Pabatid Tanaw

Tuesday, May 03, 2011

Sino Nga Ba Ako?



   Ang mabuksan ang ating mga mata sa mga kaganapang nakapaligid sa atin ay isang magandang pagkakataon upang matuklasan natin ang mga lihim na nakatago sa likod nito. Dahil nakakubli, may nakabantang panganib na anumang sandali'y puputok. Sapagkat hindi lahat ng ating namamalas, nabibigyan ng pansin, at kinahuhumalingan ay pawang mga katotohanan. Mga panlabas na anyo na umaagaw ng iyong atensiyon upang mahumaling at makalimutan ang tunay na layunin sa pagkakalalang sa iyo.
   Nakakaaliw, nakakatukso, at kawiliwili, ngunit walang ipinagbabago ito sa iyong kalagayan. Ganoon pa rin tulad ng dati, patuloy ang paggulong at hindi makapitan ng lumot. Ang buhay na walang pagsusuri ay buhay na walang kabuluhan at mistulang patay. Buhay alamang na palukso-lukso at walang patutunguhan. 
   Kumatok at ikaw ay pagbubuksan. Humiling at ikaw ay bibigyan. Huwag lamang sumulyap o tumingin, bagkus pakatitigan at ikaw ay pagkakalooban. Dahil ito ikaw, ang iyong buong buhay at buong kamalayan ay nakasalalay dito. Ito ang magpapasiya kung sa maaliwalas o masalimoot ang iyong kinapupuntahan.

Dumilat at imulat na mabuti ang iyong mga mata . . .

   Sinadya kong baguhin ang letrang G bilang sagisag ng “Gabay” at letrang t sa huli, bilang “totoo.” Bumulong ang aking munting tinig, sa Inggles ang G ay: G = GOD,  t = truth  
Totoo nga naman.

 Paghahayag ito na ang Dakilang Lumikha, ang Siya lamang katotohanan. At ito ang magpapalaya sa iyo.


   Sa pagtunghay sa ating buhay, huwag natin itong tignan, bagkus masusi natin itong titigan, suriin, at langkapan ng wagas na katotohanan na nanggagaling sa kaibuturan ng ating puso, diwa at kaluluwa. Sapagkat kung hindi magkasanib ang tatlong ito, pawang kalituhan at pabago-bagong kapasiyahan ang lulukob o mangingibabaw sa iyo. Wala kang matatapos anuman na nagpapahiwatig ng iyong tunay at wagas na katauhan. Dito nakapaloob ang tunay at dakila mong layunin sa iyong buhay.

   Bakit? Dahil sakbibi ka pa rin ng kalungkutan at kapighatian hanggang sa ngayon. Kung maaari lamang, lumapit ka sa salamin at pagmasdan mo ang iyong sarili. 

Itanong ito: Sino ka?
   Tumingin ka ng tuwiran sa kalaliman ng iyong mga mata, arukin ang kalooban nito. Sino ang kaharap kong ito? Ano ang aking ginawa sa kanya? Anuman ang biglang sumapuso mo, ito ang iyong nagawa sa hiram na katawang sinasakyan mo ngayon kalakip ng iyong diwa at kaluluwa. 

   Masaya o masaklap, nakakagalak o nakapanlulumo, kaligayahan o kapighatian; lahat ng ito’y ikaw ang may likha. Hindi ito naganap ng wala kang pahintulot. Anuman ang iyong natapos, antas ng buhay, at kinalalagyan sa ngayon ay sarili mong kapasiyahan lamang. Sinuman, anuman, gaanuman, at kailanman ay walang makapangyayari kung hindi mo kagustuhan.

Paglimiin ang mga kaganapang ito sa iyo:

SINO BA AKO?

Laging may hinahanap ngunit hindi matagpuan.
Nangungulila wala namang masumpungan.

Tinatamad gayong masipag.
Panandaliang aliw ang inaatupag.

Masaya ngunit hindi naman nagagalak.
Nababalisa nang walang katiting na balak.

Hindi malaman ang patutunguhan.
Paikot-ikot at pabalik-balik ang natutuhan.

Umaasa na tila may hinahanap.
Balang araw daw ang lahat ay magaganap.

Laging sa malayo nakatanaw.
Bagabag ang kaulayaw sa gabi’t araw.

May inaarok wala namang maapuhap.
Pinababayaan ang sarili't hindi malingap.

Palinga-linga at hindi mapakali.
Kawalan ng pag-asa ang nasa isip lagi.

 Ito nga ba at wala ng iba pa kung sino ako.
Walang katiyakan sa buhay at laging nalilito.



SANG-AYON SA IYO

   Laging nasasambit, kailan kaya magbabago ang aking kalagayan?  Talaga bang ganito na lamang ang lahat? “Hindi ko matatanggap ang ganitong kalagayan, hindi ako ito!“ ---Sang-ayon sa iyo.

   Tumpak! Talagang hindi karapatdapat ang nangyayari sa iyo, mabuti man at masama.  Anumang dumaratal sa iyong buhay ay hindi mo kagagawan. Ang maraming bagay na nagaganap sa iyo ay walang kinalaman sa tagumpay o nakamtan mong mga bagay.

  Hindi karapatdapat sa iyo na ipanganak ka sa iyong pamilya---kahit na ito’y kagilagilalas, makaDiyos o makamundo, mayaman o mahirap man ito. Wala kang kinalaman dito. Hindi ikaw ang pumili ng iyong mga magulang pati ang bonus na mga kamag-anak. Sang-ayon sa iyo.
  Hindi karapatdapat sa iyo na lumaki sa paligid ng mga kapitbahay mo---mariwasa o maralita, tahimik o mabulahaw, mabait o salbahe, mapitagan o mapusok, mapagkumbaba o mapagmataas silang lahat. Namulat na lamang ang iyong mga mata sa ganitong mga kapaligiran. Sang-ayon sa iyo.
   Hindi karapatdapat sa iyo na tumanggap ng mga pagkakataon sa iyo’y ibinigay. Dumadating itong kusa at kailangang sunggaban kaagad upang makaahon sa hirap. Sang-ayon sa iyo
   Hindi karapatdapat na ang mga pagpuna at paninisi ay ipukol at lasapin mo. Sang-ayon sa iyo.
   Hindi karapatdapat na manatili kang walang katiyakan sa buhay at laging nag-iisa. Sang-ayon sa iyo.
    At . . .
   Hindi karapatdapat ang mga ito; ay patuloy na nangyayari sa iyo. Sang-ayon sa iyo.

Teka muna, totoo bang lahat nang iyong binabanggit?

   Subalit ang daigdig natin ay laging pakikibaka, pakikihamok, at walang hintong paglalaban. Wika nga, “Matira ang matibay!” Lahat ay puwede. Kailangan lamang palagi kang gising at handa sa anumang magaganap, sapagkat kapag ikaw ay nalingat, mistula kang tuyot na patpat na aanurin ng rumaragasang tubig upang ihampas sa mga batong dinaraanan. Gusto mo ba ito?
   Kung gayon, bakit nangyayari sa iyo na may bumabagabag at patuloy kang hindi mapakali? Sang-ayon sa iyo, "Masaya nga ngunit hindi naman maligaya."
    At katwiran mo malaki ang kaibahan sa pagitan ng happy at joy. Totoo ito.
    Ang saya ay panandalian, tulad ng sumali ka sa pagdiriwang. Matapos ang kasayahan, babalik ulit ang dating normal na kalagayan. Samantalang ang kaligayahan ay patuloy. Habang paulit-ulit ang kasiyahan mo ay batbat ka ng kaligayahan. Namamayani ang kaligayahan kapag patuloy kang masaya. Kailangan lamang ay malaman at maunawaan mo ang mga ito.

   Ano ang karapatdapat mong malaman? Anong mga pagbabago ang nangangailangan ng masusing atensiyon at desisyon upang makagawa ka ng mga kaparaanang magsasaliksik sa mga bumabagabag sa iyo?
 
  Madali lamang ito, tungkol ito sa panalangin. Kung may pananalig ka, dalangin lamang ang kailangan.

  "Ow, talaga? Luma na iyan, nais ko ‘yong bago naman."
  Teka muna ulit, sino ka bang kumakausap sa akin?

   Ahh, ang aking munting tinig. Susupilin muna kita sa sandaling ito, pabayaan mong magpatuloy ako.

   Ang dalangin ay lagi nating kaulayaw sa tuwina. Malimit nating ginagawa ito sa tuwing binibigkas natin ang; sana, nawa, harinawa, marahil, salamat, at mabuhay! Marami pa, kaya lamang humahaba ang ating paksa. (Tatalakayin natin ito sa susunod.)

Magpatuloy tayo . . .
    At doon sa taimtim at talaga namang sumisigid ang panalangin, lalo na’t may hawak na tiket ng lotto, kumpleto at may drama pa ito (nakaluhod at binabasa ng luha ang panyong hawak). Ngunit kadalasan, sang-ayon sa iyo, walang epekto ito. Walang ipinagbabago sa iyong kalagayan. Nananatiling pa rin na si Tibo o Isko ang pangalan mo. Gayong ang idinadalangin mo'y kapag ikaw ay nanalo, Steve o Frank ang itatawag sa iyo. 

   Sana, sang-ayon sa iyo.

   Kaya lamang, ang katotohanan;  lahat ng iyong mga dalangin ay sinasagot ng Dakilang Lumikha. Alam mo ba ito? Wika ng isa kong kaibigang banyaga;
"God whispers to us in our joys, speaks to us in our difficulties, and shouts to us in our pain."
    Lahat ng nagaganap sa iyo ay may mga kadahilanan, at ang mga ito'y magpapatuloy. Gumising at masugid na harapin ang mga ito.
   Dangan nga lamang ang iyong atensiyon ay nasa ibang dako. Bagkus na magsalamin ka; idilat ang iyong mga mata, at pakalimiin, kung sino ka nga ba?. Hindi parati doon sa labas ng iyong sarili ikaw ay laging nakatingin, naghihintay, at nangangarap.

Alam mo bang ang mga bangungot, hilahil, bagabag, at pagkabalisa ay mga katok sa iyo ng Diyos upang siya ay pagbuksan mo? Dahil sa Kanyang pagmamahal sa iyo; ay patuloy ang pagkakaloob Niya ng mga paghamon, upang ikaw ay maging matibay at matatag. At ang mga ito'y sadyang inilaan para sa iyo, sapagkat may kakayahan kang lunasan at pagtagumpayan ang mga ito. Sapagkat may higit na malaking pabuya na darating sa iyo. 

Papaano masusukat ang iyong kakayahan, kung sa maliliit na bagay pa lamang ay umiiwas, tumututol, at tumatakas ka. Papaano na kung ito'y malaki at mabigat na? Pagsusuri lamang ang kailangan at bakit ito ay may katotohanan?

Idilat ang iyong mga mata, at harapin ang iyong katotohanan. 

Pagmumulat, ito ang karapatdapat. Sang-ayon sa Katotohanan.

Gumising!

Pag-aralan!

Pagsikapan!

Ipaglaban!
Pairalin!

Magdiwang!
 
 Simulan at ang lahat ay madali lamang.




Ang inyong kababayang Tilaok

Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment