Pabatid Tanaw

Friday, April 29, 2011

Maging Maingat



Ang kabatiran na hindi inilagay sa matuwid ay walang kabuluhan at nagwawasak ng karangalan. Marami ang nahuhumaling sa mga papuri, palakpakan, at katanyagan. Higit pa roon sa mga laki sa duyan, na malimit iniindayog sa mga mapanuksong palabok ng sulsol, pagsusog, at pang-uuto. Ang mga ito'y humahalina, nakakalasing, at nagpapalabo ng kaisipan.
   Sila na mga nakapaligid sa iyo na may pakitang-giliw at laging nakikiayon, ibayo ang pakikisama, palasunod, at sumusumpang kapanalig sa lahat ng sandali ay pakaiwasan. Walang normal na tao ang makakagawa nito ng walang hinihintay na kapalit. Laluna't taga-alingawngaw sila ng iyong mga kapasiyahan maging ito'y tama at mali man.
Pakaingatan at sila'y lihim na mga kaaway. 

At kung may alinlangan ako sa pagiging malapit at kapansin-pansin na pagsuyo ng isang tao sa akin, mayroon akong isang katanungan na madalas kong sandigan, “Ano ang tunay na intensiyon ng taong ito?” Nagsimula ito noon pang bata ako, nang pinag-aaralan namin ang aklat ng ating bayaning si Francisco Baltazar, ang ‘Florante at Laura.’ Sa isang saknong, ay binanggit ito,Kung ang isalubong sa iyóng pagdating, ay masayáng mukha at may pakitang giliw, lalong pakaingatan at kaaway na lihim siyang isaisip na kakabakahin.” Matalim at nagpapalinaw ang pangungusap na ito, sapagkat kung lilimiing mabuti, ang mga taong may mabuting pakay at walang lihim na hangarin, ay karaniwan at normal lamang ang paglapit sa iyo. Walang mga palabok at paligoy-ligoy, at hindi na kailangan pang magsinungaling. Subalit doon sa mga mapagsamantala at may mga maitim na balakin, mistula itong naghahanda ng patibong para ikaw ay mahuli ng kanilang inihahandog na mga pain.
  
   Butingtingin at busisiin ang kanilang mga gawi at kinahuhumalingan; at marami kang matutuklasan. Hindi kailangang malaman ang lahat, subalit makabubuting maunawaan ang mga mahahalagang bagay tungkol sa kanila.

   Ang karampot na kaalaman na isinagawa ay katiyakang lubos, kaysa sa manatiling mangmang at mistulang tao-tauhan na laging binibihisan at idinuduyan sa mga parangal. Manatiling gising at mapagmasid sa mga panlabas na anyo at sa mga balatkayo. Ito ang mga kalawang na sumisira sa bakal. Gaano ka man katibay o katatag, kung wala kang mata sa mga nakagigiliw na mga pasaring at mga papuri, maagnas kang unti-unti hanggang sa malusaw nang hindi mo namamalayan.

   Ang kaalaman ay ang malaman mo ang isang katotohanan. Ang kawatasan ay ang kaalamang ano ang nararapat gawin sa katotohanang ito. Mabuting gawa ang magtiwala, bakit hindi, datapwa't ang makatulog at kawilihan ito ay isang kahangalan na laging humahantong sa malagim na kasawian.

Manatiling tunay na Pilipino, sa isip, sa salita, at sa gawa.


Jesse Guevara
Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment