Pabatid Tanaw

Sunday, April 24, 2011

Manatiling Gising




Siya na may dakilang layunin ay may pag-asa, at siya na may pag-asa ay mayroong lahat ng pagkakataon.

   Sa pagmamaneho; kapag lagi kang nakatingin sa salaming nakatunghay sa likod at hindi ang pagtitig sa daan, malaki ang porsiyento na kapahamakan ang susunod na mangyayari. Maihahambing ito sa laging pagtingin sa nakalipas na panahon; kung patuloy mong sinasariwa ang mga nakaraang kabiguan, patuloy ding nananariwa ang mga kapighatiang idinudulot nito. Ito ang nagpapalabo sa pagtanaw sa hinaharap upang mapabayaang pagtuunan ng ibayong pansin ang iyong kinabukasan.

   Kailangan lamang na harapin at lunasan ang bumabagabag sa isipan. Isipin lamang ang araw na ito ay isang handog at pagkakataon upang makagawa ng kaibahan. Hindi na ito muling magbabalik pa. Nasa iyong kapangyarihan na piliin kung pasasayahin o palulungkutin, pauunlarin o pahihirapin ang araw na ito. Gawing abala ang sarili sa mga responsibilidad at matatakpan nito ang gumugulo sa iyong isipan.


   Kahit maliit ma’y nakapupuwing din. Simulan sa isang maliit na lunggati na sa iyong palagay ay kaya mong tapusin. Ituon ang buong kaisipan at lakas sa mga gagawing pagkilos dito. Makakatiyak kang lalakas din ang posibilidad na ito’y matatapos mo sa takdang panahon. 

   Isipin ito sa ganitong paraan: Ang mahusay na paraan sa paghugas sa kotse ay pigilan mo ang paglabas ng tubig sa hose na ang gamit ay ang iyong daliring hinlalaki. Kapag tinakpan mo ng bahagya, napapaliit nito ang daloy at pinalalakas pa ang pagpusit ng tubig. Bakit? Dahil nagagawang palakasin ang bugso ng lumalabas na tubig at maging matindi ang patama upang tanggalin ang mga maruruming putik na nakadikit sa ilalim at mga gulong ng kotse. Kung pababayaan mo na lamang na kusang tumulo ang tubig at wala kang gagawing anumang pagbabago, katulad ng pagnanais ng magandang kapalaran, napakatagal at walang katiyakang paghihintay ang sasaiyo.
   Katumbas ito kung ang pagtutuunan ng iyong lakas ay maliliit na gawain na madali mong matatapos. Kung ang kakainin mo’y isang buong elepante; imposibleng masakmal mo ito ng buo, simulan mo sa isang kagat paunti-unti at mangyayari ito.
   Sa paglutas sa isang maliit na gawain sa bawat pagkakataon---nababawasan ang ating mga malalaking responsibilidad at unti-unti ring lumalakas ang ating pagtitiwala sa sarili na makakayang tapusin ang kabubuang gawain. Natututuhan natin na nasa mabilisang pagkilos mula sa maliliit na paghamon ay may tuwirang epekto sa kinakalabasan.

   Habang nag-uumalab ang iyong layunin ay may pag-asa; at kung may pag-asa, magagawa anumang naisin mo. Sapagkat kung tayo ay may matinding paniniwala at positibo sa mga ginagawa; ang ating utak ay buong siglang kumikilos at nakatuon lamang dito, mapaglikha, masumigasig, masipag, matatag, at makabuluhan ang mga paggawa.

   Lahat tayo ay dumaraan sa iba’t-ibang yugto kapag nakadarama tayo ng kawalan ng pag-asa. Kapag ang lahat ay nakakahindik at nakakarindi, Ang mga bayarin, mga pangangailangan, mga responsibilidad, mga relasyon, ang naghihintay na mga pangarap---paminsan-minsan lahat ng ito’y sadyang nakakabunsol.

   Sa mga sandaling ito; ang huling bagay lamang na nais mong marinig ay mapalad pa rin ako, sapagkat may mga paa pa rin na nailalakad, may mga matang nakakakita, may mga tainga na nakakarinig, may panlasa, may pandama, at higit sa lahat may matinong pag-iisip. Nawawaglit sa ating isip ang lahat ng ito at napapabayaan. Mga mahahalagang bagay na hindi nabibigyan ng tamang atensiyon. 

  Anumang bagay na hindi minahal at pinabayaan, ikaw ay iiwanan. Tulad ng matalim na gulok na nagtagal sa suksukan, ito'y kinakalawang at kapag ginamit ay mapurol sa tagaan.


   Ang mga bagay na pinagtutuunan natin ng pansin ay laging bahagi natin sa araw-araw, wala itong tigil at kusang nakapangyayari. Subalit pagmasdan natin ang ating mga sarili sa harap ng salamin, ikaw pa ba ito? Dati rati’y maganda, masaya, puno ng buhay, laging abala . . .
Anong nangyari at malaki ang ipinagbago?

   Maliban lamang na pinatutunayan nito na ang lahat ay panandalian, walang nagtatagal kaysa dati. Naisin mo man o hindi, ang lahat ng ito’y hindi mo mapipigilan. Lahat tayo ay dito patutungo---ang pagtanda. Ang mga binti na umaalalay sa iyo ay hihina, mananakit, magmamanhid, mapipilay o mapaparalisado. Ang mga kamay at mga pulso na nakagagawa upang ikaw ay makasulat o makalikha ng mga bagay ay manginginig at titigas ang mga litid. Ang balikat ay lalaylay. Ang katawan ay mag-iiba ng anyo at ang angking lakas ay maglalaho sa mga paraang hindi mo kayang sukatin. Ang iyong mga mata’y unti-unting manlalabo at kadalasan pati na ng pagka-ulyanin sa kaisipan.

   Lahat ng ito’y nagaganap na sa ngayon.

   Kung mayroon kang dakilang layunin, malaya kang makakagawa ng maraming bagay tulad ng malaking pagbabago sa iyong sarili. Magagawan mong baguhin ang mga hindi nakakatulong at sumisira ng iyong pagkatao. Maiiwasan mong mag-aksaya ng panahon sa mga bagay na walang kabuluhan at maibaling ang iyong atensiyon sa mga bagay na magpapaunlad at magpapaligaya sa iyo. Kailangan lamang na pag-ukulan mo ito ng ibayong atensiyon. Ikaw ang higit na nakaaalam at may responsibilidad na gawin ito para sa iyo.
   Ang pag-asa ay ang paniniwala na bukas ang lahat ay magiging higit na mabuti. May kabatiran na nagpapatunay na makakaya mong magawa ang lahat ng ito sa pamamagitan mo. Simulan mula sa maliliit at ang lahat ay magiging madali.

   Papaano mo magagamit ang iyong mga kakayahan o katangian upang likhain ang mga bagong posibilidad sa iyong buhay ngayon at sa mga bukas pang darating?


   Kung tayo ay nakaharap sa tamang direksiyon, lahat lamang nang ating gagawin ay ang magpatuloy ng paghakbang.
   Isa sa pinakamahirap magawa ay ang kaalaman kung ano ang tama o ukol para sa iyo. Mananatili kang pabalik-balik at paikot-ikot sa pagnanais na masumpungan ito---ang dakilang layunin, tamang trabaho, ang mga tamang lunggati, tamang kapasiyahan, at tamang kabiyak.
   Ang katotohanan ay walang alinmang tama. Anumang sandali magagawa mong palitan ang direksiyong iyong tinatahak, at ito’y tumpak at tuwirang pagpili. Hindi mo kailangang ipaliwanag, ipagtanggol, o maging maunawaan ito. Ang nararapat lamang ay pagkatiwalaan mo ang iyong sarili at buong kagitingang taluntunin ang landas na iyong pinili.
   At kung sa paglalakbay na ito’y nakadama ka ng pag-aagam-agam, gumawa muli ng kapasiyahan. At lumakad muli at ipagpatuloy ang paghakbang hanggang makamit mo ang lahat ng katuparan ng iyong mga pangarap.

Ang tagumpay ay hindi isang destinasyon, ito ay isang paglalakbay. At ang paglalakbay ng maraming pangarap ay nagsisimula sa unang paghakbang.

Ang inyong kabayang Tilaok,


Lungsod ng Balanga, Bataan

No comments:

Post a Comment