Pabatid Tanaw

Sunday, April 24, 2011

Ikaw Lamang at Wala ng Iba pa



Ikaw ang lumilikha ng sarili mong daigdig.


   Ang pinakamahalagang pagkatuklas sa kasaysayan ng sangkatauhan ay nang mabatid ang kapangyarihan ng ating kaisipan na likhain ang anumang bagay na hangad mo sa iyong buhay. Lahat ng iyong nakikita, mga nalalakihang gusali, naggagandahang mga parke o pook pasyalan, mga nagtataasang monumento, mga kamangha-manghang kagamitan, mga makabagong sasakyan, mga panlunas sa karamdaman; ang lahat ng ito’y nagsisimula lamang sa isip at isang ideya sa utak ng isang tao, bago ito maging isang kaganapan. Lahat sa iyong buhay ay nagsimula sa isang isip, isang hangarin, isang pag-asa, o pangarap sa iyong kaisipan o sa kaisipan ng iba. Ang iyong mga iniisip ay lumilikha, hinuhubog at binibigyang anyo ang iyong sariling daigdig at lahat ng mga nagaganap sa iyo.

   Ang kabubuan at pangunahing pahayag ng lahat ng relihiyon, mga pilosopiya, mga metapisika, mga sikolohiya, at mga tagumpay sa iba’t ibang larangan ay ito: Nagiging ikaw anumang iniisip mo sa lahat ng sandali. Ang panlabas mong daigdig sa kabubuan ay bunga lamang ng iyong mga pansariling pananaw, at kawangis ng isang salamin na inilalarawan lamang itong pabalik ang anumang iyong iniisip. Anuman ang patuloy mong iniisip ay patuloy ding lumilitaw sa iyong kaganapan o reyalidad. Ang iniisip mo ay naggiging ikaw. Wala itong pasubali, ikaw lamang at wala ng iba pa ang lumilikha nito.
   Libu-libong matatagumpay na tao ang tinanong kung ano ang kanilang iniisip sa lahat ng sandali, ang madalas nilang katugunan ay iniisip nila sa lahat ng sandali ang tungkol sa kung ano ang kanilang nais, at kung papaano nila ito makukuha.

   Ang mga hindi nagtatagumpay at malulungkuting mga tao ay nag-iisip at nagsasalita kung ano ang hindi nila nais sa lahat ng sandali. Palagi nilang pinag-uusapan ang mga problema at mga bagabag, at kung sino ang dapat panagutin o sisihin sa mga ito. Madalas pawang karaingan at paninimdim ang kumakatawan sa kanila. At nais nilang may makapiling sa tuwina at nahahalina silang palagi na may makasama.
   Matutunghayan ito sa naganap sa ‘Willing Willie’ ni Willie Revillame sa TV5, ang "makamundong pagsayaw" ni Jan-Jan. Bagaman hindi ko ito nasaksihan, maging ako ay nabahiran ng puwing nito. Isa daw klase ito ng wave dance na popular sa mga bata, at isang karumaldumal na krimen ng child abuse. Ang tanong: Bakit naging isang pambansang problema na laging nasa media; mga pahayagan, telebisyon, at radyo, at kasangkot ang mga departamento ng pamahalaan at maging ang palasyo ng Malacanang?   
   Gayong dati na itong itinatanghal at higit pang may malalaswa kaysa dito na hindi binatikos ng ganitong kasidhi, subalit sa pagbabanggaan ng dalawang network lahat ay umuusisa, nakikisawsaw, at humihingi ng mga pampapogi points. Bigla, naging isang malaking pambansang pinsala ito na kailangang sugpuin, panagutin ang maysala, at ihintong tuluyan ang palabas. 

   Ano ang nakapaloob dito? Paghihiganti dahil sa pulitika, pangwawasak dahil nawalan ng malaking pinagkakakitaan ang isang network, panibugho, pagkainggit o isang talangkang paghahamok? Isa lamang itong uri ng pagtatanghal na kung ano ang iyong pinanonood at masugid na sinusubaybayan, ay naroon ang buong panahon mo. At, malinaw dito, ito rin ang laging laman ng iyong isipan, na lumalabas at nagiging kataga sa iyong mga pangungusap, at nagsisilbing sukatan ng iyong pagkatao, at sa kalauna'y magiging kapalaran mo.
   Pagmasdan ang mga kalagayan ng mga nahuhumaling at sumasali dito at malilirip mo kung nararapat pang pag-ukulan ito ng makabuluhang atensiyon. Maaari namang magtanghal ng mga palabas na naka-aaliw, gumigising at nagpapalawak ng karunungan, may pagpapahalaga sa pagkatao at makapagpapaunlad sa buhay. Subalit, kalimitan ang tugon ay hindi pagkakakitaan ito. Walang gaanong may nais o hilig sa ganitong mga panoorin.
   Nasa pagpili lamang ng panonoorin; at ito'y nakasalalay sa uri at antas ng pagkatao ng manonood. Sapagkat may nagwika, "Sabihin mo sa akin kung ano ang iyong kinagigiliwan o kinahuhumalingang panoorin, sasabihin ko sa iyo, kung sino ka."

   Napakaraming bata ang nagkalat sa lansangan, halos sa lahat ng bayan at mga lungsod ng ating kapuluan ay makikita mo sila. Dito na sila nagsilaki at natutulog at walang kumakandili. Sa murang mga edad, ay ipinagbibili ang mga sarili sa kaunting halaga. Bakit hindi mabigyan o pagtuunan ng pansin ang mga ito ng media: pahayagan, telebisyon, at radyo, at ng ating pamahalaan? Bakit daig pa ang tsunami sa panggagalaiti kay Willie Revillame? Nagtatanong at naggigising lamang po tayo dito.
   Sandaling kalimutan ito, at magpatuloy tayo---
   Kapag ang atensiyon ay nasa putik, mapuputikan ka. Walang humawak sa kawali nang hindi naulingan. Kung ang daigdig na kinahuhumalingan mo'y kaunlaran para sa sarili, kaunlaran ang mangyayari sa iyo. Kung mabuti ang ipinasok, ay mabuti din ang lalabas mula dito. Basurang pumasok, basura ding lalabas. Kabutihan ang tinanggap, kabutihan din ang igaganti. Ito ang tunay na kalakaran ng buhay. Hindi maaaring salungatin ang katotohanan. Kung ano ang itinanima, katulad din nito ang aanihin.

Kung talagang nais mong may magbago sa iyong kapalaran, pagsusumikapan mong baguhin ang mga bagay na umaagaw sa iyong atensiyon upang magtagumpay. Kailangang maglibang at pasayahin ang sarili, subalit ginagawa lamang ito kung natapos na ang mga responsibilidad sa maghapon, at may nakahandang pagkain sa hapag matapos ang libangan.


   Ang mga matatagumpay na tao ay pinananatili ang kanilang kaisipan at panahon sa mga panooring may kabuluhan at talakayang umuugnay sa kanilang mga lunggati at dakilang layunin. Iniisip, nagsasalita, at naglalaan sa tuwina ng panahon kung ano ang kanilang nais at papaano ito makukuha sa lahat ng sandali.
   Ang mabuhay ng walang malinaw na lunggati, ay katulad ng pagmamaneho sa mga lungsod ng Tagaytay at Baguio sa panahon ng taglamig na kung saan sa gabi at madaling araw ay makapal ang fog o mababang ulap sa iyong unahan. 
   Gaano man  kalakas ang lente o huling modelo ang iyong kotse, mistula kang gumagapang at ilang metro lamang ang nababanaagan mo sa unahan. Subalit kung wala ang fog na ito, malinaw mong makikita ang iyong dinaraanan. Ito ang iyong dakilang layunin, ito ang nagpapalinaw at pinaka-mapa upang madali mong marating ang iyong paroroonan. 

   Kapag pinagpasiyahan mong magkaroon ng malakristal na linaw ang iyong mga lunggati madali mong maitutuon at mapag-iibayo ang mga pagsasakatuparan kung ano ang mga naisin mo. Kailangan mayroon kang dakilang layunin upang ito'y tahasang maganap sa iyong sarili.



Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan


No comments:

Post a Comment