Pabatid Tanaw

Monday, June 13, 2011

Ika-12 ng Hunyo


Isang pagsulyap sa matinding kasiphayuan:  
Ang Huwad na Kalayaan


   Isang daan at labing-tatlong taon na ang nakakaraan, nang magkatipon-tipon ang mga katipunero at iwagayway ni Heneral Emilio Aguinaldo sa Kawit, Kabite ang ating watawat bilang pagpapakilala ng ating kalayaan sa mahigit na 300 taong pananakop ng mga Kastila. Sa nakakalasing at humahalinang talumpati ng naghihimagsik na Pangulong Aguinaldo, ay ipinahayag niya ang kakayahan ng mga Pilipino na pamahalaan ang sariling bansa, na ito’y malaya na mula sa kolonyang tanikala ng pagkaalipin. Ang proklamasyon ay tuwirang ipina-aalam sa buong mundo, at higit pang iniuukol sa isang makapangyarihang bansa na kung saan ang mga malalaking kanyon sa nakahimpil nitong mga barko sa baybayin ng Maynila (matapos palubugin daw ang armada ng mga Kastila), ay nakatuon kay Aguinaldo habang ito’y nagtatalumpati. 

   Nagtagumpay si Aguinaldo at ang Katipunan sa pamamagitan ng sandatahang pakikipaglaban na mabawi ang ating Kalayaan mula sa Espanya, ngunit hindi ito tinanggap ng mga Amerikano. Nagpasiya si Pangulong McKinley ng Amerika na sakupin ang Pilipinas. Ang Kalayaang binawi natin mula sa Amerika at isinauli nito noong 1946, ay tunay nating Kalayaan. Walang karapatan ang Amerika na ipagkaloob at palitawin itong “utang na loob” natin, gayong inagaw lamang nila ito matapos nating matalo ang mga Kastila. Dahil dito, tulad ng inaasahan, ang sumunod ay digmaang Pilipino-Amerikano. 

   Lumitaw ang tunay na pakay ng mga Amerikano sa ginawang pabalat-bungang pagsuko (mock surrender) ng mga Kastila sa mga Amerikano sa Maynila, at hindi sa mga naghihimagsik at nanalong mga katipunero. Sa halagang $20 milyong dolyar ay ipinagbili ng Espanya ang Pilipinas sa Amerika sa kasunduan ng “Treaty of Paris (1898)” kasama dito ang mga bansang Cuba at Puerto Rico. Masidhing tinutulan ito ng sambayanang Pilipino at muling naghimagsik at lumaban sa bagong mananakop na mga Amerikano. 

   Ang proklamasyong ito ni Aguinaldo ay dumaan nang mahigit 50 taon, dalawang digmaang pandaigdig bago mahapding nakamtan, nang isauli ito noong 1946 ng Amerika. Subalit nanatiling paimbabaw lamang magpahanggang ngayon. Bagama’t “ipinagkaloob” ang minimithing Kalayaan ng Pilipinas, ipinagpatuloy pa rin ng mga Amerikano ang pagsupil at pagpatay sa mga makabansang adhikain ukol sa pagpapaunlad ng Pilipinas. Lahat ng aklat na inilimbag at ipinamahagi sa ating mga paaralan ay dumaan sa kanilang salaan at itinago ang tunay nating kasaysayan. Itinayo sa panunulsol ng mga Amerikano ang PMA (Philippine Military Academy) sa Lungsod ng Baguio, na kinopya sa USMA (United States Military Academy) sa West Point, New York upang may magamit na sandatahang lakas na mangunguna laban sa tumututol na kapwa Pilipino. Gayong hindi naman mananakop at imperyalistang bansa ang Pilipinas na naghahangad ng maraming masasakop na bansa, ay mayroon tayong dalubhasang pamantasang militar. Ang sabwatang ito ay pinalakas sa itinatag na JUSMAG (Joint U.S. Military Advisory Group) at AFP. Kasama rin dito ang pananatili ng maraming himpilang militar, at ang dalawang pinakamalaki sa buong mundo sa labas ng Amerika ay ang Subic Naval Base (Olongapo City, Zambales) at Clark Air Base (Angeles City, Pampanga). Ginamit din ito sa pagsupil sa bansang Korea na nahati sa dalawang bansa, ang Hilagang Korea at Katimugang Korea. Maging sa Vietnam hanggang 1975 kung saan tinalo at tumakas na lugami ang mga Amerikano. Noon taong 1991 lamang nagawa nating “mapaalis” ang mga Amerikano, katulong ang kalikasan sa pamamagitan ng pagputok ng bulkang Pinatubo. Tulad ng mga bansang Korea at Hapon, naroon pa rin ang mga himpilang militar ng Amerika, at maging sa ating bansa, ay hindi pa rin sila umaalis. Samut-saring mga pakulo at pagpapayaman sa mga nakaupong mga punong-bayan at pinunong mga heneral mula sa PMA ang kanilang tagapagtaguyod. Narito pa sila sa maraming dako ng kapuluan ng Pilipinas, lalo na sa katimugang Mindanaw. “Balikatan” o pagsasanay militar ang isa nilang pabatid publiko upang maitago ang tunay na dahilan nito. At sa darating na ika-28 ng buwang ito, ay gagawin na naman ang isa pang pakulo, ang war drill sa Naval Force West ayon sa AFP (Armed Forces of the Philippines). 

   Tayo ba ay makikidigma sa ibang bansa? Wala tayong kakayahan para dito. Wala tayong panlaban na mga barko at eroplanong pandigma. Pangsumag o pananggalang lamang tayo sa harap ng kalaban. Parang piyon, pambala, o panghalang sa mga mapanganib na labanan. Bala lamang sa riple at mortar laging mintis pa, ang mayroon tayo. Isang maliit na pangkat lamang na Abu Sayyaf na pinamumunuan ng hindi nakapag-aral ay hindi natin matalo-talo. Kahit na daan-daang marami pa sa kanila ang ating mga dalubhasang heneral, hindi kasama ang karaniwang mga sundalo dito sa hukbong sandatahan ng Pilipinas ay namamayagpag pa rin ang Abu Sayyaf at NPA. Para kanino ang “Balikatang” ito, para sa ating sariling bansa, at panlaban doon sa mga gumigising sa mga bulag at nagtutulog-tulugan sa ating lipunan?

   Ang makasariling pamahalaan na itinatag ni Aguinaldo ay pinaalalahanan ni Apolinario Mabini na hindi pa ganap na handa sa isang parliamentary government na kung saan ang checks and balances ay pabor at kumikiling sa mga interes ng mga ilustrado o naghaharing-uri (controlled by privileged cacique-landlord group) lamang. Na kung saan nais ng mga ito ang pananatili ng pagmamay-ari ng kanilang mga nakaw na lupain, kabuhayan, at mga naglalakihang negosyo mula sa mga kasabwat na mga Kastila. Nais ng mga ito ang proteksiyon mula sa pamahalaang Amerikano. At sa digmaang Pilipino-Amerikano, ang mga ilustradong ito ay kumampi sa mga Amerikano at nagawang  ipagkanulo at ipapatay ang maraming makabayang Pilipino. Sino ang makakalimot sa mga Pilipinong Macabebe Scout ng Pampanga na pinamunuan lamang ng tatlong opisyal na Amerikano ay nagawang patayin ang mga kapwa Pilipino upang mahuli lamang si Aguinaldo sa Isabela? Sa kaguluhan at matinding pagtutol nila Gat Andres Bonifacio, Heneral Antonio Luna, at maraming pinuno ng Katipunan ay nawalan ng saysay, bagkus pataksil pa silang pinagpapatay ng kanilang mga kapwa Pilipino, sa utos ng mga asenderong ilustrado. Patuloy pa ito at nagaganap ngayon sa atin.

Hindi Tayo Malaya

   Maraming makabayang adhikain para sa kaunlaran ng Pilipinas ang itinatag upang totohanan at ganap na makalaya sa pakikialam ng pamahalaang Amerikano at kasabwat nitong naghaharing-uri. Tulad ng “Our Mendicant Foreign Policy”na talumpati ni Claro M. Recto sa Pamantasan ng Pilipinas, na nagpasiklab ng ating nasyonalismo o pagkamakabayan. Ang “Pilipino First” na programa ni Pangulong Carlos P. Garcia. Ang talumpati na ipinahayag ni Pangulong Disodado Macapagal, ang “Unfinished Revolution.”  Lahat ng mga ito ay nagpupumilit na mabago ang nakapanlulumo at hindi makatarungang relasyon ng Amerika sa Pilipinas, na kung saan ay nagpapasasa ang mga Amerikano sa prebelihiyo ng Parity Rights, Bell Trade Act, Laurel-Langley Agreement, at maraming pang iba na pawang pumipigil at nagpapahirap sa kabuhayan at kaunlarang Pilipino.

   Walang katotohanan na ipagtatanggol ng Amerika ang ating karapatan sa Kalayaan Island Group o sa tinatawag na Spratly Islands sa Palawan, laban sa pananakop ng China. Nangyari na ito noon. Tinakbuhan at kumampi pa ang Amerika sa bansang Malaysia, sa pakikipagtulungan ng bansang Inglatera noong ipinaglalaban natin ang ating karapatan na maibalik ang Sabah sa atin. Dati nang nagbabayad ng buwis para sa Sabah bilang arkila o rental ang Malaysia sa atin noon pa man. Pansamantala lamang silang namahala sa Sabah, subalit noong magdeklara ang Malaysia ng Kalayaan mula sa Inglatera ay isinama nila sa federasyon ng walang pahintulot mula sa ating bansa ang Sabah. Hanggang ngayon ay may protesta pa tayo sa United Nations tungkol dito.

   Ganito din ang nangyari noon sa ating pakikipaglaban sa Hapon. Nang matapos ang digmaan; sa halip na tayo ang tulungan dahil dinurog nila ang ating bansa at kakampi tayo sa labanan, tiniyak ng Amerika na paunlarin ang Hapon kaysa atin. Ginawa ang ating bansa na tagatustos lamang ng mga kinakailangang raw materials, minerals, food, timbers, and natural resources para sa kaunlaran ng Hapon. Hanggang ngayon nagpapatuloy pa rin ito at dinagdagan pa sa pakikipagsabwatan sa ating pamahalaan, ginawang service oriented or manpower supplier ang patakaran ng ating bansa kaysa palakasin ang mga industriya nito.

Sa Pagputi ng Uwak
   Hangga't ang ating kamalayan ay nakapaling at pinangingibabawan ng iba at banyagang kultura, kailanman ay wala tayong kasarinlan at mananatiling nakaluhod sa kagustuhan ng ibang bansa. Walang pagkakakilanlan, walang anino at walang kalalagyan sa hanay ng mga may dangal at naninindigang bansang malaya.

   Marami sa atin ang yumakap sa Amerika, nasangkot at nakipaglaban para dito laban sa Hapon (hindi pa nakukumpleto ang kabayaran ng ating mga beterano), natutuhan ang wikang English, kinopya ang sistema ng pamahalaang Amerikano at ginaya ang kanilang kultura. Tayo lamang sa kabubuang Asya ang pikit-matang gumaya at umaastang kayumangging Amerikano. Pinatatangos ang ilog, sapilitang pinipilit na paputiin ang kulay ng balat, at kung bumanat sa pagsasalita ng English ay napapalingon ang mga Amerikano sa pumapalupot na punto. Kahit na anumang gawa at may bahid Amerika, ay kinababaliwan at kinokopya natin. Ang colonial mentality ay patuloy pa hanggang ngayon. Sa kabila ng pag-unlad ng ating mga kalapit-bansa sa Asya na nagawang tumindig at mapaunlad ang kanilang kabuhayan. Ang mga bansang ito, Malaysia, Singapore (English), Indonesia (Dutch), Vietnam, Cambodia, Laos (French), at maraming iba pa ay sinakop din ng mga banyaga at pinagmalupitan. Naghimagsik at lumaban din sila at nagawang maitaboy din mg mga kolonyang dayuhan. Subalit pinilit na tumindig, nanindigan, malayang nagsarili, at pinaunlad ang kanilang mga bansa. 

   At tayo naman ay naging kabaligtaran, nanatiling nakalugmok at hindi malaya, na laging palaasa sa Amerika sa lahat ng bagay. Pati mga suliraning pambansa ay idinudulog natin sa Amerika upang pagpasiyahan nito. Kung saan naroon ang Amerika, naroon din tayo, mapamali at mapatama ito ay laging nakabuntot tayo. 

    Sa bawa’t taon, patuloy tayong napag-iiwanan ng mga kalapit na bansa sa Asya. Naging taguri na at karaniwang tawag sa atin ang “basket case of Asia” o pulubing bansa ng Asya. Na sa halip na maka-industriya at lumilikha ng “Made in the Philippines” mas kilala tayo sa tawag na“Maid in the Philippines” o maging-katulong ang patakaran ng ating pamahalaan. 

Araw ng Kataksilan
   Higit nating ipinagyayabang ang pagkakaroon ng hungkag na "Araw ng Kalayaan" at ginagastusan ng milyung-milyong salapi (10 million pesos, this year) Subalit tahasang pinababayaan ang kakulangan ng silid-aralan, mga guro, mga pagamutan at marami pang mga paglilingkod bayan. Binabawasan pa ang inilalaang budget o panustos dito at inililipat sa mga bagay na pampapogi points na pinapalakpakan at humahakot ng boto. Ilang silid-aralan ang katumbas ng 10 milyong piso? At ilang bata ang magpapatuloy ng pag-aaral kung may sapat na panustos ang pamahalaan?

   Hindi ba kapansin-pansin na ang paggamit ng katagang KASARINLAN ay kusa ng iniiwasan? Dahil ang kasarinlan ay nagpapakilala ng pagsasarili. Gayong hindi naman tayo may sariling paninindigan at nakapangyayari sa ating bansa. Mismong mga pinuno ng ating pamahalaan ang nagpapatunay na walang katotohanan na tayo ay tunay na may KASARINLAN. Pawang mga "Unfulfilled Dreams," "Unfinished Revolution," "Untold History," Without a Nation," at marami pang iba. Kaya nga pahapyaw lamang na ginamit ang "Araw ng Kalayaan" kaysa "Araw ng KASARINLAN" Dahil ang kalayaan na binabanggit sa "Araw ng Kalayaan" ay ang pagiginng malaya na sumunod-sunod at bumuntot sa mga Amerikano. Ang katwiran ng mga nakaupo at nanunungkulan sa ating pamahalaan, hindi naman ito ipinagbabawal ng Amerika. Malaya ang mga huwad na Pilipinong yakapin at kopyahin ang kanilang kultura. Ito ang tunay na simbolo o sagisag ng "Araw ng Kalayaan" . . . .  opps, "Araw ng Kataksilan" pala.

PAGPAPATUNAY:
   Hindi tayo malaya. Higit nating tinatangkilik ang mga kulturang banyaga kaysa ating mga katutubong kultura. Ang mga dayuhang palabas, concert shows, entertainment, sports, basta foreign ay dinudumog natin. Pinipintasan at ating tinatawanan kapag likhang Pilipino. Higit pang nagpapahalaga ang ibang lahi kaysa atin pagdating sa ating kahusayan sa maraming larangan. Mismong mga kalahi natin ang humuhusga at umaaglahi sa ating mga kababayan. Hindi katakatakang mapag-iwanan tayo sa Asya. Pansinin ang mga pamilihan at mga naglalakihang supermarket at mall, pawang dayuhang produkto ang ipinagbibili ng lantaran. Maging halos lahat ng ating mga karaniwang pagkain ay nagmumula na rin sa ibang bansa. Tuluyan na tayong kakaiba sa lahat ng bansa. Maging ang ating kaluluwa ay pinipilit na maisangla sa mga dayuhan. 

   Tanungin mo maging ang isang paslit kung saang bansa ang nais niyang tumira. Hindi niya magagawang banggitin ang Pilipinas. Dahil, ikinahihiya niya ito. Hindi tayo malaya. Ito ang ganap na katotohanan at umiiral sa ating kaisipan. Hanggang binabalot ng kaisipang banyaga ang ating kamalayan, hindi tayo kailanman magiging malaya.

   Ang pagiging malaya ng isang bansa ay makikita sa ginagawang pagpapahalaga at pagdakila ng mga mamamayan nito sa sariling bansa at pagmamalasakit sa mga kababayan. Sinuman ang sumisira sa karangalan ng ating bansa at ginagawang katawatawa ang kanyang mga kababayan ay walang karapatang matawag na Pilipino.

   Binabalot pa rin ang ating kaisipan ng mga sinaunang pamanhiin at mga panloloko na ating minana pa sa mga Kastila. Patuloy ang pagsulputan na mistulang kabuti ang mga relihiyong lumalason at umaalipin sa kabatirang Pilipino. Kahit lantaran at hayagan nang mga bilyonaryo sa kayamanan ang mga namumuno sa mga sekta ng mga relihiyong ito ay nananatiling bulag pa sa katotohanan ang mga nakararaming Pilipino. Isiniwalat na ang mga panlolokong ito ng mga nasa relihiyon ni Gat Jose Rizal sa dalawa niyang dakilang aklat. Maging si Hesukristo ay tinuligsa ang mga mapagsamantalang bulag na "taga-akay" na ito. Ginagamit nila ang relihiyon sa pagpapayaman, pamumulitika, pakikialam at pagsasalaula sa mga makabayang panuntunan. Kung katotohanan ang mga ipinamamarali nito at tahasang maka-Diyos bakit hindi umunlad ang Pilipinas, at lalo pang dumarami ang naghihirap? Gayong ipinagmamalaki ng mga ito ang pagiging pangunahing Katoliko sa Asya. At silang mga namumuno at nagpapalakad sa mga relihiyong ito lamang ang laging yumayaman. 

   Patuloy pa rin amg mga pataksil na pagpatay sa mga kababayan nating tumitindig at gumigising sa atin na maunawaang lubusan ang mga kabulukan at kabuktutang ito sa ating lipunan. Ang pagiging tuta at palasunod sa kagustuhan na ibang bansa ay walang sariling paninindigan at pagmamahal sa sariling bayan. Wala itong tunay na Kalayaan na maipagmamalaki kahit kaninuman. Tagasunod, utusan, at palahingi ang laging kapalaran nito. Kaya lamang nagpapatuloy ang maling sistema ay kung may nagpapaloko at nanloloko. Habang may nagpapaapi ay may mang-aapi.

   Ang Amerika ay makapangyarihang bansa, isang demokratiko at bukas na lipunang bansa. Nais nitong "makatulong at umunlad" ang Pilipinas, hindi nito maiiwan at maiibigan na mapahamak ng lubusan ang ating bansa. Hindi niya magagawang patayin ang gansang nangingitlog ng ginto na kanyang ikinabubuhay. Malaki ang nagagawa ng Pilipinas sa bahaging ito ng Asya para sa Amerika. Subalit kung mismong mga nanunungkulan at mga naghaharing-uri sa ating lipunan ang sumasalungat na mangyari na umunlad tayo, mas uunahin ng Amerika na pangalagaan nito ang kanyang mga interes at pinanggagalingan ng kanyang mga kabuhayan.

   Panahon na ang tumindig tayo at ipaglaban natin ang ating mga karapatan. Kung nais nating umunlad at maging isang malayang bansa, buwagin natin ang mga institusyong umaalipin, nagsasamantala, nagpapahirap, sumusupil sa ating mga karapatang pantao, at kumikitil ng maraming buhay sa ating mga mamamayan. Batikusin ang mga umiiral na sabwatan. Lansagin ang mga sandatahang lihim na itinatag ng pamahalaan laban sa makabayang adhikain. Hulihin at parusahan ang mga heneral sa militar na nag-utos sa karumaldumal ng mga pagkidnap, pagpapahirap, at mga pagpatay sa ating mga kababayan. Ilantad at ikulong ang mga magnanakaw sa kaban ng bayan. Tutulan at labanan ang mga pagpapahirap at pananakot ng mga tulisang Abu Sayyaf at NPA o Bagong Hukbo ng Bayan. Pawang kaguluhan at pamiminsala lamang ang minimithi ng mga ito (destabilization campaign)
   
   Walang katotohanan ang mga salitang terorista, komunista, aktibista, at kalaban ng bayan na ikinakabit sa sa mga tunay na nagtataguyod ng demokrasya at karapatang pantao. Mga nilikhang kataga ito upang mailigaw at maitulad sa Abu Sayyaf at NPA ang ating mga makabayang mamamayan na lumalaban sa mga mapang-api at nagpapanatili ng status quo o naghaharing-uri sa ating lipunan. Inilapat at ikinabit ito upang matakpan at mapigilan ang pag-unlad ng Pilipinas at mapanatili nila ang kanilang kapangyarihan. Ginagamit itong mabisa laban sa mga tunay na makabayan na nagsisiwalat sa mga sabwatang ito. Ang mga sumisira sa ating lipunan ay huwag ihalal, parangalan, at pahintulutang gawing mga bayani at mailibing sa Libingan ng mga Bayani. Kahit na ang buong Kongreso ang may kagustuhan at pinangungunahan ito. Isang pagmamalabis at hayagang panloloko na ito sa atin. Kung nais nating maging ganap na malaya ang ating bansa, panatilihin nating mayroon tayong dangal at salungat sa mga kabuktutang umiiral ngayon sa ating bansa. 

Nakasandig dito ang kinabukasan ng susunod nating henerasyon, ang pagiging malaya at makapangyarihan ng sambayanan. Nakapaloob dito ang ating lubos na kaligtasan, kaunlaran, at kapayapaan. Sa kapasiyahang ito lamang ating matitiyak ang kapalaran na ating namimighating sambayanang Pilipino. 

Ang makamit ang tunay na diwa ng pagiging MALAYA. Ang magkaroon ng tunay na Kalayaan para sa ating minamahal na bansang Pilipinas. Aking dalangin, sa tuwing sasapit ang ika-12 ng Hunyo, makita nating ganap na malaya ang ating bansa at magawanating nag-uumalab ang ating mga puso na ipagbunyi ito nang walang halong pagkukunwari, bagkus may kawagasan at busilak na pagtatangi sa ating mahal na Inang-bayan.




No comments:

Post a Comment