Pabatid Tanaw

Thursday, June 16, 2011

Ang Bahaghari ni Karlo



   Ika-12 ng Hunyo at kapistahan ng bayan ng Rosales sa Pangasinan, at kaalinsabay nito ang “Araw ng Kalayaan” ngunit walang nagaganap na pagbubunyi  tungkol sa kasarinlan. Lahat ay abala sa kapistahan, paghahanda ng mga pagkain, at pag-aasikaso sa mga bisita. 

   Sa isang kusina, inaayos ng limang taong gulang na si Karlo ang mga kubyertos sa mga plato nang masulyapan niya ang nakasabit na salaming may disenyong tatak ng bahag-hari. Nabighani siya kagandahan at makulay na pagkakatatak (screenprinted )nito. Tinanong ang kanyang Nanay Loleng (Lola niya sa kanyang ina) na abalang inililipat ang mga ulam sa bandehado.

“Nanay, sila Tatay po ba ang nagtatak ng bahaghari sa salamin?”
”Ah, ‘yon bang nasa itaas ng estante, apo ko?  Sila nga, kasama ang Tito Tony mo. Siya ang humagod sa pagtatak. Ginawa nila iyan noong nasa elementarya pa ang Mama Carina mo.” Ang nakangiting tugon ng kanyang Lola habang pinapahid ang tumulong pawis nito sa noo.

   “Ano po iyong nakasulat sa ibaba?Ang muling tanong ni Karlo.

   “Pakatandaan: Kung nais mong makagawa ng bahaghari, kailangan mo ng araw at ulan.” Ang bigkas ng Lola niya.

   “Bakit po ganoon?” May pagtatakang naitanong ni Karlo, “Kasi po, tuwing umuulan ay madilim ang langit at natatakpan ang araw.” Ang idinugtong pa nito.

   “Ah, halika nga dine sa tabi ko at umupo ka. Ipapaliwanag ko sa iyo, kung bakit.” Natutuwang anyaya ng kanyang Lola mula sa inuupuang bangko nito.

   “Ipinalagay ko iyan sa Tito Junior mo sa itaas ng estante, upang lagi kong nakikita sa araw-araw sa tuwing narito ako sa kusina at nagluluto. Iyan ang aking pampasigla, at pinagkukunan ng aking lakas kapag ako’y napapagod at nag-aalala. Sa tuwinang may bagabag at takot ako sa buhay, sinusulyapan ko iyan. Dahil hindi lahat ay pawang kadiliman sa buhay, kahit papaano ang araw ay sisilay muli upang magkaroon ng liwanag.”  

“Eh, bakit po may bahaghari na may iba’t-ibang kulay pa?” Nakakunot-noong pakli ni Karlo sa Lola.

“Dahil lumilitaw lamang ang bahaghari kapag umuulan at kasabay na sumisikat ang araw. Ang ibig sabihin nito, kahit may problema ka at sumasabay na madilim ang kalangitan, huwag kang mabahala, hindi ito magtatagal at lilitaw din ang araw o ang kalunasan ng iyong problema, kasabay nito ang paglikha naman ng bahaghari na may maraming kulay upang pasiglahin ka, maging matatag, at magkaroon ng ibayong pag-asa.” May kagalakang paliwanag ni Nanay Loleng habang sinusuklay nito ang nagusot na buhok ng nakangiting apo. Ito na pala ang huling pagniniig ng maglola, nagmistula itong isang pahimakas o huling habilin.

   Matapos ang tagpong ito, ilang buwan lamang ang lumipas ay binawian ng buhay si Nanay Loleng, sanhi ng kumplikasyon sa gamot. Ngunit sa kanyang libing nang ito’y ilakad na patungong sementeryo, kahit pinagbawalan, bitbit ni Karlo at lumuluha habang lumalakad ang nakabalot na salaming may tatak ng bahaghari. Ito lamang ang tanging alaalang naiwan ng Lola niya sa kanya na minahal niya nang lubusan. Niyakap niya itong mahigpit at tuluyang humagulgol nang ibinababa na sa hukay ang kabaong ng kanyang Lola. Inuusal ang mga katagang, “Kung nais mo ng bahaghari, kailangan mo ng araw at ulan.”

   Hindi pa rin niya ito nalilimutan. Maganda at mamahaling kuwadro ang kinalalagyan ngayon ng salaming may tatak ng bahaghari. Nakasabit ngayon ito sa salas ng bahay niya sa San Jose, California. Sa gulang na tatlumpo’t pitong taon ngayon at maraming pakikibaka sa buhay, hindi siya kailanman sumusuko. Hindi katakatakang sa gulang na ito ay naging matagumpay at maligaya siya sa buhay. Kabibili niyang muli ng isa pang bahay sa Texas, na kung saan doon niya at ng kanyang pamilya nais manirahan. Palagi, sa tuwing nakakausap ko siya at nagpapalitan kami ng mga kuro-kuro sa iba't-ibang talakayan sa buhay, bahagi na ng kanyang pananalita ang, “Kung nais mo ng bahaghari, kailangan mo ng araw at ulan.”

Talahuluganan, n. glossary
Ang mga katagang narito ay mula sa paksang nasa itaas. Ito'y para sa mga nagnanais na mabalikan ang nakalimutang mga salita at maunawaang lubos, at maging doon sa mga may nais makatiyak sa tunay na kahulugan at angkop sa pangyayari o pagkakataon, upang mapalawak ang kanilang paggamit ng ating wikang Pilipino.

Naniniwala tayo na ang talahulugunan ay kailangang tayo ang sumulat.
bahaghari, n. rainbow
kasarinlan, n. independence  kalayaan, n. freedom to do what you want
kaalinsabay, n. at the same time
tatak, n. imprint, impression, print
pakli, dagli, sabat, n. sudden gesture
talakayan, n. discussion
kuro-kuro, n. opinion, assumption, speculation
habilin, bilin, paalaala n. will, instruction, reminder,
pahimakas, n. farewell



No comments:

Post a Comment