Pabatid Tanaw

Sunday, May 01, 2011

Sino Ako?



   Ito na ang tamang panahon upang simulan mong maglakbay sa pagtuklas ng iyong katauhan. Simulang alamin kung papaano mo higit na mauunawaan ang mga nakatagong likas na kapangyarihan at kawatasan ng iyong pagkatao. Pakawalan, linangin at pagyamanin ang iyong pagkamalikhain at tuparin ang tadhanang nakalaan sa iyo.
   Ito ang iyong katotohanan, ang iyong dakilang layunin na magkaroon ng kaganapan kung sino kang talaga. Hindi mo kailanman maisasakatuparan ang tungkuling supilin ang iyong sarili hangga't wala kang kabatiran tungkol dito.
   Una sa lahat ay ang matanggap mo ang iyong sarili na ikaw ito. Walang sinumang nakapangyayari maliban sa iyo. Lahat ng mga nauukol at nakapaloob sa iyong katauhan, maging kalakasan o kahinaan man ito. Mga pinaniniwalaan, kinagigiliwan o kinahuhumalingan, mga simbuyo ng dadamin, mga bagabag, kinakatakutan o kinaiinisan, minamahal o dinadamayan, atbp. At kung natanggap mo ang lahat ng kumakatawan at nangyayari sa iyo sa tamang kaparaanan, nagawa mo nang supilin ang iyong pagkatao.
   Subalit habang patuloy kang walang nalalaman, mistula kang anino lamang ng iyong likas at tunay na katauhan. At lahat ng bagay na pumapasok sa iyong kaisipan mula sa iyong pangmalas at paniniwala ay siyang lumulukob at nangingibabaw kung sino ka.
   Ating nililikha at hinuhubog ang ating mga pag-uugali, katauhan, at mga kalagayan sa buhay ng kung ano ang ating iniisip.

   Sino ako?
   Ano ang aking layunin?
   Anong mangyayari kapag ako'y yumao?
   Sino o Ano ang Diyos? 

   Mga katanungang nangangailangan ng tamang kasagutan. Saan ako nanggaling? Sa ganang akin, ito ang laging umuukilkil sa aking isipan at tunay na pangunahin at malaking katanungan.

   Ang unang katanungan bago ang mga ito na kailangan munang masagot sa gagawing paglalakbay upang tuklasin ang iyong sarili at masimulan ang paglikha kung sino ka ay ito:

Saan ko nais magtungo?   
at  
Papaano ako makakarating doon? 

   Kung hindi mo alam kung saan ka patungo, wala kang malalaman kung dumating ka man doon. Datapwa't kung batid mo kung saan ka patungo, mapapadali mo ang paglalakbay ng walang gaanong mga sagabal at alalahanin.

   Bakit, kailangan pa ba ito?

    Mahalaga ito sa lahat bago pumalaot at makibaka sa takbo ng buhay kung nais mong magtagumpay at maging maligaya; sa mga kadahilanang ito:
   -Hindi natin alam kung ano ang talagang nais natin, at
   -Hindi natin alam kung papaano ito malilikha.

   Ang binhing buto kapag itinanim sa masaganang lupa ay magigising at magkakaubod. Itutulak lahat ng nasa ibabaw nito at sisibol, magkakadahon, yayabong, mamumulaklak, at magbubunga. At mula dito'y panibagong henerasyon ang muling magaganap. Isang bagong buhay ang nilikha at tinupad sa kanyang pagtubo. Ito ang kanyang likas na layunin.
   Tayo man ay dumaraan din sa prosesong ito. Mayroon tayong dakilang layunin na nakatakda upang ating gampanan. Kailangang malaman natin ito at paalpasin mula sa matagal na pagkakakulong sa ating sarili.

Nagtatago ang mga ito sa ating mga:
       Kalooban                           Pagsasagawa
       Damdamin o Emosyon   -Isiwalat ang tunay na nadarama at malaya itong ihayag
       Mga Relasyon                -Tuparing makatotohanan at may katapatan ang pakikipag-usap
       Pagmamahal                   -Ipagkaloob ang pagmamalasakit at walang pasubaling pagmamahal
       Katawan                        -Mahalin, igalang, ingatan, at pangalagaan
       Pananalapi                      -Maniwala na kayang lumikha ng kasaganaan
       Trabaho o Gawain          -Timbangin na ang tagumpay ay kalakip ang personal na buhay
       Pananalig                        -Patnubayan ang sarili ng kaluwalhatian ng Dakilang Lumikha sa tuwina

   Ilan lamang ito sa nararapat na pagtuunan ng atensiyon. Anuman ang iyong nadarama; nakakatiyak kang magandang panimula ito kung saang mo ibabaling higit ang iyong pang-unawa, at magpapasigla sa iyong makatotohanang pagharap sa buhay.
   Wala ng makahihigit pang maging libangan at sadya namang may kabuluhan at makahulugan kundi ang tuklusin at pagyamanin ang sarili. Maliban dito ang lahat ay pawang komentaryo na lamang. 




Ang inyong kabayang Tilaok,

Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment