagkatao, ito ba’y hahantong upang tayo ay maging maligaya? Kung gayon, papaano at bakit?

   Madaling sagutin ito at hindi mapapasubalian, dahil kalakip nito ang ating kaligayahan. Sapagkat ang pagkakaroon ng mga ganitong namumukod tanging mga katangian ay pinagyayaman at pinalalakas ang ating pagpapahalagasa sa sarili. Pinatataas nito ang antas ng ating sariling-pagtitiwala. Nagagawa nitong magkaroon ng ibayong kasiglahan at makulay ang daigdig na ating ginagalawan. Pinagaganda at pinalalawig ang ating mga relasyon at nagsisilbing tanglaw sa ating pag-asa.

   Magagawa nating itaas ang ating isang kamay at bilangin ang mga daliri nito, ngunit marami sa atin ang hindi magagawang lampasan ito pagdating sa bilang ng mga tunay na kaibigan. Sapagkat bihirang maranasan mula sa iba ang mga katangiang hinahanap natin mula sa ating sarili. Ang pagkakaroon ng matalik na kaibigan ay walang katumbas na halaga o kayamanan, ngunit kung nais mong magkaroon ng ganitong uri ng kaibigan, maging katulad ka nito. At sa bahaging ito, tayo ay laging nabibigo.

   Hangga’t hindi natin nagagawang maging tunay na kaibigan ng ating mga sarili, walang kaibigang darating sa ating buhay na magpapadama ng ganitong uri ng pakikipagkaibigan. Pawang pabalat-bunga o balatkayo, at paimbabaw lamang na mga relasyon ang lagi mong makakamtan. Ang lahat ay magsisimula mismo sa iyong katauhan.  Ang makipagkaibigan ay kailangang palakaibigan.

   Kung nais mo ng tunay na kaibigan, unahin mong kaibiganing tunay ang iyong sarili. Ang ispirito ng katotohanan ay magaganap lamang kung ito’y bukal sa puso mo at nagiging tunay kung ito’y higit na mahalaga para sa iyo. Sa madaling salita, kung ito mismo ay sumasaiyong totoo. 

   Papaano? Tulad ng isang matamis na pulot-pukyutan, gawin mong katangi-tangi ang iyong sarili. Arugain, payabungin, paunlarin, at pagyamanin mo ito, at pagkakalumpunan ka ng mga bubuyog. Pahalagahan mo ang iyong sarili, at papahalagahan ka ng iba. Igalang mo ito, at igagalang ka ng iba. Mahalin mo ito, at may magmamahal sa iyo. Kung wala sa iyo ang mga ito, aba’y . . . Gumising ka naman! Dahil ang lagi mong makakapiling ay basurahan. Matutulad ka sa isang basahan na pamahiran at ang matutuwa lamang sa iyo ay yaong may maruruming tsinelas at sapatos.

HANGARIN
Paminsanminsan kumikiliti ito mula sa puso,
Madalang at sisinghap-singhap mula sa kaluluwa.
Hilaw ang kaisipan at kaalaman ay mababaw,
Hangari’y kinakapos at laging malabnaw.

At kung patuloy ka pa sa pangangarap at umaasa sa iba na maibibigay ito sa iyo . . , walang matinong tao ang magtitiyaga sa iyo, bagkus patakbong lalayuan ka pa. Ito ang mapait na katotohanan.

Ang KAIBIGAN
May mga sandaling inaanod ako sa pagmumuni;
Nag-iisang kinakapa at sinasalat ng aking guni-guni,
Gaano mang pag-iingat at pagtatanggol sa sarili,
Walang sapat na kakayahan ang parating kawaksi.

Hindi mapalagay at nakatunghay sa kawalan . . .
Pawang mga bagabag at takot, ang laman ng isipan.
Kulog ma’t kidlat ay mistula lamang bulong at kutitap,
Dumaraing ang puso at hilong-talilong sa paghahanap.

At nang marinig ang panaghoy na ito ng kalangitan,
Ang pagsusumamo ay kagyat nilunasan.
Nagpadala at sumulpot sa mga kabanata ng buhay,
Maraming kakilala, katuwang, kasama, at maging alalay.

Mga dakilang handog itong naging gabay sa buhay.
May pag-ibig, pang-unawa, at katapatang tunay.
Mistulang isang sugong anghel sa taong katawan,
Na ipinagkaloob ng tadhana’t umalalay na kaibigan.

 Ang lahat ng bagay sa sanlibutan ay nasa kaibuturan mo, hilinging lahat mula sa iyong sarili at ito’y ipagkakaloob sa iyo.

“Makikilalala ang tunay ng kaibigan sa panahon ng kagipitan.” Totoo ito, ngunit hindi isang tungkulin, obligasyon, at karapatan ang pagkakaroon ng kaibigan. Kung may humihiling ng pagdamay, isa itong karangalan at hindi obligasyon ng taong dumaramay. Isang dakilang pagkilala na nagpapakita ng pagtitiwala at paggalang. Sino ang hihingi ng tulong doon sa mga hindi maaasahan at walang katuturan? Ang mahingan ka ng tulong ay katumbas ng gantimpala, “Mainam pa ang magbigay kaysa ang manghingi” Ang habilin sa atin. Sapagkat, pinatutunayan dito sa pangmalas ng marami at maging sa sarili natin na may kahalagahan tayo sa iba. Inaasaahan at pinagkakatiwalalan tayo. Kapag kumikilos tayong tunay na kaibigan, kapag tayo ay matapat at nagmamalasakit, pinag-aalab nito ang ating sariling-paggalang, lumalakas ang ating pagtitiwala sa sarili at humahantong sa ating sariling kaligayahan.

Talahuluganan, n. glossary
Ang mga katagang narito ay mula sa paksang nasa itaas. Ito'y para sa mga nagnanais na mabalikan ang nakalimutang mga salita at maunawaang lubos, at maging doon sa mga may nais makatiyak sa tunay na kahulugan at angkop sa pangyayari o pagkakataon, upang mapalawak ang kanilang paggamit ng ating wikang Pilipino.

Naniniwala tayo na ang talahulugunan ay kailangang tayo ang sumulat.
katha, sulat n. composition, writing
pabalat-bunga, pakitang-tao  n. pretension, hypocrisy
balatkayo, n. disguise, cover up
kawalan, bahaw n. emptiness, void
kutitap, n. flickering light, wavering light
hilong-talilong, walang direksiyon n. disoriented, confused 
talilong, n. tropical kind of fish
paimbabaw, panlabas na anyo n. fake appearance, showmanship
basahan, pampunas, pangusngos  n. dirty cleaning cloth, rubbing cloth
pamahiran, n. floor mat intended for wiping feet
paminsan-minsan, adv. Sometimes, occasionally
madalang, adj. seldom, rare, infrequent
singhap, n. grasping for breath
pagmumuni, n. meditation
guni-guni, pangitain n. pessimism, expecting worst possible outcome
kawaksi, kasama, n. assistant, companion
alalay, ayuda, n. helper, supporter
sugo, kinatawan, n. delegate, representative

No comments:

Post a Comment